Dating purok leader sa Cotabato City, patay sa pamamaril
COTABATO CITY - Dead on arrival sa ospital ang isang babaeng dating purok leader ng Zenaida Subdivision matapos itong pagbabarilin sa Moonlight street, Barangay Rosary Heights 8 Cotabato City pasado alas-9 kaninang umaga.
Kinilala ang biktima na si Maria Alona Villar, nasa 50 anyos at residente ng nasabing barangay. Sa report ng PNP, lumalabas na siya ay maybahay ni Police Lt. Colonel Henry Villar.
Sa ulat ng Cotabato City Police Station 2, naglalakad ang biktima sa nasabing lugar nang bigla siyang lapitan ng hindi pa tukoy na mga suspek at pinagbabaril ng ilang beses.
Mabilis ring nakatakas ang mga suspek na umano’y sakay ng motorsiklo patungo sa hindi matukoy na direksyon matapos maisagawa ang krimen.
Tinamaan sa ulo ang biktima na kung saan naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay ayon sa mga doktor.
Narekober sa crime scene ang isang basyo ng bala at fired cartridge na pinaniniwalaang mula sa .45 caliber pistol.
Sa ngayon, wala pang lead ang PNP sa kung ano ang motibo ng pamamaril habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.
Hawak ng biktima ang papel na ito nang siya ay mabaril.