3 mga kaso ng pamamaril, naganap sa Cotabato City ngayong gabi
Tatlong sunod sunod na kaso ng pamamaril ang naitala ngayong gabi sa magkakahiwalay na lugar sa Cotabato City.
Unang napaulat ang pamamaril ang isang 23-anyos na lalaki sa Don Rufino Alonzo Street corner Dorotheo Street, Poblacion 6, Cotabato City mag aalas-sais ng gabi kanina.
Kinilala ni Police Station 1 Commander Capt. Kenneth Rosales ang biktima na si Norhamin Usman Guiadel alyas Datu Nhot, nasa hustong gulang, single na taga Brgy. Bulalo, Sultan Kudarat, Maguindanao.
Ayon kay Rosales, nilapitan ng dalawang mga suspek ang nasabing biktima at pinagbabaril gamit ang caliber 45 pistol.
Samantala, may kaso rin ng pamamaril sa bahagi ng Minute Burger malapit sa Fiesta Mall, Rosary Heights 10 habang mayroon din sa Las Hermanas, Highway.
Base sa initial information na natanggap ng DXMS Radyo Bida, ang mga napatay sa Las Hermanas ay riding in tandem at salarin umano sa pamamaril ngunit ito'y patuloy pang biniberipika.
Ang lahat ng kaganapan ay patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad.