Saturday Dec, 07 2019 12:12:53 PM

NDBC BIDA BALITA (NOV. 30, 2019)

NDBC BALITA • 08:15 AM Sat Nov 30, 2019
196
By: 
NDBC NCA

NOVEMBER 30, 2019 (SAT)
7:00 AM

HEADLINES:

1. PNP AT AFP, todo alerto matapos na hagisan ng granada ang mga elemento ng Special Forces Battalion sa Cotabato city.

2. Bilan ng aftershocks sa North Cotabato bumaba, reassessment sa ilang lugar, gagawin uli ng Phivolcs at MGB.

3. Top 2 Wanted Person sa Koronadal city, kabilang sa sampung wanted persons na naaresto ng mga pulis sa iba’t ibang lugar sa Region 12.

4. MGA PULIS, handa umano sa planong pag-takeover ni P. Duterte sa PNP.

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA

 

NASA HIGHTENED ALERT ngayon ang mga pulis at sundalo sa Cotabato city kasunod ng nangyaring panghahagis ng granada sa mga elemento ng Army’s 5th Special Forces Battalion habang nasa isang carenderia sa Cotabato city.

Sinabi ni Army’s 5th Special Forces Battalion Commander at Task Force Kutawato Deputy Chief Lt. Col. Randy Banaag na naniniwala silang target ng mga suspek na nanghagis ng granada kamakalawa ng gabi ang mga sundalo na noon ay bumibili ng ulam.

Maswerte na lamang at hindi sumabog ang nasabing granada dahil kung nagkataon ay tiyak na marami sa kanyang mga tauhan ang nasugatan at posibleng nasawi.

Ayon kay Banaag, posibleng paghihiganti ng mga local terrorist group ang motibo sa naturang tangkang pagpapasabog dahil marami sa kanilang mga kasamahan ang nasawi sa nagpapatuloy na operasyon ng militar sa Maguindanao.

Sa ngayon ay naghigpit pa ng seguridad ang mga sundalo katuwang ng PNP para matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan ng lungsod sa anumang tangkang paghahasik ng karahasan ng mga ektremista.

 

-0-

 

PERSONAL NA DINALAW ni 6th Infantry Division chief at Joint Task Force Central commander Maj. Gen. Diosdado Carreon sa Purok Pag-asa, Barangay San Pablo, Tacurong City ang burol ng isang sundalong nasawi matapos masabugan ng Improvised Explosive Device.

Sinabi ni Carreon na itinuturing nilang bayani ang mga tulad ng nasawing si Sgt. Rex Sadava ng 57th Infantry Battalion na nagbuwis ng buhay para masiguro ang kaligtasan ng mas nakararami.

Namatay si Sadava kamakalawa habang nagsasagawa ng combat operations laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Dawlah Islamiya Abu Toraife Group sa SMPS Box sa Maguindanao.

Taos puso namang nakiramay sa naulilang pamilya ni Sadava ang heneral.

Samantala, sa ngayon ay patuloy pa rin ang military operation sa SPMS box para tuluyan maitaboy ang nasa tatlumpo hanggang limampong miyembro ng ektremistang grupo sa lugar.

Una rito, tatlong mga miembro ng BIFF- Dawlah Islamiah Terrorist Group ang napatay sa isinagawang airstrike ng militar sa Sharif Saydona Mustapha, Maguindanao.

Kinilala ni Sharif Saydona Mustapha PNP Chief, Major Reggie Abellera ang mga napatay na sina Akhmad Abdulmalik na sinasabing kapatid ni Dawlah Islamiyah Leader Abo Toraifie, Ansari Esmail na anak ni Abo Toraifie at si Johari Abdulatip.

Ayon kay Abellera, mismong ang mga opisyal ng barangay Pusao sa bayan ang kumilala sa mga nasawi.

 

-0-

PHIVOLCS inirekomenda ang re-assessment sa mga lugar na ideneklarang No Build Zone sa North Cotabato

Magsasagawa ng re-assessment ang provincial government sa mga lugar na una nang idineklarang No Build Zone, kasunod ng isinagawang inter-agency and sectoral meeting sa Capitol Rooftop, Amas, Kidapawan City kahapon.

Ito ang inirekomenda ni Engr. Hermes Daquipa, OIC Manager ng Phivolcs Kidapawan kay North Cotabato Governor Nancy Catamco, upang muling matukoy ang mga lugar na hindi na maaaring balikan ng mga residenteng bakwit.

