Saturday Dec, 07 2019 11:32:12 AM

NDBC BIDA BALITA (NOV. 29, 2019)

NDBC BALITA • 17:45 PM Fri Nov 29, 2019
158
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST

NOVEMBER 29, 2019 (FRI)
7:00 AM

HEADLINES:

1. GRANADA na inihagis sa bubong ng isang carenderia sa Cotabato city, maswerteng hindi sumabog; mga pulis na nasa lugar, pinaniniwalaang puntirya!

2. MATANDANG BAKWIT, nasawi sa loob ng evacuation center sa Makilala, North Cotabato

3. Mga bakwet pwede nang bumalik dahil bumaba na ang bilang ng mga aftershocks ng lindol.

4. Pangulong Duterte, hinamon si Vice President Leni Robredo na ilabas ang kanyang nalalaman sa war on drugs ng administrasyon.

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA

MASWERTENG hindi sumabog ang isang granada na inihagis sa bubong ng isang carenderia kagabi sa Sinsuat Avenue, na bahagi ng Barangay Rosary Heights 6, Cotabato city.

Sa report ng Police Station 2, pasado alas siete kagabi nang magtungo sa naturang carenderia ang Special Forces Team sa naturang carenderia upang kunin ang kanilang inorder na pagkain.

Gayunman, bigla na lamang silang nakarinig ng lagabog sa bubong ng naturang kainan.  Nang hanapion, nakita ang isang granada sa gilid.

Mabuti na lamang at hindi sumabog ang granada na posibleng puntirya ay ang mga sundalo na nasa lugar.

Ayon sa pulisya, napansin umano ng Special Forces Team ang isang lalaking naka-motorsiklong mabilis na dumaan na syang posibleng naghagis ng naturang pampasabog.

 

-0-

 

UMABOT ng limang oras ang bakbakan sa pagitan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF at grupo ng mga magsasaka sa boundary ng Barangay Bungguan at Barangay Pagangan, partikular sa Sitio Tubak, Aleosan, North Cotabato

Sa report ng Aleosan PNP, nag-aani umano ng palay ang mga magsasaka nang bigla silang pinaputukan ng mga BIFF member na pinamumunuan ng isang Kumander Macasasa.

Agad namang gumanti ng putok ang mga magsasaka na nagresulta sa halos limang oras na sagupaan.

Gayunman, wala namang naiulat na nasawi sa magkabilang panig at wala ring naiulat na paglikas ng mga residente sa lugar.

 

-0-

 

TINATAYA namang nasa mahigit 900 mga pamilya na ang lumikas dahil sa nagpapatuloy na bakbakan ng militar at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF sa Shariff Aguak at mga kalapit na bayan.

Sa isinagawang assessment ng Maguindanao Provincial Risk Reduction ang Management Office, posible pang madagdagan ang bilang ng mga bakwit dahil nagsimula na ring lumikas ang mga residente sa iba pang mga liblib na barangay ng Shariff Aguak simula kahapon dahil sa takot na maipit sa gulo.

Apektado na rin ang pasok ng mga estudyante sa Barangay Tapikan.

Ayon naman kay Shariff Aguak Municipal Executive Assistant Anwar Emblawa, magbibigay ng ayuda ang lokal na pamahalaan katuwang ang mga non-government organizations, Provincial Government at Regional Government sa mga pamilyang apektado.

Paalala naman ni Emblawa sa mga residente na maging mahinahon dahil kontrolado naman umano ng tropa ng gobyerno ang sitwasyon sa kanilang lugar.

Pinawi rin ni Emblawa ang pangamba ng mga motorista na dumaraan sa lugar at tiniyak na ligtas pa ring dumaan sa national highway dahil nasa liblib na lugar naman ang nagyayaring bakbakan.

 

-0-

 

Sabay na isinugod sa ospital ang dalawang mga myembro ng Moro Islamic Liberation Front o MILF matapos silang magtamo ng malubhang mga sugat nang maka-engkwentro ang isang armadong grupo sa Barangay Damablac, Talayan, Maguindanao.

