NGO cargo trucks, tinangkang sunugin sa Koronadal City
KORONADAL CITY - Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa tangkang panununog sa mga sasakyan ng isang NGO official sa Purok Maharlika, Barangay Gen. Paulino Santos.
Ayon kay Koroandal deputy police director Maj. Rommel Hitalia sa panayam ng Radyo Bida, nangyari ang insidente bandang alas 6 kaninang umaga sa bahay ni Elvisa Amante, 50 anyos at isang executive director ng isang non-government organization.
Inihayag ng opisyal na tinapunan umano ng hindi pa matukoy na mga suspek ng boteng may gasolina, ang Bonggo at cargo truck na pagmamay-ari ng biktima.
Dalawa mula sa pitong molotov na tinapon ang sumiklab ngunit kaagad naman itong naagapan, kung saan nasunog lamang ng bahagya ang mga sasakyan.
Naniniwala ang opisyal na posibleng personal grudge ang dahilan ng tangkang panununog.
Sa ngayon ani Hitalia, ay itinurn-over na nila ang kaso sa Bureau of Fire Protection upang mas maimbestigahan pa ang pangyayari.