Tricycle driver nasunog matapos maaksidente sa Sarangani
MALAPATAN, Sarangani- Kalunos-lunos ang sinapit ng isang tricycle driver matapos masangkot sa vehicular crash sa Malapatan, Sarangani Province kaninang umaga.
Kinilala ni Malapatan Bureau of Fire Protection opertions officer SFO2 Ernesto Besana ang nasawing biktima na si Anthony Abrasado, at taga lungsod ng Koronadal.
Nangyari ang aksidente bandang alas 5:40 kaninang umaga kung saan papuntang Glan ang biktima lulan ang tricycle kasama ang asawa at dalawang anak nito.
Ayon sa mga testigo, mabilis umano ang takbo ng Raider 150 na minamaneho ni Aglobo Roy Dalongdong na papuntang Gensan City at nabangga ang tricycle.
Sa lakas ng impact ay sumiklab ang Raider.
Hindi na nakaligtas pa si Abrasado at nilamon ng apoy matapos na-trap ang paa nito sa tricycle.
Kaagad isinugod ang mga biktima sa Sarangani Provincial Hospital.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, papunta sana ang pamilya sa Glan upang makilibing sa kanilang kaanak.