Nakilala ang dalawang sugatang MILF members na sina ERAP SAMAMA, 26 years old at JOEL MAMA MANGUDA, 48 parehong mga residente rin ng nabanggit na bayan.

Base sa inisyal na ulat, pasado alas dyes ng umaga kahapon habang nagsasagawa ng operasyon laban sa ISIS-inspired group ang dalawa at iba pa nilang mga kasamahan nang makasagupa ang grupo ng mga armadong lalaki na nakasuot ng kulay itim na damit.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo si SAMAMA habang sa katawan naman ang sugat ni MANGUDA.

Parehong nasa kritikal na kalagayan ang dalawa at patuloy na nilalapatan ng lunas sa isang pagamutan sa Cotabato city.

 

-0-

 

PATAY ang isang 19 anyos na binata matapos na aksidenteng maipit sa nililinis nitong cement mixer sa Barangay Sandakan, Sultan Kudarat, Maguindanao.

Nakilala ang nasawi na si DATU ALI ACOB, construction helper na residente rin ng naturang bayan.

Sa report ng Sultan Kudarat PNP, pasado alas dyes ng umaga kahapon habang nililinis ni ACOB ang cement mixer nang pina-andar ito ng kasamahang si NASSER HORASAN dahilan para maipit ang buong katawan ng biktima at naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Patuloy namang nagtatago si HORASSAN na mabilis na tumakas matapos na mangyari ang insidente na ikinamatay ni ACOB.

 

-0-

 

DEAD ON ARRIVAL sa pagamutan ang isang lalaki matapos pagbabarilin pasado alas syete kagabi sa harap ng simbahan ng Iglesia ni Cristo sa Barangay Baguer, Libungan, North Cotabato.

Kinilala ang biktima na si Christian Acob Mondragon, 26 anyos, single, isang electrician na taga Barangay Bulucaon, Pigkawayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Libungan PNP, galing Pigkawayan ang biktima at sinundan umano ito ng hindi pa nakikilalang suspek na sakay din ng motorsiklo at pinagbabaril nang makakuha ng tiempo.

Nakuha mula sa crime scene ang isang basyo ng bala ng cal. 45 pistol na pinaniniwalaang ginamit ng suspek sa pagbaril sa biktima.

 

-0-

 

Philvocs, inirekomenda sa Sangguniang Panlungsod ang pag regulate sa pagbenta ng mga materyales na gagamitin sa pagpapatayo ng bahay o istruktura sa Kidapawan City

Libu-libong mga bahay, istruktura at maraming buhay na rin ang nasayang dulot ng malalakas na lindol sa buong lalawigan ng North Cotabato.

Ito ang nag-udyok kay Philvocs Kidapawan OIC Manager Engineer Hermes Daquipa na na siyang nagrekomenda sa Sangguniang Panlungsod na gawing ordinansa ang pagregulate ng mga ibinebentang materyales na gagamitin sa pagpapatayo ng bahay o anumang gusali.

Pangalawa nais din niya na bago magpatayo ng bahay ang mga nasa Barangay ay dadaan muna sa Barangay officials at sila na ang makikipag-ugnayan sa mga engineers.

Layunin nitong masiguro na ligtas ang mga titira sa bahay o gagamit sa istrukturang itatayo laban sa lindol sa mga lugar dahil hindi naman anya ang lindol ang nakakamatay pero ang mga mahuhulog tulad ng sub-standard materials.

Ginawa ng opisyal ang pahayag kasabay ng Legislative Inquiry kahapon sa Session hall kasama ang mga Sangguniang Members at mga tribal chieftain mula sa ibat-ibang Barangay ng lungsod.

Dapat din anyang makapasa sa itinakdang pamantayan ng National Building code ang lahat ng gusali na itatayo sa pamamagitan ng istrikto o mahigpit na magpapatupad ng pagbabawal sa pagbenta ng sub-standard materials, na kahit paman malapit sa fault line magpatayo ng bahay ay ligtas pa rin kapag may lindol na dapat mayroong 800 Pounds per square inch o PSI o equivalent to 5. 4 MBA.