Nabatid kasi na bago ang pagdedeklara ng No Build Zone ay dapat idaan muna ito sa pagsusuri at saka lalabas ng deklarasyon ang local government sa pamamagitan ng ordinansa mula sa legislative body.

Kaugnay nito, nakatakda namang bisitahin at suriin ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista kasabay si Governor Catamco ang mga lugar sa Kidapawan City partikular sa paanan ng Mt. Apo na una nang idineklarang No Build Zone ng lungsod.

Napagsang-ayunan naman sa nasabing meeting na magrerekomenda ang Phivolcs at Mines and Geosciences Bureau ng isang Geologist upang ma-check ang mga ‘high risk’ na lugar.

Ipinalawanag naman ng gobernadora na ang pagbabasehan ng No Build Zone ay yaong mga naninirahan sa slope area ng bundok na talagang matatamaan ng pagguho ng lupa. 

Sa kabilang dako, pinunto naman si Engr. Daquipa ang mga mahahalagang impormasyon matapos ang naranasang lindol ng probinsya.

Una, aniya bumababa na ang bilang aftershocks, ibig sabihin maaari nang bumalik sa kanilang mga bahay ang mga nasa relocation site maliban na lamang sa mga nasa ‘high risk’ areas, pero huwag piliting tirhan kung may mga sira pa ito.

Pangalawa, maaari pa ring tumira o magpatayo ng bahay malapit sa faultline- basta't ito ay may 5-metrong layo mula sa buffer zone at hindi landslide prone ang lugar. Kailangan lamang dumaan sa engineering intervention at pasok sa standard ng National Building Code.

Pangatlo, ang Mt.Apo na isang potentially active volcano ay walang lamang MAGMA. Kahit gaano man kalakas ang paggalaw ng lupa ay walang lalabas dito.

Pang-apat, nasa rebuilding stage na ang North Cotabato, kung saan unti-unti nang bumangon ang probinsya mula sa lindol. Habang muling binigyang-diin ng PHIVOLCS na wala pa ring makakatukoy kung kailan ang susunod na mga lindol. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

November 30, 2019 Department of Trade and Industry o DTI North Cotabato, mahigpit ang ginagawang monitoring sa mga nagtitinda ng construction materials sa lalawigan

Maliban sa pagmonitor ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng pagkain at mga basic commodities ay mahigpit din ang pagbabantay ng Department of Trade and Industry o DTI North Cotabato sa mga substandard na construction materials na pumapasok sa probinsya.

Sinabi ni DTI Provincial Director Ferdinand Cabiles, bago paman nagpalabas ng kautusan si Presidential Anti- Corruption Commission o PACC Commissioner Manuelito Luna ay hinigpitan na nila ang kanilang monitoring sa lahat ng mga materyales sa pag gawa ng bahay o anumang gusali.

Kadalasan kasi sa dahilan kung bakit madaling masira ang ilang mga istruktura kapag may lindol ay dahil sa pag gamit ng mga substandard materials. 

Kabilang sa kanilang sinusuri ay semento, steel bars, GI sheets, pako at iba pa na may sinusunod na mandatory standard. Pero nilinaw din nitong hindi na kabilang dito ang “Kalakat” dahil ito ay locally- produced product.

 

-0-

 

 

 

Mangagawa ng pinakamabahang Zipline na nasa Barangay New Israel, Makilala ang nawalan ng trabaho matapos huminto ang operasyon nito dahil sa lindol

Isang buwan nang huminto sa kanilang operasyon ang tinaguriang longest Zipline in Asia na New Israel- Eco Tourism Park na matatagpuan sa Barangay New Israel, Makilala North Cotabatao matapos masira dulot ng lindol.

Sinabi ni Barangay Kagawad Martin Dumando, simula noong October 31 na pagyanig ay hindi pa sila nakakabalik sa kanilang operasyon matapos masira ang dalawang loading stations. Dahilan para nawalan din ng hanap buhay ang mga empleyado ng isa sa mga tourist attraction sa Cotabato Province.

Dalawa sa tatlong mga gusali din sa nasabing lugar ang totally damage na ibig sabihin hindi na maari pang gamitin.

Sa ngayon, wala pang eksaktong buwan o araw kung kailan ulit babalik sa kanilang operasyon ang New Isarael Zipline na isa din sa mga dinadayo ng mga turista sa lugar. Dahil inaantay pa anya ang rekomendasyon ng LGU at Provincial Government dahil kailangan pa anya itong ipasuri sa eksperto. 

