Mahigit 100 mga motor, tricycle na-impound sa Pikit, North Cotabato
KIDAPAWAN CITY - Higit isang daang mga motorsiklo at 50 mga tricycle, na-impound ng Pikit PNP matapos makitaan ng ibat-ibang paglabag.
Ang isinagawang intensified police operation ay pinangunahan ng Pikit Municipal PNP katuwang ang iba pang police augmented police units laban sa mga motorsiklo at tricycle na kulang-kulang ang dokumento.
Sinabi ni Pikit town police chief Lt. Col. John Miridel Calinga na karamihan sa mga nahuli ay walang mga plaka, walang OR/CR at iba pa.
Isinagawa ang operasyon sa national highway ng Pikit at iba pang mga katabing urban barangays.
Layunin nito na paigtingin pa ang local ordinance ng bayan na nagbabawal sa mga sasakyan na bumyahe na walang sapat na dokumento at upang masugpo na rin ang iba’t-ibang krimen na madalas kinasasangkutan ng mga riding-tandem suspects.
Samantala, ang mga na-impound na mga motorsiklo at tricycle ay maaaring kunin ng mga may-ari sakaling ma-proseso na ito ng maayos o kaya’y makumpleto na ang mga dokumento.