Monday Dec, 09 2019 08:03:36 AM

NDBC BIDA BALITA (Nov. 20, 2019)

NDBC BALITA • 12:15 PM Wed Nov 20, 2019
231
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. DRUG SUSPECT, patay habang dalawa pang mga kasamahan nito, nakatakas sa buy bust operation ng mga otoridad sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

2. 63 na mga barangay sa North Cotabato, sasailalim na sa pangangasiwa ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

3. Walo katao sa T’boli, South Cotabato, nag -positibo sa sakit na Filariasis

4. Panukalang 4-day work week, ihinain na sa Kamara.

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA

PATAY ang isang drug suspect habang nakatakas naman dalawa pa nitong mga kasamahan sa inilunsad na buy bust operation ng mga otoridad sa Brgy. Makir, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao pasado alas tres ng hapon kahapon.

Kinilala lamang ng mga otoridad ang namatay na suspek sa alyas na Dats habang patuloy pang inaalam ang tunay na pagkakakilanlan nito.

Isinagawa ng PDEA BARMM ang naturang operasyon katuwang ang DOS PNP at Army’s 90th Infantry Battalion.

Ayon kay PDEA BARMM Director Juvenal Azurin na napilitang makipagbarilan ang mga otoridad sa mga suspek matapos na manlaban ang mga ito sa halip na sumuko ng mapayapa.

Nakuha mula sa suspek ang humigit kumulang 500 grams ng pinaniniwalaang shabu, buy bust money, isang cellphone, isang cal. 45 Norinco Pistol at isang magazine na may anim na pirasong mga bala.

 

-0-

 

ARESTADO ang isang habal-habal driver sa ikinasang buy bust operation ng PDEA-BARMM at Police Station 1 pasado alas dos ng hapon kahapon sa loob ng isang lodging house sa Makakua street, Barangay Pob. 5 Cotabato City

Kinilala ang naarestong suspek na si Datu Ali Pananggulon Kakim, 27 anyos, may-asawa at taga Kampo Muslim, Barangay Bagua 2 ng lungsod

Ayon kay Police Major Glenn Mar Avisa ng Police Station 1, naaresto ang suspek matapos nitong pagbentahan ang isang pulis na nagpanggap na buyer

Nakuha mula sa pag suspek ang isang sachet ng suspected shabu, isang cellphone na ginamit nito sa transakyon at nabawi rin ang 500 pesos na buy-bust money

Kulong ng ngayon sa custodial facility ng Police Station 1 ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive dangerous drugs act of 2002 ngayung araw.

 

-0-

 

 

ARESTADO ng mga otoridad ang paglima sa kanilang most wanted drug suspects sa Cotabato city.

Kinilala ang nadakip na si Allan Magbanua alyas “Victor”, 35 years old, walang asawa, construction worker at taga-Purok Pinin, Barangay Rosary Heights 6 ng lungsod.

Nahuli si Magbanua sa 6th Street, Barangay Rosary Heights 5 ng lungsod kamakalawa sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni RTC Branch 15 Judge Annabelle Piang sa kasong paglabag sa section 5 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang naturang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip ni Magbanua ay isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng Police Station 3, 1404th COM at RMFB BARMM.

Nakatakda namang iharap si Magbanua sa korte na nag isyu ng kanyang warrant of arrest para sa paglilitis.

 

-0-

 

PANGANGASIWAAN NA ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM ang 63 na mga barangay na dating nasa ilalim ng North Cotabato.

Pagkatapos ng gagawing turnover ceremony ngayong hapon sa Shariff Kabunsuan Complex, sa BARMM compound, Cotabato City ay tuluyan ng magiging bahagi ng BARMM ang naturang mga barangay.

Maaalalang bomoto ang mga botante sa naturang 63 na mga barangay sa North Cotabato pabor sa pagsasama ng kanilang lugar sa BARMM sa isinagawa noong plebisito na pinangasiwaan ng Commission on Elections.

