No lockdown in Koronadal City, Mayor Ogena says
KORONADAL CITY - Fake news at walang katotohanan.
Ito ang sinabi ni Koronadal Mayor Eliordo Ogena matapos pabulaanan ang kumakalat na impormasyon na pagsailalim sa lungsod sa lockdown simula December 24 hanggang sa bagong taon.
Binigyan diin ni Ogena na walang dahilan para isailalim sa lockdown ang Koronadal.
Paliwanag ng alkalde naging matagumpay ang lokal na pamahalaan sa paglaban sa COVID-19.
Sa katunayan ang Koronadal City ay mayroon lamang 41 active COVID-19 cases sa ngayon.
Sinabi din ng alkalde na sa 497 COVID-19 cases sa lungsod simula noong Marso nakarekober ang 446 at sampu lamang ang binawian ng buhay.
Ipinahayag ni Ogena na maging siya man ay nalilito rin kung ano ang motibo ng mga nagpapakalat ng maling impormasyon na nagdulot din ng pangamba sa publiko.
Marahil nais lamang ng mga ito, ayon kay Ogena, na pigilin ang mga tao na magtungo ng Koronadal mula sa mga karating na lugar.