Samantala, ipinahayag din ng Barangay official na umabot na din sa mahigit 500 na mga pamilya ang lumikas mula sa Purok 5 na ideneklarang high risk area dahil sa banta ng landslide. NDBC BIDA BALITA

 

 

-0-

 

Daan-daang mga guro mula sa Kidapawan City at Makilala, Cotabato, sumailalim sa Psychological First Aid Training

Nagtapos na sa dalawang araw na simultaneous Psychological First Aid training na nilahukan ng mahigit sa 300 na mga guro sa Kidapawan City at Makilala, North Cotabato.

Ito ay inisyatiba ng Cotabato Electric Cooperative o COTELCO kaagapay ang University of San Carlos-Cebu Community Extension Services kung saan anim na mga Psychologist ang nangasiwa sa nasabing pagsasanay.

Layon ng aktibidad na mabigyan ng agarang interbensyon ang mga nabiktima ng lindol lalo na mga estudyante sa paaralan. Kabilang na dito ang pagbibigay ng tamang impormasyon at dapat gawin kapag may kalamidad.

Ang Psychological First-Aid, ibinibigay dalawang linggo matapos maitala ang kahit anumang kalamidad na may layong masuri ang kalagayan ng mga apektadong pamilya at magbibigay ng agarang atensyon. Ang PFA-providers din ang tutukoy sa mga biktima ng lindol na nangangailangan ng Stress Debriefing na isa sa dapat ibinibigay na Psychological Intervention.

 

-0-

 

ITINANGGI naman ng lokal na pamahalaan ng Shariff Aguak, Maguindanao na residente nila ang babaeng nadakip ng mga otoridad sa inilunsad na buy bust operation sa General Santos City.

Iginiit nina Barangay Labu-labo Chairman Pendatun Ampatuan at Barangay Secretary Muhammed Toto Salik na hindi nila residente ang nadakip na drug suspect na nakilalang si Normina Abas Pendaliday.

Una rito, agad na ipinag-utos ni Shariff Aguak Mayor Marup Ampatuan at Vice Mayor Datu Akmad Ampatuan na i-validate ang pagkakakilanlan at residency ng naturang suspect.

Nabatid na isa ang Sharif Aguak sa mga bayan ng Maguindanao na naideklara ng PDEA-BARMM na drug-cleared municipality noong 2017 at napanatili nila ito hanggang ngayong 2019.

 

-0-

 

DUGUANG isugod sa ospital ang lima katao kabilang ang limang taong gulang na batang lalaki matapos na maaksidente sa kanilang sinasakyang Payong Payong sa Barangay Kalanganan Road, Cotabato City.

Nakilala ang mga sugatang biktima na sina LINTANG MAKARAPIN, nasa hustong gulang, RASUL MAKARAPIN, 17 anyos, MARIMAR IMBONG, 24, HASRIYA QUEZON,16 at MINTENG QUEZON, 5 years old, pawang mga residente rin ng nabanggit na Barangay.

Base sa kwento ng isa sa mga kaanak ng mga biktima, bandang alas kwatro ng madaling araw kahapon habang binabaybay ng mga ito ang kalsada patungo sana sa Mega Market nang biglang maghabulan sa kalsada ang maraming aso.

Iniwasan ng driver ng sinasakyan nilang payong-payong ang mga aso ngunit nawalan siya ng kontrol kaya sila sumemplang.

Tumilapon ang ilan sa mga biktima habang ang iba naman ay nadagan ng Payong-Payong sanhi upang magtamo ng mga malulubhang sugat sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.

 

-0-

 

UMALMA ang mga residenteng nakatira sa gilid ng Century old na pantalan sa Barangay Bacolod, Parang, Maguindanao matapos iutos ng Parang LGU ang pag-demolish sa nasa 118 na mga bahay sa lugar.

Sinabi ng isa sa mga residente sa lugar na si Alsaad Abelin na hindi pa sila dapat pinaalis sa lugar dahil wala pa namang nailalabas na court order para sa naturang hakbang.

Giit ni Abelin, na sa isinagawang konsultasyon, February 2, 2020 pa sila dapat umalis sa lugar base sa kanilang napagkasunduan ng lokal na pamahalaan.

Nagtaka na lamang umano sila nang kahapon ay sinumulan na ng LGU ang demolisyon.

Nilinaw naman ni Parang Mayor Kahar Ibay na binigyan nila ng abiso o kinunsulta ang mga residente na nakatira sa lugar bago ang demolisyon.

Aniya, nabigyan din ng sapat na panahon ang mga residente para lumikas at lumipat sa inihanda nilang relocation site.