Sinabi ni Bangsamoro spokesperson at BARMM Interior and Local Government Minister Naguib Sinarimbo na maglalagay sila ng pansamantalang administrador sa bawat barangay para hindi maputol ang ibinibigay na serbisyo sa mga mamamayang sakop nito.

Nabatid na karamihan sa mga nakatira sa 63 na mga barangay ay mga Moro at may mga pwersa din ng Moro Islamic Liberation Front sa naturang mga lugar.

Ayon pa kay Sinarimbo, Si North Cotabato Acting Governor Emmylou ”Lala” Taliño Mendoza ang magsasagawa ng turnover ng mga barangay kay BARMM Chief Minister Alhaj Murad Ebrahim.

 

-0-

 

 

MAGANDANG BALITA para sa mga mamamayan ng Iranon areas sa Maguindanao!

Inanunsyo ng Maguindanao Electric Cooperative o MagElCo Inc. na nakumpuni na nila ang naging aberya sa Sultan Kudarat Power Substation noong November 16 kaya balik na sa normal ang supply ng kuryente sa lugar.

na-tap at binuksan na ng MagElCo ang tatlong feeders nito sa barangay Sarmiento, Parang at Simuay at Pigkalagan, sa Sultan Kudarat kahapon ng tanghali dahilan para magkakuryente na sa naturang mga lugar

Ito ay matapos naman ang tatlong araw na warm up at final review sa 13.2 KV distribution lines.

Sinabi ni Magelco General Manager Sultan Ashary Maongco na ang naturang substation umano ay mayroon ng modern features at kumpleto na rin sa protective devices na may bagong bus bar, take off structures at control house.

Inaasahan namang magiging maayos na ang supply ng kuryente sa mga apektadong bayan ng matanog, barira, buldon, sultan kudarat, sultan mastura at parang.

 

-0-

 

KINORONAHAN NA kagabi ang kauna-unahang Mister Midsayap bilang bahagi ng 83rd Founding Anniversary ng bayan at pagdiriwang din ng Sinugba Festival 2019.

Nag stand-out mula sa siyam na mga kandidato ng Search for Midsayap si Charles Cantomayor, 16 years old ng Barangay Sadaan, na siyang pinakabatang kalahok sa naturang kompetisyon.

First Runner Up naman si Mickelson Mangawang, 22 years old na taga Barangay Poblacion Singko habang 2nd runner up si Julito Gabe Jr., 19 years old na mula sa Barangay Kimagango.

Sinabi ni Midsayap councilor Chelin Monica Araña na naging matagumpay ang kauna-unahang Search for Mister Midsayap dahil naging katuwang ng Midsayap LGU ang Midsayap Master Event Suppliers Association.

Samantala, mamayang gabi ay gaganapin naman ang Search for Binibining Midsayap sa Municipal Gym.

 

-0-

 

Vaccination sites kontra polio ilalagay ng DOH sa mga pampublikong lugar sa region 12.

Maglalagay ng mga vaccination sites para sa mga pagpapabakuna kontra polio sa mga matataong lugar a rehiyon ang Department of Health o DOH 12.

Kaugnay ito sa malawakang polio vaccination sa Mindanao sa November 25 hanggang December 7 at January 6 hanggang 18 sa susunod na taon.

Layon ng Sabayang Patak Kontra Polio na matiyak na ma-immunized at maprotektahan laban sa sakit na polio ang lahat na mga bata na nasa limang taong gulang pababa. Ito ay ayon kay DOH 12 Family Health Cluster Head Dr. Edvir Jane Montaner.

Sinabi ni Montaner na bukas para sa immunization ang lahat na mga rural health at barangay health centers. Ito ay bukod pa sa vaccination teams na iikot sa mga bahay.

Payo naman ni Montaner sa mga mamamayan na nakatira sa mga exclusive subdivision pabakunahan sa pinakamalapit na health center ang kanilang mga anak. Ayon kay Montaner maglalagay ng vaccination post tuwing weekend sa mga terminal, shopping mall, simbahan, park, at iba pang pampublikong lugar ang DOH 12.