Samantala, ipinahayag din sa kanila ni DOST Undersecretary Renato Solidum na dapat ikatuwa ng mga taga North Cotabato at karatig na lugar dahil wala anyang laman ang Mount Apo na ibig sabihin walang magma sa loob ng bundok na kahit gaano kalakas ang pagyanig ay walang lalabas dito.

May batas na nagbabawal sa pagbebenta ng substandard construction materials.

 

 

-0-

 

Ibat-ibang mga religious sectors sa North Cotabato, pangungunahan ang isasagawang motorcade prayer rally bilang paggunita ng ikalawang malakas na lindol na tumama sa probinsya

Makikiisa at makikibahagi ang mga miyembro mula sa ibat-ibang religious sector sa isasagawang motorcade prayer rally bilang pag gunita ng ikalawang malakas na pagyanig na tumama sa Kidapawan City noong October 29, 2019 na isang buwan na rin ngayong ngayong araw.

Magsisimula ang aktibidad alas 9:00 ngayong umaga at lilibutin ng grupo ang mga lugar sa tatlong mga distrito ng North Cotabato.

Hihinto ang Jesus reign team sa ilang mga lugar sa probinsya na lubhang sinalanta ng lindol tulad ng sa bayan ng Tulunan, Mlang, Makilala at sa Kidapawan City.

Layon ng aktibidad na humingi ng proteksyon at makapagbigay ng kaunting panahon na manalangin bilang paggunita ng ikalawang malakas na pagyanig na tumama sa malawak na bahagi ng Mindanao.

Ito ay upang mabasbasan din ang lahat na mga lugar sa probinsya dahil na rin sa idinulot ng lindol sa maraming mga residente lalo na sa may pamilyang namatayan na hanggang sa ngayon ay bakas pa rin ang lungkot at pagdadalamhati sa pagka-ulila ng kanilang kapamilya.

Samantala, iniimbitahan naman ang lahat na makiisa sa isasagawang motorcade prayer rally ngayong araw. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Alkalde ng Kidapawan City, pinulong ang mga home-owners na biktima ng sunog sa lungsod

Handa ang lokal na pamahalaan ng Kidapawan City na tugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang biktima ng sunog sa Nursery Phase 1 ng Kidapawan City kamakailan.

Sa isinagawang pagpupulong kahapon, ipinaabot ng mga biktima ang kanilang hinaing lalo’t naabo ng sunog ang kanilang mga pamamahay.

Ipinalawanag naman ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista na pansamantala munang no build zone sa nabanggit na lugar dahil aayusin muna ng city government ang mga proseso bago ang muli pagpapatayo ng mga tirahan.

Pero tiniyak ng alkalde na tutugan nito ang hinaing ng mga resindente sa lugar tulad ng tubig, kuryente at mga tent na pansamantalang masisilungan ng mga ito.

Sa ngayon ayon kay Evangelista, patuloy pa nilang vina-validate ang listahan ng mga original occupants upang pinal na mapag-usapan ang gagawing mga susunod na hakbang. Samantala, ipinaliwanag din ng alkalde sa mga residente na hinihintay na lamang nila ngayon ang pag-isyu ng Affidavit of No Objection mula sa Department of Agriculture.

Nabatid na una nang pumirma sa affidavit of No Objection ang mga ahensya ng DOH, DPWH, DENR, DEPED at PHIL.ARMY, ibig sabihin ay wala nang interes ang mga ito na magpatayo ng kanilang gusali sa nasabing lupain.

Nabatid din na ang nasabing area ay siyang dapat na Nursery Site ng Bureau of Plant Industry batay na rin sa proclamation number 323, s. 1952. Ang nasabing affidavit at certification kasi ay siyang magbibigay ng ‘go signal’ sa city government na maaari nang i-award sa mga qualified occupants ang mahigit apat na hektaryang lupain sa nasabing lugar.

Ito ay sa pamamagitan naman ng pagdedeklara ng panibagong presidential decree ni Pangulong Rodrigo Duterte. VC: MAYOR JAE SUNONG Si Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista Samantala, sinabi naman ng alkalde na bago mag-Disyembre ng taong 2020 ay maigagawad na ang nasabing lupain sa mga qualified occupants. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Tamang disposal ng basura sa mga barangay, isinusulong ng IPHO-South Cotabato.