Ayon pa sa alkalde, naipaliwanag na rin umano sa mga residente ang dahilan kung bakit kailangan nilang lisanin ang lugar.

Tiniyak naman ni Mayor Ibay  na may nakalaang livelihood assistance sa mga residenteng apektado ng demolisyon.

Plano kasi ng LGU na ma-develop ang lugar, linisin ang pantalan at magamit bilang daungan ng mga sasakyang pandagat.

 

-0-

 

Nanguna ang Bangsamoro Sports Commission o BSC sa pag turnover ng mga sports equipment sa Maguindanao II Schools Division Office sa Datu Odin Sinsuat Maguindanao bilang bahagi ng selebrasyon ng National Children’s Month.

Hinikayat naman ni Bangsamoro Sports Commission chairman Norham Uka ang mga mag-aaral sa naturang dibisyon na maging aktibo sa sports at iwasan ang masasamang bisyo.

Ayon pa kay Uka, hindi rin hadlang ang kahirapan para makamit ng mga batang atleta ang kanilang mga pangarap lalo pa’t lagi umanong nakasuporta ang BSC sa kanilang mga hangarin.

Payo lamang ni Uka sa mga mag-aaral, ipagpatuloy ang pag-aaral habang nililinang ang kanilang angking galing sa sports.

Samantala, tinanggap naman ni Maguindanao II Schools Division Superintendent Bai Meriam Kawit ang mga sports equipment mula sa BSC at agad na ipinamahagi sa mga paaralang sakop ng kanilang dibisyon.

 

-0-

 

Koronadal City, nakapagtala na ng pang-apat na insidente ng pamamaril ngayong buwan.

Patuloy na inaalam ngayon ng Koronadal City PNP kung sino ang nasa likod ng panibagong insidente ng pamamaril na naitala sa lungsod.

Ito ay matapos pagbabarilin ng riding in tandem pasado alas syete nang umaga kahapon sa labas mismo ng bahay ng kanyang bahay sa Purok Pag-asa, Barangay San Jose, Koronadal City ang isang lalaki.

Kinilala ang biktima na si Roquito Dalmacio Jr., alyas "Onyot", 52 anyos, na kilalang nag-iispray ng mga puno ng mangga sa kanilang lugar.

Sa panayam ng Radyo Bida Koronadal kay Barangay San Jose Chairperson Danilo Simtim, inihayag nitong nagwawalis lamang sa labas ng kanyang bakuran ang biktima nang pagbabarilin ng riding-in-tandem suspects na nakasakay sa kulay itim na Honda XRM na motorsiklo.

Sa ngayon ay nahihirapan ang mga imbestigador ng pulisya na kilalanin ang mga suspek dahil parehong nakasuot ng bonnet ang mga ito.

Ayon sa mga kapitbahay ng biktima, nakarinig lamang sila ng dalawang putok ng baril at paglabas ay paalis na ang mga suspek habang nakabulagta na si Dalmacio matapos magtamo ng tama ng bala sa kanyang ulo.

Unang naitalang biktima ng pamamaril ngayong buwan sa Koronadal City ang kasapi ng Provincial Security Unit ng South Cotabato na si Robert Corneta, pangalawa naman ang negosyanteng si John Togonon at pangatlo naman si Alyas Memo na sinasabing may kasong theft.

 

-0-

 

Barangay sa Koronadal unang nakapagtala ng 100 percent sa malawakang polio vaccination sa buong South Cotabato

Gumawa ng kasaysayan ang Barangay Assumption sa Koronadad City kaugnay sa ipinatutupad ngayong malawakang pagbibigay ng oral polio vaccine.

Ang Assumption ang unang barangay sa South Cotabato na nakapagtala ng 100 percent sa Sabayang Patak Kontra Polio o Synchronized Mass Oral Polio Vaccination. Matatandaan na ang nasabing programa ay sinimulang ipatupad noong November 25.

Nabatid na lahat na 169 na mga batang nasa 0 hanggang 59 months old sa barangay Assumption ay nabigyan ng oral polio vaccine sa loob lamang ng dalawang araw. Kaugnay nito, pinuri naman ni South Cotabato Provincial Health Officer Dr. Rogelio Atrudido Jr ang mga taga Barangay Assumption at si Koronadal City Health Office OIC Dr. Edito Vego.

Ito ay dahil sa matagumpay na pagpapatupad ng Sabayang Patak, Kontra Polio. Target na mabigyan ng bakuna kontra polio ang mahigit 22 thousand na mga bata sa 27 mga barangay sa Koronadal City.