Nananawagan din si Montaner sa mga magulang at guardian na makipagtulungan sa kanilang vaccination team. Tiniyak din ni Montaner na magbibigay ng sapat na vaccine para sa dalawang round na polio immunization ang United Nations Children’s Fund.

 

-0-

 

Mahigit limang daang drug suspek naaresto sa may tatlong daang operasyon laban sa iligal na droga ng mga pulis sa South Cotabato

Nakapagsagawa ng 345 na operasyon laban sa iligal na droga ang mga pulis sa South Cotabato sa nakalipas na sampung buwan. Ito ay nagresulta naman sa pagkakaaresto nila sa mahigit limang daang drug suspek.

Ayon kay South Cotabato PNP Deputy Police Provincial Director for Operations Police Col. George Parcon, tatlumput anim sa mga suspek ay naaresto sa bisa ng search warrant ng korte. Habang 487 naman ay naaresto sa anti-illegal drug operation ng mga pulis.

Binigyan diin ni Parcon na ang PNP South Cotabato ay maigting pa ring nagpapatupad ng mga istratihiya para masawata ang iligal na droga sa lalawigan.

Sa katunayan ayon kay Parcon, parating nangunguna ang South Cotabato sa Illegal Drug Campaign inspection ng Regional Oversight Committee. Nabatid na kamakailan lang abot sa mahigit tatlong daang mga junior at high school students sa bayan ng Tupi ang nagtapos sa 10-lesson curriculum school-based substance use prevention program Keepin REAL.

Layon ng programa na maturuan ang mga estudyante sa peligro ng illegal drugs, at kung papaano ito maiiwasan.

 

-0-

 

TESDA 12 Office ipinatatayo na ng DPWH sa Koronadal City

Inaasahan ng Department of Public Works and Highways o DPWH na matatapos ang ipinatatayong regional office ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA 12 sa Koronadal City sa susunod na taon.

Ayon kay DPWH-South Cotabato First Engineering District Head Hadji Khalil Sultan ang tatlong palapag na gusali ay nagkakahalaga ng mahigit 35 million pesos. Matatagpuan ito sa regional center sa barangay Carpenter Hill sa syudad.

Ayon kay Sultan ang nasabing gusali ay kabilang sa “Build, Build, Build” Program ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ito ay suportado rin ni Senator Manny Pacquio. Ayon kay Sultan ang modernong TESDA 12 Office ay lalagyan ng elevator, tatlong transformer, fire alarm, CCTV Cameras, fire hose cabinet at fire sprinkler.

Matatandaan na nanguna sa pagpapasinaya nito si TESDA Director General Isidro Lapena. Ayon kay Lapena ang TESDA 12 office ay magpapaigting pa ng pagbibigay serbisyo sa mga mamamayan ng SOCCKSARGEN. Ayon kay Lapena ang nasabing gusali ay mayroong training facilities.

Sinabi ni Lapena na kailangan na paigtingin ang ang pagbibigay ng skills training sa mga Pilipino dahil sa tumataas na pangangailangan sa mga Technical Workers ng buong mundo.

 

-0-

 

Walo katao sa bayan ng T’boli positibo umano sa Filariasis ayon sa Mosquito Borne Diseases Coordinator ng provincial health office ng South Cotabato

Nagpositibo sa sakit na Filariasis ang walo katao sa Barangay Maan, bayan ng T’boli, South Cotabato. Ito ay natuklasan sa filarial test strip kasabay ng boarder operation kontra malaria ng mga kawani ng Intregrated Provincial Health Office o IPHO.

Pero ayon kay Provincial Mosquito Borne Diseases Coordinator Jose Barroquillo ito ay kailangan pang kumpirmahin.

Ito ay sa pamamagitan ng pagsailalim sa mga biktima sa nocturnal blood smearing. Ayon kay Barroquillo inaalam din nila kung saan nakuha ng mga nagpositibo sa Filariasis ang nasabing karamdaman. Nilinaw naman ni Barroquilo na hindi pa maikokonsidera na alarming ang kalagayan ng mga natuklasan nilang may Filariasis.

