Thursday Feb, 20 2020 10:44:04 PM

NDBC BIDA BALITA (Jan. 24, 2020)

NDBC BALITA • 10:30 AM Fri Jan 24, 2020
243
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST

7:00 AM

HEADLINES:

1. REHABILISTASYON ng Quirino Bridge sa Cotabato city, sisimulan na sa susunod na buwan; Konstruksyon ng Public Market at Public Terminal sa lungsod, gagawin na rin sa Agosto.

2. MGA MANGGAGAWA sa region 12, makatatanggap na ng umento sa sahod simula sa susunod na buwan.

3. Apat na mga mag-aaral ng University of Southern Mindanao o USM-Kabacan Main Campus, nag-top sa kakatapos na Microbiologist Board Exam

4. South Cotabato, magkakaroon ng Malasakit Center, ayon kay Gov. Tamayo.

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA

 

ITATAYO na sa darating na Agosto ang modernong Public Market at Public Terminal sa Cotabato city.

Sinabi ni City Engineer Sam Jorolan na ang mga ito ay itatayo sa Mother Barangay Tamontaka katabi ng Halal Slaughter House na napaloob sa sampung ektaryang lupain at popondohan 350 million pesos.

Ayon kay Jorolan, limang ektaryang land area ang ilalaan para sa Public terminal habang limang ektarya rin para sa Public market.

Samantala, gagawin namang commercial building ang nasunog na Mega Market sa Mother Barangay Poblacion.

Ayon pa kay Engr. Jorolan, gagamitin sa pagpapatayo ng commercial building ang 34 million pesos na insurance money ng nasunog na Mega Market.

Sa kabilang dako naman, sa susunod na buwan ay tuluyan nang isasara ang Quirino Bridge para masimulan na ang rehabilitasyon dito.

Sinabi ni Jorolan na gagamitin na ng mga motorista ang alternate bridge o Delta Bridge dahil tapos na aniya ang 4-lane road approach nito sa bahagi ng Cotabato city at Sultan Kudarat, Maguindanao.

Umaabot aniya sa 140 million pesos ang halaga ng rehabilistasyon ng Quirino Bridge na pangangasiwaan mismo ng DPWH National.

 

-0-

 

NAKUHANAN ng apat na sachet ng suspected shabu ang nadakip na drug suspect sa ikinasang buy bust operation ng mga otoridad pasado alas dos ng hapon kahapon sa Sinsuat Avenue, Barangay Rosary Heights 9, Cotabato City.

Pinangunahan ni Police Station 3 Commander Police Major Theng Bacal ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek na si Jeffry Degala Villasis, 32 anyos, construction worker at taga barangay Poblacion 4 ng lungsod.

Ayon kay Bacal, nabawi rin mula sa suspek ang isang libong pisong marked money at ilang drug paraphernalia.

Nabatid na matagal na umanong under surveillance ng city PNP at PDEA BARMM ang suspek bago pa inilunsad ang operasyon laban dito.

 

-0-

 

SISIMULAN NA ng Presidential Task Force on Media Security o PTFoMS ang pagpapapakalat ng mga wanted poster para sa mga nalalabing suspek sa Maguindanao massacre.

Ayon kay PTFoMS Executive Director Undersecretary Joel Egco, aabot pa sa 80 mga suspel ang kasalukuyan pang pinaghahanap ng mga otoridad.

Sa naturang bilang, 14 ang galing sa makapangyarihan at maimpluwensyang pamilya ni Andal Ampatuan na umano ay mastermind sa masaker.

Ayon kay Egco, ipakakalat nila ang posters sa buong bansa.

Bukod sa posters ay may dagdag ding personnel ang PTFoMS sa Luzon, Visayas at Mindanao

Umaasa si Egco na magiging malaking tulong ang ipakakalat na posters para maaresto ang mga suspek.

 

 

-0-

 

SUGATAN ang 35 anyos na lalaki matapos na barilin ng kainuman nito pasado alas sais kagabi sa Sitio Sambulawan, Brgy. Bantek, Upi, Maguindanao.

Kinilala ang biktima na si Jomarie Modesto Joaquin, taga Sitio Daluga, Brgy. Bantek ng bayan.

Sa inisyal na report ng Upi PNP, masayang nag-iinuman ang biktima at ang suspek na si alias Inder Minted sa isang salo-salo nang bigla umanong nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa na nag-uwi sa pamamaril ng suspek kay Joaquin.

Mabilis namang tumakas ang suspek matapos ang pamamaril.

