Halaga ng smuggled cigarettes na nasabat sa Zamboanga Peninsula abot na P62-M
Umabot na sa higit P62 milyong ang halaga ng nasabat na smuggled items sa magkakahiwalay na anti-smuggling operations ng Police Regional Office 9 (PRO-9) sa Zamboanga Peninsula ngayong taon.
Batay sa inilabas na datos ngayong araw ng PRO-9, mula Abril 1, 2024 hanggang Hunyo 30, 2024, nagkakahalaga ng P62.6 milyong ang nasamsam nilang ipinuslit na sigarilyo mula sa kabuuang 145 operasyon na inilunsad ng pulisya laban sa smuggling sa rehiyon.
Ang nasabing mga operasyon sa loob ng dalawang buwan ay nagresulta ng pagkakahuli ng 112 mga suspek na sangkot sa smuggling.
Siniguro ni PRO-9 Regional Director PBGen. Bowenn Joey Masaudding na nananatiling nakatuon ang kapulisan kasama ang ibang ahensya ng pamahalaan sa kanilang mahigpit na kampanya laban sa smuggling upang malutas ang problema ng pamumuslit ng mga kalakal at maging smuggling-free ang Zamboanga Peninsula.