MILF member patay sa pamamaril sa Datu Hoffer, Maguindanao
KINILALA ANG NASAWING biktima na si Thoks Angkupa, 45-anyos, magsasaka, taga Sitio Bagurot, Tuayan Mother, Datu Hoffer, Maguindanao at kasapi ng Moro Islamic Liberation Front o MILF 118th Base Command.
Sa ulat ng Datu Hoffer PNP na pinamumunuan ni Police Lt. Billy Fontanilla, habang binabaybay ng biktima ang daan ng Sitio Aliman, Tuayan Mother sakay ng motorsiklo ay bigla itong pinagbabaril ng dalawang hindi pa tukoy na mga suspek kagabi.
Maswerte namang nakaligtas sa pananambang ang kanyang misis na angkas nito nang mangyari ang krimen.
Sa dibdib tinamaan ang biktima na sanhi ng kanyang pagkasawi habang mabilis namang tumakas ang mga salarin matapos ang pamamaril.
Kinondena naman ng Datu Hoffer PNP ang nasabing insidente at hiniling ang kooperasyon ng publiko na makakatulong upang maresolba ang kaso.