Nagpapagaling sa ngayun ang biktima sa ospital matapos tamaan ng bala sa kaliwang paa habang ang suspek ay patuloy pang pinaghahanap ng mga otoridad.

 

-0-

 

 

PINASOK ng kawatan ang isang pribadong opisina sa Cotabato city na nasa sa Emilio Compound, barangay Rosary Heights 4, Cotabato city.

Sa report ng complainant na si Misis CORINA DUMAMBA sa pulisya, pasado alas nwebe ng umaga kamakalawa nang madiskubre nilang pinasok sila ng magnanakaw.

Tinangay ng mga kawatan ang dalawang mamahaling laptop computers at cash na limang libong piso.

Nakita naman sa CCTV footage ng tanggapan ang sapilitang pagpasok ng suspek at ang ginawang pagnanakaw nito dahilan upang makilala siya at ngayon ay tinutugis na ng mga otoridad.

Samantala, nagtungo naman sa Police Station 2 si LADY DIANNE TUGAYA, taga - Mother Barangay Rosary Heights, ng lungsod matapos hablutin ng snatcher ang kanyang cellphone.

Kwento pa ni Tugaya, pasado alas siete ng gabi kamakalawa habang naglalakad siya pauwi nang sundan siya ng lalaking naka motorsiklo at nang magkaroon ng pagkakataon ay agad na hinablot ang dala niyang cellphone tsaka mabilis na tumakas.

 

-0-

 

Apat na mga mag-aaral ng University of Southern Mindanao o USM Kabacan Main Campus, nag top sa kakatapos na Microbiologist Board Exam

Nanguna ang mag-aaral ng University of Southern Mindanao O USM Kabacan campus sa December 2019 Microbiologist Board Examinations.

Top 1 ang isang tubong Mlang, North Cotabato na kinilalang si Noralyn Subpangan, top 2 si Halima Haludin, Michael Bigcas at Mona Hasannath Kadingilan na lahat ay graduate ng USM, Kabacan main campus.

Malaking karangalan naman ang inuwi ng mga nag top na mag-aaral maging ang lahat ng mga nakapasa na nakapagtapos sa nasabing paaralan.

Nabatid na isinagawa ang eksaminasyon noong December 7-8 sa Trinity University of Asia. Kamakalawa lamang nang inilabas ng Professional Regulation Commission (PRC) ang resulta ng exam kung saan 79 ang mga nakapasa mula sa tatlong daan na kumuha ng pagsusulit.

 

-0-

 

Kampanya kontra polio vaccine sa North Cotabato, mas pina-iigting pa ng mga health workers ng lalawigan

"Kaya nating labanan ang sakit na polio sa pamamagitan ng kalinisan at bakuna,"

Ito ang naging pahayag ni North Cotabato Governor Nancy Catamco sa pagsisimula ng Round 2 ng Sabayang Patak Kontra Polio sa Provincial Capitol, Amas Kidapawan City.

Layon ng aktibidad na mapag-ibayo ang kampanya kontra polio virus sa pamamagitan ng pagbibigay ulit ng tatlong patak sa mga batang edad 0 hanggang 59 months. Bilang imahe ng liderato, hinimok ng gobernador ang mga empleyado ng probinsya na maging responsable sa pagpapalakas ng kampanya ukol sa kalinisan para sa kalusugan dahil naniniwala ito na ang polio ay kayang labanan sa pamamagitan ng tamang pangangalaga at bakuna.

Hinimok rin nito ang mga opisyales ng lokal na pamahalaan, mga magulang at mga nagbabantay ng bata na protektahan ang kanilang mga kabataan sa pamamagitan ng pakikiisa at pagbibigay daan na sila ay mabakunahan.

Sa ngayon, patuloy na nag-iikot sa kada Barangay ng probinsiya ang mga health workers ng Integrated Provincial Health Office upang makuha ang target na 95 percent sa kabuuang bilang ng mga bata sa lalawigan. Ipinaalala ng IPHO na walang over dosage sa bakuna ng polio kaya di dapat ikabahala ang paulit ulit na patak.

Mas mabuti din na ito ay maulit ng maraming beses upang maging mas epektibo. Maging ang mga temporaryong naninirahan sa probinsya ay maari na rin magpapatak ng kanilang anak upang masiguro na nakibahagi sila sa bakuna.