Ayon kay Barroquillo hindi pa kasi nakitaan ng deformaties sa katawan ang mga biktima tulad ng paglaki ng kanilang mga paa. Sinabi ni Barroquillo na bago bawiin ang deklarasyon ng World healh Organization na Filariasis-free ang lalawigan dadaan pa ito sa masusing proseso. Matatandaan na ang South Cotabato ay idineklarang Filariasis Free ng WHO noong 2013.

 

-0-

 

Search and Rescue operation sa dalawang bata na tinangay ng baha sa Koronadal City nagpapatuloy pa rin

Sinimulan ng mga rescuer ang paghahanap sa dalawang mga bata na tinangay ng tubig baha sa Koronadal City kagabi pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nila natagpuan ang mga ito. Ito ang ipinahayag ni Barangay Paraiso Chairman Samuel Velarde.

Ayon kay Velarde ang dalawang mga biktima na pawang nasa limang taong gulang ay naglalaro sa kanilang lugar sa Sitio Salkan sa nasabing barangay nang tangayin ng rumaragasang tubig patungo sa kalapit na sapa.

Sinabi ni Velarde na mayroon pang sumubok na iligtas ang dalawang mga biktima pero hindi rin nito kinaya ang lakas ng agos ng tubig kasunod ng malakas na buhos ng ulan. Maliban sa rescue team ng city disaster risk reduction and management council ng Koronadal, tumulong rin sa search and rescue operation ang provincial disaster risk reduction and management office ng South Cotabato.

Sa ngayon ayon kay Velarde ay sinimulan na rin ng mga rescuer ng bayan ng Tantangan ang pagsuyod sa may dalawang kilometrong sapa sa barangay Tinongcop sa nasabing bayan, paakyat ng barangay Paraiso para mahanap na ang nawawala pa ring dalawang bata.

 

-0-

 

Programa sa pautang ng DA mapapakinabangan ng mahigit tatlong daang mga magsasaka sa Koronadal City

Makikinabang sa Expanded Survival Recover Assistance o SURE Programng Department of Agriculture ang mahigit tatlong daang mga magsasaka sa Koronadal City.

Mahigit isang daan sa mga ito ay nakatanggap na ng tig 15 thousand pesos. Ito ay ayon on kay DA 12 Regional Executive Director Milagros Casis Ayon kay Casis ang ikalawa at ikatlong bugso ng pagbibigay ng financial assistance sa mga magsasaka sa lungsod na makikinabang sa SURE Program ay sa susunod na buwan.

Layon ng programa na matulungan ang mga magsasaka na apektado ng pagbaba sa presyo ng palay. Kasunod ito ng pagpapatupad ng rice tarrification law. Ang 15 thousand pesos na inutang ng mga magsasaka sa pamamagitan ng SURE Program ay kanilang babayaran sa pamahalaan ng walang interest sa loob ng walong taon.

 

-0-

 

Mga pambato na mula sa ibat-ibang paaralan sa buong region 12, nagpakitang gilas sa campus Showdown Academic and Vocal Solo Competition

Nagpakita ng kanilang galing at husay ang mga pambato ng ibat-bang paaralan sa buong rehiyon na siyang unang batch ng isinagawang Campus Showdown Academic and Vocal Solo Competition na ginanap sa DXND- Mini Auditorium sa Kidapawan City noong sabado.

Para sa quiz bee, panalo ang mga pambato ng Southern Baptist College Mlang Cotabato, second ang University of Southern Mindanao o USM Kabacan at third ang Green Valley College Foundation, Inc. Koronadal City.

