Dalawang grupo, nagkagirian, nagkaputukan sa Dalican
NAGKASAGUPA ang dalawang magkalabang grupo sa Barangay Ambolodto, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Base sa initial report ng Datu Odin Sinsuat PNP sa pangunguna ni Major Regie Albellera, grupo umano nina Ambolodto Barangay Chairman Loay Keith Sinsuat at former Maguindanao Board Member Jojo Limbona ang nagkagirian.
Bagamat may mga nabanggit na pangalan, ito ay patuloy pang iniimbestigahan, ayon kay Major Albellera.
Sa salaysay kasi ni Kapitan Sinsuat, may dumating na mga armadong kalalakihan na gustong sakupin ang Barangay.
Sila umano ay sakay ng mga pick up vehicle at may tatak na MSU Maguindanao.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni Limbona na nadawit lamang ang kaniyang pangalan at wala siyang kinalaman sa mga binibintang ni kapitan Sinsuat.
SAMANTALA, pagsapit ng hapon kanina, binaril at napatay ang isang lalaki sa bahagi ng old market site sa Barangay Poblacion Dalican ng nasabing bayan.
Kinilala ang biktima na si Ulem Udal Maulana, 47 years old, tricycle driver at residente ng Barangay Makir.
Ayon sa mga otoridad, posibleng may kaugnayan ito sa nangyaring girian sa Barangay Ambolodto pero ito ay patuloy pang biniberipika.