 

-0-

 

Tatlong distressed OFW mula sa ibat-ibang mga bansa, ligtas na nakauwi sa Kidapawan City sa tulong ng City LGU

Ligtas na nakauwi ang tatlong distressed overseas Filipino workers na taga Kidapawan City sa kanilang mga pamilya na tinutulungan ng City Government at iba pang ahensya ng gobyerno.

Ito matapos na makipag ugnayan ang Public Employment Services Office o PESO sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA at Department of Foreign Affairs o DFA makaraang mabatid ang hindi magandang kalagayan ng naturang mga OFW patungkol sa kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa.

Ayon sa PESO na ang mga nabanggit ay nagtatrabaho bilang mga house worker sa bansang Riyadh, Malaysia at Saudi Arabia. Kinilala ang tatlo na sina Maricel Lingatong ng Barangay Singao, Remelyn Aguirre na taga Barangay Sudapin at Josephine Shimura.

Nakaranas umano ng pangmamaltrato sina Lingatong at Aguirre mula sa kanilang mga employer at sapilitang pinagtatrabaho ng mahabang oras na walang day-off. Samantalang si Shimura ay pinauwi dahil sa iniindang karamdaman nito habang nagtatrabaho sa ibang bansa.

Matapos ang masusing beripikasyon, nakipag-coordinate ang PESO sa DFA at OWWA para sa kanilang repatriation. Nakatanggap ng agarang ayuda ang mga nabanggit mula sa City Governmnet, OWWA at DFA. Nagpaabot naman ng kanilang pasasalamat ang tatlo sa PESO makaraang bumisita ang mga ito sa city hall noong nakaraang Linggo.

 

-0-

 

Mahigit kalahating libong overweight na miyembro ng PNP sa North Cotabato, isinasailalim sa ibat-ibang programa upang makamit ang tamang BMI

Isinasailalim ngayon sa iba’t-ibang aktibidad gaya ng zumba at sports fest ang mahigit kalahating libong miyembro ng Philippine National Police sa ilalim ng Cotabato Police Provincial Office o CPPO na sobra ang timbang o hindi pasok sa ideal na Body Mass Index o BMI.

Ayon kay CPPO Spokesperson Police Lt.Col.Bernard Tayong, sa mahigit isang libong PNP personnel ng North Cotabato PNP, limang raan at apat napu’t siyam dito ay sobra ang timbang habang nasa mahigit isang daan at lilampu naman ay obese.

Sinabi ni Tayong na marami sa miyembro ng kanilang hanay ang naapektuhan sa pinahigpit ng pagmonitor ng BMI dahil karamihan din aniya sa mga pulis ng North Cotabato ay malaki ang katawan na hindi tugma sa tamang taas at gulang.

Sakaling hindi makamit ang itinakdang BMI ay hindi maaaring ma-promote ang isang PNP member dahil ang sobra sa timbang ay hindi ito papahintulutang makapag-schooling. Samantala, sinabi ni Tayong, na marami na rin aniya sa kanilang miyembro ngayon ang nakapagbawas ng bigat mula nang masimulan ng CPPO ang pagtitimbang nitong Nobyembre.

Sinabi pa ng opisyal na malaking tulong ang pagsusunod sa tamang BMI dahil mas magiging mabilis sa pagkilos at pagresponde ang mga pulis sa anumang insidente kung hindi mabigat ang katawan. 

Nabatid na unang naipatupad ang BMI sa hanay ng kapulisan bilang bahagi ng kanilang physical fitness program at kinakailangan na ito ngayon sa promotion, schooling at maging bagong assignment ng isang pulis. Ang BMI ang siyang sukat ng laki ng katawan base sa kanyang taas at timbang. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

 

Umento sa sahod matatanggap na ng mga mangagawa sa pribadong sector sa region 12 sa susunod na buwan, ayon sa regional director ng DOLE sa rehiyon

Matatanggap na ng mga mangagawa sa pribadong sektor sa region 12 ang 15 pesos na unang bugso sa 25 pesos wage increase sa Pebero a dos. Ito ay matapos mapaso ang labinlimang araw na publication sa mga lokal na pahayagan sa wage increase na nagsimula noong January 18.

Ipinahayag ito ni Department of Labor and Employment o DOLE 12 Regional Director Sisinio Cano. Ayon kay Cano simula sa February 2 ang mga mangagawa sa non-agriculture sector sa region 12 ay mayroon nang arawang sahod na 326 pesos.

Habang makatatangap naman ng 305 pesos ang mga nasa agriculture, retail, and services sector. Magiging epektibo naman ang ten pesos increase sa ikalawang bugso ng pagpapatupad ng bagong wage order sa May 1.