Inirerekomenda ng Integrated Provincial Health Office o IPHO-South Cotabato sa mga barangay sa lalawigan ang tamang pagtapon ng basura.

Partikular na tinukoy ni South Cotabato Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr. ang tamang disposal sa mga dumi lalong lalo na ang paghiwalay sa mga nagamit nang diaper. Paliwanag ni Dr. Aturtdido, sa dumi kasi ng tao nakukuha ang polio virus lalo na kung hindi ipinapatupad ang environmental sanitation.

Ayon kay Aturdido, hindi maaaring magkumpiyansa ang mga residente ng South Cotabato dahil may naitala na ring kaso ng polio sa katabing lalawigan ng Sultan Kudarat. Base sa datos ng Department of Health, walo na ang naitatalang kaso ng polio sa buong bansa at pito rito ay nasa Mindanao.

Sa ngayon ay puspusan pa ring isinasagawa ng IPHO-South Cotabato ang "Sabayang Patak Kontra Polio" sa buong lalawigan.

 

-0-0-0-

 

Dog impounding facility sa Surallah, South Cotabato, hindi nakapag-operate ngayong taon dahil sa kakapusan ng pondo.

DAHIL SA kawalan ng pondo, kaya hindi natuloy ang operasyon ng Provincial Dog Impounding Facility sa bayan ng Surallah na target sanang magsimula ngayong taon. Ito ay sa kabila ng naipasang ordinansa na inaprubahan ng Sangguniang Bayan para makapag-operate na ang nasabing pasilidad.

Ipinaliwanag ni Surallah Vice Mayor Pinky Divinagracia, naipasok naman sa budget ng bayan para sa susunod na taon ang operation ng dog impounding facility na nagkakahalaga ng P1 million pesos. Kaugnay nito, inaasahang sa first quarter na ng susunod na taon tatakbo ang pasilidad na nasa Barangay Centrala ng nasabing bayan.

Kinumpirma rin ni Surallah Mayor Antonio Bendita na humingi na rin siya ng financial support kay South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr., para maisama sa operasyon ng nasabing dog impounding facility ang buong lalawigan.

Nabatid na abot sa P1.8 million pesos ang inilaan ng South Cotabato Provincial Government para sa pagpapatayo nito na naglalayong makontrol ang pagdami ng mga stray dogs at paglaganap ng rabies sa lalawigan.

 

-0-0-0-

 

HEADLINE: Bangkay na natagpuan sa Polomolok, South Cotabato, patuloy pang kinikilala ng PNP.

PATULOY NA nananawagan ang Polomolok PNP sa kung sinuman ang may kaanak na nawawala, na agad makipag-ugnayan sa pinakamalapit na police station sa kanilang lugar. Ito ay matapos matagpuan ang bangkay ng isang lalaki alas sais nang umaga kahapon sa plantasyon ng pinya na sakop ng Purok 4, Barangay Polo, Polomolok, South Cotabato.

Ayon kay Polomolok Chief of Police Lt. Col. Marvin Duadua, nakita ng residente na si Rogelio Tabiling ang bangkay ng lalaki na nakabulagta sa tabi ng danaanan, may mga saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan, nakatali ang mga kamay at wala nang buhay.

Agad itong nakipag-ugnayan sa mga Barangay Officials ng Polo na siya namang tumawag sa Polomolok PNP para makapagresponde.

Base sa paglalarawan ni Duadua, nakasuot ng kulay asul na chequered polo at short pants ang lalaki na tinatayang nasa 5'5 hanggang 5'7 ang tangkad.

Wala na rin umanong cellphone, wallet o anumang gamit ang biktima nang kanilang inabutan kaya nahihirapan silang kilalanin ito. Sa ngayon ay nasa punerarya na ang mga labi ng biktima matapos maisailalim sa post mortem examination.

 

-0-0-0-

 

Palengke sa Banga, South Cotabato, balik normal na ang operasyon matapos ang tensyon sa pagitan ng lot owner at mga vendors.