Sa vocal solo competition, itinanghal na first placer si Ryan Mark Patrocenio ng Green Valley College Koronadal City, second ang pambato ng Southern Baptist College ng Mlang habang third placer naman ang USM. Sa araw ng sabado, susunod ay maglalaban-laban naman ang pambato mula sa St. Alexius College Koronadal City, I-link College of Science and Technology, Inc. Midsayap, North Cotabato, Sultan Kudarat Educational Institution, Tacurong City at mga pambato ng Central Mindanao Colleges, Kidapawan City. Ito ay mapapakinggan din sa himpilan ng DXND- Radyo BIDA tuwing araw ng sabado ala 1:00 hanggang 2:30 ng hapon. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

63 na mga barangay sa North Cotabato, ituturn-over na sa pamamahala ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao

Pormal na gagawin ang Turn-over ceremony ngayong araw November 20, 2019 sa anim na put tatlong Barangay ng North Cotabato na napabilang sa bagong tatag na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM na isasagawa sa Sharif Kabunsuan Cultural Comlplex alas 10:30 ngayong umaga.

Sa panayam kay BARMM spokesperson Atty. Naguid Sinarimbo, bago gagawin ang turn over ceremony ngayong araw ay nakapag-usap na ang Provincial Government of Cotabato at Bangsamoro Government hinggil sa magiging takbo ng aktibidad at ito ay pangungunahan naman ni Cotabato acting Governor Emmylou Lala Talino- Mendoza.

Sinabi ng opisyal, bumuo na anya sila ng administrative set- up para sa mga nasabing Barangay na napasakop na sa BARMM upang patuloy ang pagbibigay ng serbisyo para sa mamamayan. Nilinaw din nito, makakatanggap pa rin ang mga barangay officials ng kanilang Internal Revenue Allotment mula sa DBM.

 

-0-

 

Kidapawan City Government, pinagbigyan ang kahilingan ng pamunuan ng Eva’s Hotel na 15-day extension sa pagpapasira ng gusali

Pinagbigyan ng lokal na pamahalaan ng Kidapawan City ang kahilingan ng may-ari ng isa sa mga pinakamalaking condominium sa lungsod na Eva’s Hotel na 15- day extension sa pagpapasira ng gusali matapos masira dulot ng lindol.

Ayon kay City Mayor Joseph Evangelista, naghahap pa anya ang may-ari ng contractor upang agad na masira ang gusali na una ng ideneklara ng Office of the Building Official na hindi ligtas sa mga residente na malapit sa lugar sa bisa ng RA 6541.

Nilinaw ng alkalde na pagkatapos ng labin-limang araw ay hindi na magbibigay pa ng palugit ang City LGU at kung hindi ipapagiba ng pamunuan pagkatapos ng itinakdang araw ay ang lokal na pamahalaan na mismo ang pagpapagiba ng gusali.

Tatlumpung araw na hindi pa magbabayad ang Eva’s Hotel sa LGU, ang mga makukuhang gamit sa loob ng nasirang building na maari pang ibenta ay ipasusubasta na siyang gagamitin ng City government na pambayad sa contractor. 

Samantala, muling nilinaw ng opisyal na walang tao o empleyado na naiwan sa loob ng gusali, matapos na maraming kumakalat na balita na may naiwan umanong tao matapos na matrap sa loob dahil na rin sa mabahong amoy na nalalanghap ng mga dumadaan malapit dito. Sinabi ng pamunuan, ligtas ang lahat ng kanilang mga manggagawa na on-duty sa naturang araw.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Pamunuan ng isang pribadong paaralan sa Kidapawan City nagdesisyong hindi na itutuloy ang pagpapasara nito matapos ang paki-usap ng mga magulang ng mga mag-aaral

Hindi na itutuloy ng pamunuan ng Kidapawan Doctors College Incorporated o KDCI ang pagpapahinto ng kanilang kindergarten hanggang Grade-10 matapos na maapektuha ng nagdaang lindol.

Ito ang resulta ng isinagawang pagpupulong ng mga Board of Directors o BOD sa mga magulang ng mga mag-aaral. Matatandaang Miyerkules noong nakaraang linggo nang magdesisyon ang BOD na ihinto na ang klase upang ilaan ang espasyo ng paaralan sa mga pasyente ng kanilang ospital na inilipat doon ng mangyari ang lindol.

