Crime of passion? Rookie cop in Koronadal shooting falls
BAGUMBAYAN, SULTAN KUDARAT - Naaresto ng mga otoridad ang suspek na responsable sa pamamaril sa isang boarding house sa Pantua village, Brgy. Zone 3, Koronadal City alas 2 kaninang umaga.
Batay sa inisyal na impormasyon, nahuli si Patrolman Roland Lopez sa Brgy. Titulok, Bagumbayan, Sultan Kudarat pasado ala 1:30 ngayong hapon lamang.
Narekober sa kanya ang issued firearm nito na M4 rifle na pinaniniwalaang ginamit sa pagbaril sa nasawing biktima na si Chachi Canlas, at pagkasugat nina Debbie John Biñas at Joana Saptula.
Selos ang nakikitang unang dahilan ng pagwawala ni Lopez na nauwi sa pamamaril, ayon sa ilang mga saksi.
Una nang nag-alok ng P100,000 na reward money si PNP-12 regional director PBGen. Alexander Tagum para sa makakapagturo sa kinaroroonan ni Lopez.
Nauna rito, kinumpirma ni Gen. Tagum ang pagkakahuli sa suspect at inatasan ang Koronadal PNP na agad ipagharap ng kaso ang suspect ayon sa mga katibayan.