Mga isda mula GenSan fishport, bawal munang ibenta sa Banga, South Cotabato
BANGA, South Cotabato- Bawal muna sa mga fish vendor sa Banga na magbenta ng salt water fish o isdang nahuli sa dagat hanggang sa September 12.
Ito ay ayon kay Banga Mayor Albert Palencia.
Ayon ay Palencia layon nito na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 cases sa kanilang lugar.
Ipinahayag ito ni Palencia kasunod ng pagpositibo sa rapid test ng 5 fish vendor sa Banga na may exposure sa General Santos City fishport noong nakaraang linggo.
Ibig sabihin nito, para makumpirma nga na COVID-19 positive ang nasabing mga fish vendor kailangan pa ng mga ito na sumailalim sa Polymerase Chain Reaction o PCR test.
Sinabi ng alkalde na ang ang nasabing mga fish vendor, myembro ng kanilang pamilya at naka-close contact na kaanak ay sumasailalim ngayon sa 14-day quarantine.
Kaya lamang ayon kay Palencia, nagkaroon din ng close contact sa mga ito ang iba pang mga mamamayan sa kanilang mga barangay.
Paliwanag nito dahil nakakalat sa iba’t ibang lugar sa Banga ang pwesto ng nasabing mga fish vendor nahihirapan ang lokal na pamahalaan sa pag-trace sa kanilang mga customer.
Sinabi din ni Palencia na pina-activate din ng Banga LGU ang kanilang local contact tracing system.
Ito ay upang mahanap ang mga mamamayan na may exposure sa COVID-19 patients at mamonitor ang kanilang kalagayan.
Tiniyak din ng alkalde ang tulong ng lokal na pamahalaan sa mga may business permit lamang na fish vendor sa bayan ng Banga.