Bagay naman na inalmahan ng mga magulang sapagkat hindi umano madali para sa kanilang mga anak ang biglaang paglilipat ng paaralan. Una ring napaulat na mawawalan ng trabaho ang mga guro at bibigyan na lamang ng separation pay pero dahil magpapatuloy ang operasyon ng paaralan ay mananatili pa rin ang mga ito.

Ayon din sa ulat na magkakaroon ng Temporary Learning Shelter ang mga mag-aaral na una na ring iminungkahi ng mga magulang sa BOD dahil apat na buwan na lang at magtatapos ang school year. Matatandaang halos 300 mga magulang ang apektado kung sakaling i-didisolve ang klase ng kindergarten hanggang junior high.

Ikinatuwa naman ng mga magulang ang naging desisyon ng mga BOD.

 

-0-

 

NATIONAL NEWS………………….

 

TULUYAN NANG ipinag-utos ni Pangulong Duterte kay Agriculture Sec. William Dar na ihinto muna ang pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa.

Sinabi ng pangulo na ipinatitigil niya ang rice importation dahil panahon umano ng ani.

Hindi naman sinabi ng pangulo kung kailan magsisimula at magtatapos ang suspensyon.

Iminungkahi ng presidente sa gobyerno na bilhin ang lahat ng palay ng mga Pilipinong magsasaka para may resulta naman ang pinagpaguran ng mga ito.

Partikular na inatasan ang Kongreso na maglaan ng pondo para bilhin ang palay ng mga magsasaka.

Sa iba pang balita, ipagbabawal na ni Pangulong Duterte ang paggamit at importasyon ng ‘vape’ o ‘electronic cigarettes’.

Ayon sa pangulo, mapanganib sa kalusugan ng publiko ang vape.

Giit ng pangulo, may kapangyarihan ang gobyerno na protektahan ang interes at kalusugan ng publiko.

Babala pa ni P. Duterte, sinumang lalabag ay kanyang ipaaaresto.

Sa kabilang dako pa, inihain na sa Kamara ang resolusyon na humihikayat sa pamahalaan at pribadong sektor na ipatupad ang panukalang “four-day work week.”

Sa House Resolution 533 ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga, hiniling nito na ipatupad “on experimental basis” ang “Four Day Work Week” dahil na rin sa nalalapit na kapaskuhan at SEA Games sa Nobyembre 11 hanggang Disyembre 11, 2019.

Paliwanag ni Barzaga, ang hakbang ay para na rin lumuwag ang daloy ng trapiko na nagdudulot ng stress, anxiety, low productivity, exposure sa high carbon emission, high gas consumption at matagal na pagkakalayo ng oras mula sa mga pamilya ng bawat Pinoy.

Sa ilalim ng panukala, ang mga empleyado ng gobyerno ay papasok mula Lunes hanggang Huwebes na lamang mula alas siete ng umaga hanggang alas sais ng gabi habang ang mga nasa pribado ay mula Martes hanggang Biyernes na hanggang sampung oras para makumpleto ang 40 oras na trabaho kada linggo.

 

 

The light is on for Soccsksargen's tallest Christmas tree

"That Christmas tree is not ordinary, not because it's taller than the city hall, it symbolizes many things, it symbolizes our towering dreams and...

Prepare the way of the Lord, make straight his paths

Reading 1IS 11:1-10

On that day, a shoot shall sprout from the stump of Jesse,
and from his roots a bud shall blossom.
The...

PH men's volleyball team demolished Thailand, faces Indonesia for gold on Dec. 10

MANILA - The Philippine men's volleyball team today demolished defending SEA Games champion Thailand in five sets and earned the slot for gold...

"Black Monday": Magelco forces clients to pay monthly bills by shutting power 

COTABATO CITY  – The Maguindanao Electric Cooperative (Magelco) will resort to drastic move in a bid to let its member-consumers into...

Isabela City's anti-illegal drugs thrust gets boost from DDB

COTABATO CITY --- The local government unit of Isabela City received P5 million from the Dangerous Drugs Board for a rehabilitation...