Ayon kay Cano para matiyak ang pagsunod ng mga employer sa bagong minimum wage magsasagawa ang DOLE ng malawakang information dessimination sa buong Soccksargen. Sinabi ni Cano na inaasahan nito na tatalima sa bagong wage order ang mga employer at ibigay sa mga mangagawa sa pribadong sector ang nararapat na sweldo.

Ayon kay Cano tutulong din sa pagpapalaganap sa bagong minimum wage ang Department of Trade and Industry sa pamamagitan ng kanilang mga Negosyo Centers.

Ito ay maliban pa sa mga local chamber at iba pang mga business groups. Sinabi ni Cano na magtatalaga ang DOLE ng team para magmonitor sa mga employer.

Tiniyak ni Cano na bago isinulong ang bagong wage order kinonsulta muna ng DOLE ang employer at mangagawa. Pinagaralan din nila ayon kay Cano ang socio-economic condition ng rehiyon sa base ng datus ng National Economic Development Authority o NEDA 12.

Matatandaan na ang bagong wage order ay inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board noong December 16. Kinatigan naman ito ng National Wages and Productivity Commission noong January 9.

 

-0-

 

Deped 12 regional director may paalala sa mga magulang hinggil sa early registration na magsisimula sa susunod na buwan

Ipatala ang kanilang mga anak sa early registration ng Deped na ipatutupad tuwing araw ng Sabado simula sa February 1. Ito ang paalala sa mga magulang ni Deped 12 Regional Director Allan Farnazo. Maaring magptala sa early registration ang mga papasok ng kinder, grades 1,7 at 11 sa susunod na school year.

Ayon kay Farnazo kailangan sa pre-registration ang mga sumusunod : Birth Certificate para sa mga papasok ng Grade 1, at LRN para sa mga incoming grade 7 at 11. Magtatagal naman ang early registration ng Dep ed sa March 6.

Paliwanag ni Farnazo, mahalaga ang early registration para mapaghandaan ang school year 2020-2021. Sa pamamagitan kasi nito ay maaring matutugunan kaagad ng Deped ang mga problema tulad ng kakulangan ng mga guro, silid aralan, at iba pang mga pasilidad sa mga eskwelahan.

 

-0-

 

Blood money tatanggihan ng pamilya ng OFW na inihatid na sa kanyang huling hantungan sa Norala, South Cotabato

Hindi nagtapos sa paghatid kay Jeanelyn Villavende sa kanyang huling hantungan kahapon ang paghangad ng hustisya ng kanyang pamilya sa pagkasawi nito sa bansang Kuwait. Sa katunayan ayon sa ama ni Jeanelyn na si Avelardo tatanggihan ng kanilang pamilya ang mahigit P59 million na alok na blood money ng mga kaanak ng employer na suspek sa pagpatay sa kanyang anak.

Ayon kay Avelardo hindi pera kungdi hustisya ang gusto ng kanilang pamilya sa brutal na sinapit ng kanyang anak sa kamay ng kanyang mga employer.

Maliban sa mga kaanak at mga kabarangay nito na sumama sa paghahatid kay Jeanelyn sa kanyang huling hantungan sa Norala, Public Cemetery, nagabang din sa mga daan ang mga mamamayan bilang pakikiramay sa pamilya Villavende.

Kaugnay nito sinabi naman ni Overseas Workers Welfare Administration o OWWA Administrator Leo Hanz Cacdac na hangad nitong masampahan na ng kaso ang mga employer ni Jeanelyn. Ipinahayag din ni Cacdac na pupulungin ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga naulila ni Jeanelyn para magabayan sa kanilang mga dapat gawin.

Dinagdag din nito na pagtuloy din ang imbestigasyon ng Philippine Overseas Workers Welfare Administration sa recruitment agency ni Jeanelyn na kasalukuyang nakasuspinde.

Matatandaan na ang 26 anyos na si Villavende ay tumungo bilang domestic helper sa Kuwait, Hulyo noong nakaraang taon. Napatay umano ito ng kanyang babaeng employer noon December 28 ngunit nalaman ng kanyang mga kaanak ang kanyang sinapit noong December 30.

 

-0-

 

Batang pedestrian patay sa vehicular crash sa Polomolok,South Cotabato

Kinilala ng Polomolok PNP na pinamumunuan ni Police Lieutenant Colonel Marvin Duadua ang nasawing biktima na si Rijen Fernandez, pitong taong gulang at nakatira sa Barangay Cannery Site, Polomolok,South Cotabato.

Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng mga pulis na ang biktimang si Fernandez ay nahagip ng isang Cargo truck. Ito ay habang naglalaro na tumatawid sa daan sa kanilang lugar. Ang batang biktima ay nagtamo ng matinding mga sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan na naging sanhi ng kanyang dagliang pagkasawi.

Ang cargo truck na nakabangga sa kanya at driver nitong si Jomar Iglesia, 33 years old ng Makilala, North Cotabato ay ikinustodya ng Polomolok PNP. Ito ay habang nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon sa insidente.

 

-0-

 

Malasakit Center tiyak na mabubuksan sa South Cotabato, ayon sa gobernador ng lalawigan

Mapapakinabangan na mga mamamayan ng South Cotabato ang “malasakit Center” bago magtapos ang unang quarter ng 2020.

Tiniyak ito ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. Ayon kay Tamayo, sa ngayon ay nagpapatuloy ang pagsasaayos ng bahagi ng provincial hospital para gawing malasakit center.

Para sa mas maayos na operasyon nito umaasa naman si Tamayo ng mas magandang ugnayan sa Sangguniang Panlalawigan. Binigyan diin ng gobernador na ang ginagawa ng mga opisyal ng lalawigan ay para din sa kabutihan ng mga mamamayan nito.

Ayon kay Tamayo ang pagpapatayo ng Malasakit Center sa South Cotabato ay suportado din ng national government. Ipinahayag ni Tamayo na tiniyak ng Malakanyang na agad itong magbibigay ng kaukulang pondo kapag naayos na ang mga pasilidad sa Malasakit Center. Layon ng Malasakit center na matulungan ang mga mahihirap na pasyente .

Ito ay sa pamamagitan ng paglalagay sa iisang lugar ng mga ahensya ng pamahalaan na kailangan ng mga ito. Kalakip sa mga ito ang Philhealth, Philippine Charity Sweepstakes office at Department of Social Welfare and Development.

Nabatid na 28 sa 74 na Malasakit Center sa buong bansa ay matatagpuan sa mga ospital na pinamamahalaan ng mga lokal na pamahalaan.

 

-0-

 

NATIONAL NEWS………………….

 

Nagbanta si Pangulong Duterte sa Estados Unidos na kakanselahin ang Visiting Forces Agreement o VFA kung hindi itatama ang visa ni Sen. Ronald Dela Rosa.

Ayon sa pangulo, bibigyan lamang ang Amerika ng isang buwang palugit matapos kanselahin ang US visa ng senador.

Samantala, hindi na umano dadalo si Pangulong Duterte sa United States-Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit sa Las Vegas ngayong Marso.

Sinabi ng pangulo na tinanggihan niya ang imbitasyon ni U.S. President Donald Trump.

Ibinahagi rin ng pangulo na dati na siyang inimbitahan ni dating U.S. President Barrack Obama na dumalo ngunit hindi siya pumunta.

Sa kabilang dako, nakapagtala ng 6.4 percent na paglago sa ekonomiya ang bansa sa 4th quarter ng 2019.

Ayon sa National Economic Development Authority, ang services sector ang nakapag-ambag ng pinakamalaking parte sa paglago ng ekonomiya.

Bigo naman ang pamahalaan na makamit ang target growth rate para sa buong 2019 na 6 to 6.5 percent.

Sa halip ay nakapagtala lamang ng 5.9 percent na growth rate para nung nakaraang taon.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

NDBC BIDA BALITA (Feb. 19, 2020)

NEWSCAST

7:00 AM

HEADLINES:

1. MGA OPISYAL ng BARMM PNP, sumailalim sa mandatory surprise drug testing....

Buntis na patungo ng ospital nanganak sa isang tricycle sa Koronadal

KORONADAL CITY, South Cotabato- Hindi na umabot sa ospital ang isang ginang matapos abutan ng panganganak sa loob mismo ng isang tricycle sa...

Basilan gov’t, 6 LGUs pass 2019 GFH evaluation

COTABATO CITY --- Five now peaceful Basilan towns the Abu Sayyaf pestered for decades until four years ago have passed the national government’s...

106 more MILF fighters decommissioned 

COTABATO CITY --- More than a hundred more members of the Moro Islamic Liberation Front got decommissioned Tuesday based on its peace deal with...

Drug suspect who tossed grenade at lawmen slain in Cotabato City

COTABATO CITY  – For resisting arrest and for tossing a hand grenade against law enforcers, a suspected drug peddler was killed in a shootout...