Tantangan flash floods displace 50 families after heavy down pour
KORONADAL CITY -- Iniligtas ng local ng pamahalaan ang mahigit 50 pamilya sa Barangay New, Iloilo, Tantangan, South Cotabato.
Ito ay matapos malubog sa hanggang bewang na baha sanhi ng malakas na pagulan kahapon ang kanilang lugar. Ang mga nailigtas na mamamayan ay dinala ng mga kasapi ng rescue team ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council sa Barangay Gym.
Ayon kay Tantangan Mayor Benjamin Figueroa, ipinagutos nito sa mga volunteer ng lokal na pamahalaan na gamitin ang lahat ng rescue vehicles sa mga na-trap sa baha na nakatatanda, persons with disability,at mga bata. Ang mga binahang mamamayan ay binigyan ng paunang tulong na kanin, ulam at inuming tubig ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Figueroa maaring marami pang mga pamilya sa ibang barangay ng Tantangan ang apektado ng baha. Humiling na ng tulong ang alkalde sa Provincial Social Welfare and Development Office ng South Cotabato at Department of Social Welfare and Development o DSWD. Ito ay kung sakali mang magpapatuloy pa rin ang banta ng mga pagbaha dala ng walang patid na mga pagulan.
Ang mga pagbaha kahapon ay naging sanhi rin ng pagka-stranded ng ilang oras ng mga motorista na dumadaan sa Koronadal City-Tacurong City Highway, Sultan Kudarat Highway.