 

-0-

 

Pagkaantala ng operasyon ng provincial dog impounding facility sa kanilang lugar, ipinaliwag Vice Mayor ng Surallah, South Cotabato

Kakulangan ng pondo ang naging dahilan kung bakit naantala ang operasyon ng dog impounding facility ng lalawigan ng South Cotabato sa bayan ng Surallah.

Ipinaliwanag ito ni Surallah Vice Mayor Pinky Divinagracia. Ayon kay Divinagracia, aprubado na rin ng Sangguniang bayan ng Surallah ang pag-operate ng nasabing pasilidad sa kanilang lugar.

Ipinayag din nito na nalakip na rin nila sa annual budget ng Surallah ang mahigit isang milyong piso para sa operasyon ng dog impounding facility.

Sinabini Divinagracia na inaasahan nilang maari nang mapaglagyan ng mga asong gala ang pasilidad sa unang quarter ng 2020.

Kaugnay nito sinabi naman ni Surallah Mayor Antonio Bendita na humihingi din ito ng dagdag na pondo sa provincial government para magamit sa operasyon ng nasabing dog impounding facility.

Layon ng proyekto na pinondohanng pamahalaang panlalawigan ng mahigit 1.8 million pesos na mapigilan ang pagdami ng mga asong gala na madalas ay nagiging sanhi ng rabies.

 

-0-

 

NATIONAL NEWS………………….

HANDA umano ang PNP at walang magiging problema sa planong pag-upo ni Pangulong Duterte bilang pansamantalang pinuno ng 195 libong mga pulis sa bansa.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Brig. Gen. Bernard Banac, suportado ng PNP ang anumang magiging desisyon ng Pangulo.

Maalalang kamakalawa ng gabi ay sinabi ng Pangulo na hirap pa rin siyang pumili ng susunod na PNP Chief at dahil dito’y maaring siya na lamang mag-takeover o pansamantalang hawakan ang PNP.

Sa iba pang balita, isinulong ni Sen. Lito Lapid na gawing ‘unlimited’ o lifetime ang validity ng pasaporte ng mga senior citizen.

Sa Senate Bill 1197 ni Sen. Lapid na tatawaging “Lifetime Passports for Senior Citizens Act,” sinabi nito na pinapahalagahan ng gobyerno ang mga senior citizen na nakapag-ambag ng malaki sa kanilang pamilya at lipunan.

Layunin ng panukala ni Lapid na huwag nang pahirapan ang mga Pinoy na may edad 60 pataas sa pagre-renew ng kanilang passports.

Sa kabilang dako, inakusahan ng Malacañang si Vice Pres. Leni Robredo na gumagawa ng ‘multo’ na magiging panakot nito sa administrasyon kaya natatagalan ito bago ibunyag ang sinasabi niyang nadiskubre niya sa maiksing pananatili bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Illegal Drugs o ICAD.

Hinamon din ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo si VP Leni na ilabas na nito sa publiko ang sinasabi niyang nadiskubre sa kampanya ng gobyerno laban sa illegal drugs.

Magugunita na matapos sibakin ni Pangulong Duterte si Robredo bilang co-chair ng ICAD ay nagpahayag ang bise-presidente na ilalantad nito sa publiko ang kanyang natuklasan sa maiksi niyang pananatili sa ICAD.

Tumagal lamang ng 19 araw si Robredo bilang co-chair ng ICAD at agad na sinibak ito ng Pangulo matapos sabihin na wala siyang tiwala rito kaya hindi niya ginawang miyembro ng gabinete.

8th fire hits Kabacan, North Cotabato in 6 days

KIDAPAWAN CITY  – A fire of still unknown origin razed to the ground four business establishments and a boarding house in Kabacan, North...

Livelihood training in poorest Mindanao provinces slated in 2020

DAVAO CITY -- A team of agriculture experts will conduct a lecture series on livelihood projects targeting Mindanao's poorest provinces,...

New 602nd Brigade chief vows intensified drive vs. terrorists

CAMP LUCERO, North Cotabato – A seasoned military officer from the office of Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana has...

In Maguindanao, Sen. Bong Go opens 53rd Malasakit Center

DATU HOFER, Maguindanao (Dec. 6) – Another “Malasakit Center” has been added to a pro-poor health program that aims to prove the...

Soldiers seize another Dawlah Islamiya arms cache

MAGUINDANAO --- Soldiers seized Thursday assault rifles, an anti-tank rocket and explosives scattered in an abandoned Dawlah Islamiya lair...