Patuloy na ngayong nagagamit ng mga vendor ang palengke sa Barangay Lamba, sa bayan Banga matapos na personal na pinuntahan at agarang niresolba ni Governor Reynaldo Tamayo, Jr. ang girian sa lupa kung saan nakatayo ang merkado publiko.

Batay sa pahayag ng isa sa mga nagmamay-ari ng pribadong lupa kung saan nakatayo nasabing palengke na "Jon Uday", noon ay nagbabayad ng renta ang mga vendors sa kanyang lolo. Pero kinalaunan aniya ay nahinto na ang pagbabayad ng mga ito sa kanilang pamilya dahilan para magdesisyon silang barikadahan ang nasabing palangke kamakalawa.

Maliban dito, humihingi din ang pamilya ni Uday ng deed of donation mula sa barangay na hanggang sa ngayon ay hindi pa nila natatanggap. Hindi naman umano nila hinangad na bawiin ang kanilang lupain pero kailangan aniya na mabayaran sila ng kaukulang halaga. Hinanapan naman ni Governor Tamayo ng mga kaukulang dokumento ang mga may-ari ng lupa upang maidaan sa legal at maayos na proseso ang pagresolba sa problema.

Nabatid na nasa dalawang ektarya ang laki ng kabuuang lupain na pagmamay-ari ng pamilya Uday at nakatayo sa bahagi nito ang palengke. Lubos naman ang pasasalamat ng mga vendors kay Governor Tamayo dahil sa agarang aksyon.

-0-

 

Bureau of Fire Protection, hindi pa tiyak ang dahilan ng nangyaring sunog sa Sultan Kudarat State University sa Isulan, Sultan Kudarat.

Patuloy pang inaalam ngayon ng Bureau of Fire Protection o BFP-Isulan kung ano talaga ang totoong sanhi sa pagkasunog ng isang gusali ng Sultan Kudarat State University o SKSU-Isulan Campus.

Unang natanggap ng BFP-Isulan ang impormasyon hinggil sa sunog pasado alas tres ng madaling araw kahapon na agad naman nilang nirespondehan. Ayon kay Fire Officer 3 Joefer Fortaleza, nahahati sa anim na mga opisina ang nasabing gusali kabilang na ang publication office, guidance councilor's office at socio-cultural office.

Sa pagtaya ng BFP-Isulan, nasa 200 thousand pesos ang halaga ng pinsalang dala ng nasabing sunog. Sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng BFP-Isulan hinggil sa insidente. Nabatid na pa lang ang pang-anim na naitalang insidente ng sunog sa bayan ng Isulan ngayong taon.

 

-0-0-0-

 

State of Calamity sa South Cotabato, posibleng ma-lift na matapos bumaba ang kaso ng dengue ngayong taon.

Nairekomenda na ng Integrated Provincial Health Office o IPHO-South Cotabato sa Department of Health Central Office na tapusin na based surveillance kaugnay ng naideklarang dengue outbreak sa lalawigan. Ito ay matapos na bahagyang bumaba ang naitalang kaso ng nakamamatay na sakit sa South Cotabato ngayong taon.

Ayon kay Assistant Provincial Health Officer Alah Baby Vingno, kailangan namang pag-usapan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ang pagrekomenda sa Sangguniang Panlalawigan na i-lift ang deklarasyon ng state of calamity.

Gayunpaman, hinihikayat pa rin ni Vingno ang mga residente ng lalawigan na ipagpatuloy lang ang "search and destroy" sa breeding areas ng lamok na nagdadala ng dengue.

Ito ay dahil lumabas sa dengue vector surveillance ng IPHO na marami pa ring lugar sa South Cotabato na may presensya ng lamok na nagdadala ng nakamamatay na sakit. Batay sa datos ng IPHO-South Cotabato, umabot na sa dalawamput anim ang namamatay dahil sa dengue mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon.

 

-0-

 

 

Senior Citizen na bakwit, patay sa isang evacuation center sa bayan ng Makilala, North Cotabato

Patay ang isang senior citizen na bakwit dahil hindi na nito pa ang pabago-bagong panahon sa loob ng evacuation center sa Barangay Bulakanon, Makilala, North Cotabato kahapon.

