800 pamilya, apektado ng baha sa Bagumbayan, SK
KORONADAL CITY -- Problema ngayon ng mahigit 800 na mga pamilya ng Barangay Dagoma, Bagumbayan, Sultan Kudarat kung papano makabangon sa pananalasa ng flashflood sa kanilang lugar linggo ng hapon, Hunyo 27, 2021.
Ayon kay Dagoma Barangay Chairman Merilo Cordero, totally damage din sa baha na halos lagpas tao ang 53 na mga bahay.
Binaha ayon kay Cordero ang mga Sitio ng Singko, Sais, Uno, Dos, Lower Linapawan at Sitio Cabuling sa Dagoma.
Dinagdag din nito na dagdag pahirap din sa mga mamamayan ang mga lumang troso sa bundok na tinangay ng baha sa kanilang lugar.
Ayon kay Cordero ginawa munang evacuation center ng barangay ang kanilang eskwelahan at plaza para sa mga pamilyang walang matitirhan.
Sinabi din ni Cordero na tumulong sa pagligtas sa mga mamamayan mula sa rumaragasang tubig ang local government ng Bagumbayan.
Habang nagbigay din ng paunang tulong na pagkain sa binahang mga mamamayan ang provincial government ng Sultan Kudarat.
Sa ngayon, ayon kay Cordero ay inaalam pa nila ang danyos ng flashflood sa mga pananim sa kanilang barangay.