Batay sa ulat, kinilala ang nasawi na si Evie Damali, senior citizen na taga Purok 1, Barangay Bato, Makilala North Cotabato na isa sa mga lugar ding ideneklarang high risk area at pinagbawalan pa silang bumalik sa lugar.

Sinasabing nagkasakit na noon ang matanda pero mas lumala lamang dahil na rin sa pabago-bagong panahon na kanilang nararanasan sa evacuation center, mainit sa tanghali at minsan malakas naman ang ulan kapag gabi at wala ring maayos na tulogan.

Pansamantalang lumikas ang kanilang pamilya sa evacuation center na nasa Barangay Bulakanon habang naghahanap pa ang LGU ng lugar na kanilang posibleng paglilipatan. Nakatakda namang ililibing ngayong araw ang nasawi dahil sa hirap na rin ang kanilang sitwasyon.

Kung kaya’t patuloy ngayon ang paalala ng kagawaran ng kalusugan sa lahat ng mga bakwit na kung may hindi magandang nararamdaman ay agad na komunsulta sa mga doctor sa mga bawat incident command post ng LGU. Batay sa pinakahuling datus, umakyat na sa dalawampu’t dalawa ang nasawi dahil sa lindol sa buong North Cotabato.

 

-0-

 

NATIONAL NEWS………………….

HINAMON ni Pangulong Duterte si Vice President Leni Robredo na ilabas ang kanyang mga nalalaman sa giyera kontra iligal na droga ng administrasyon.

Sinabi ng pangulo na tila nananakot ang bise presidente kaya kung may impormasyon ito ay dapat niya nang ilabas.

Sinopla rin ni Duterte ang mga naging aksyon ni Robredo habang nakaupo ito bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs o ICAD.

Tinutukoy ng presidente ang pakikipagpulong ni Robredo sa mga opisyal ng US Embassy sa Maynila kasama ang mga kinatawan ng US Federal Bureau of Investigation, Drug Enforcement Administration, US State Department and US Agency for International Development.

Sa kabilang dako naman, inutusan ni Pangulong Duterte ang Department of Labor and Employment o DOLE at Department of Social Welfare and Development o DSWD na palakasin ang operasyon laban sa illegal recruiters.

Iginiit ng pangulo na dapat na talagang mahuli ang mga illegal recruiter.

Nagpahayag din ng kalungkutan ang presidente sa nararanasang pagmamalabis at sexual abuses ng ilang mga overseas Filipino workers.

 

-0-

 

Sa iba pang balita, tampok sa Google Doodle ngayong araw ang Pinay na si Maria Orosa.

Si Orosa ay isang food technologist at isa ring war heroine.

Ngayong November 29 ang ika-126 na kaarawan ni Orosa.

Kilala si Orosa sa paggamit ng native na mga gulay at prutas at hinihimok ang publiko na tangkilikin ang agricultural products.

Nag-aral siya sa College of Pharmacy ng University of the Philippines.

Nakakuha siya ng scholarship sa University of Seattle at doon nagtapos siya ng bachelor’s at master’s degrees sa pharmaceutical chemistry at degree sa food chemistry.

 

8th fire hits Kabacan, North Cotabato in 6 days

KIDAPAWAN CITY  – A fire of still unknown origin razed to the ground four business establishments and a boarding house in Kabacan, North...

Livelihood training in poorest Mindanao provinces slated in 2020

DAVAO CITY -- A team of agriculture experts will conduct a lecture series on livelihood projects targeting Mindanao's poorest provinces,...

New 602nd Brigade chief vows intensified drive vs. terrorists

CAMP LUCERO, North Cotabato – A seasoned military officer from the office of Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana has...

In Maguindanao, Sen. Bong Go opens 53rd Malasakit Center

DATU HOFER, Maguindanao (Dec. 6) – Another “Malasakit Center” has been added to a pro-poor health program that aims to prove the...

Soldiers seize another Dawlah Islamiya arms cache

MAGUINDANAO --- Soldiers seized Thursday assault rifles, an anti-tank rocket and explosives scattered in an abandoned Dawlah Islamiya lair...