Saturday Dec, 07 2019 11:56:13 AM

NDBC BIDA BALITA (Dec. 3, 2019)

NDBC BALITA • 08:30 AM Tue Dec 3, 2019
195
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST

DECEMBER 03, 2019 (TUE)
7:00 AM

HEADLINES:

1. HATOL sa Maguindanao massacre, ilalabas na sa susunod na dalawang linggo.

2. BATA na itinuturong responsable sa panununog sa ilang establisiyemento sa Kabacan, North Cotabato, hawak na ngayon ng mga otoridad

3. Disaster Risk Reduction and Mangement Council ng South Cotabato, pinarangalan bilang may pinaka -epektibong programa laban sa kalamidad

4. Foreign tourist arrivals sa bansa, umabot na sa anim na milyon.

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA

 

MAGLALABAS NA ng hatol ang korte sa susunod na dalawang linggo kaugnay ng Maguindanao massacre case matapos ang sampung taong paglilitis dito.

Sa kautusang inilabas ni Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes, sinabi nito na nakatakdang ilabas ang desisyon sa naturang kaso ngayong December 19, alas-nuebe ng umaga sa Quezon City Jail-Annex, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.

Una rito, matatandaang pinagbigyan ng Korte Suprema si Reyes na mabigyan ng karagdagang oras para makapagdesisyon sa mutiple murder case.

Matatandaang 58 katao ang napatay sa insidente na nangyari sa Ampatuan, Maguindanao noong November 23, 2009, kung saan mahigit 30 rito ay mga kagawad ng media.

Ilan sa mga pinangalanang akusado sa malagim na trahedya ang noo'y Datu Unsay mayor Andal Ampatuan Jr.

Maliban sa mga mamamahayag, napatay din ang misis ni Cong. Toto Mangudadatu, dalawa niyang mga kapatid, at iba pa na patungo sana sa Comelec office para maghain ng certificate of candidacy para kay Mangudadatu.

Dahil dito ay tinawag ng Committee to Protect Journalists ang Maguindanao massacre bilang "single deadliest event for journalists" sa buong mundo mula noong 1992.

 

-0-

 

Duguan nang isugod sa ospital ang isang grade 4 pupil na magtamo ng maraming mga sugat sa katawan makaraang mabundol ng motorsiklo sa Barangay Nituan, Parang, Maguindanao.

Ang biktima ay nakilalang si SABINA ADAM, sampung taong gulang.

Base sa kwento ng kaanak ng biktima, ala una ng hapon kahapon habang patungo sa paaralan si Adam nang aksidenteng mabangga ng dumaang motorsiklo sa kanyang likuran.

Sa lakas ng pagkakasalpok sa biktima ay tumilapon ito dahilan para magkaroon ng mga sugat at bali kaya agad isinugod sa pagamutan.

Kusang loob namang sumuko sa mga otoridad ang lalaking nakabangga sa biktima na hindi na kinilala sa report.

 

-0-

 

 

Niyanig ng magnitude 3.1 na lindol ang Sarangani kahapon ng tanghali.

Sa datos ng Phivolcs, namataan ang epicenter ng lindol sa layong 5 kilometers Southwest ng Malapatan bandang alas dose y tres ng tanghali.

May lalim itong 28 kilometers at tectonic ang origin.

Walang namang napaulat na pinsala sa lugar na dulot ng naturang lindol at wala ring inaasahang aftershocks.

Una rito, niyanig din ng magnitude 3.5 na lindol ang North Cotabato.

Ayon sa Phivolcs, naitala ang pagyanig sa 23 kilometers Southwest ng Makilala, alas 6:55 ng umaga kahapon.

Naitala ang intensity 3 sa Kidapawan City.

May lalim na 26 kilometers at tectonic ang origin ng pagyanig.

 

-0-

 

DRRMC na may pinaka epektibong programa laban sa kalamidad pinarangalan

Napili na kahapon ng provincial disaster Risk Reduction and Management Office ang mga awardee sa 2019 Gawad Kalasag Search for Disaster Risk Reduction and Humanitarian Assisstance sa South Cotabato.

Kaugnay nito tinanghal na First Place sa Best Prepared Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council o MDRRMC ang bayan ng T’boli na tumanggap ng 50 thousand pesos, Second place ang Tupi na may 40 thousand at Third place ang Polomolok na may 30 thousand pesos. Nakakuha naman ng Special Award ang Koronadal City.

Sa Best Prepared School Elementary Category nanguna ang Marbel 1 Central Elementary School sa Koronadal, pangalawa ang Kablon Elementary School sa Tupi at pangatlo ang Upper Klinan Elementary School sa Polomolok.

Ang unang pwesto sa Best Prepared School Secondary Category ay nakuha ng Polomolok National High School, pangalawa ang Norala National High School at pangatlo ang Rotonda National High School sa Koronadal City.

Sa Best Prepared Barangay Disaster Risk Reduction and Management Council o BDRRMC sa Rural Category ang unang pwesto ay nakuha ng Barangay Upper Klinan, Polomolok, pangalawa ang Bololmala sa Tupi, Pangatlo ang Katipunan sa Sto. Nino,at pangapat ang Dajay sa Surallah.

Sa Urban Category ng Best Prepared BDRRMC, First Place ang Cannery Site, Polomolok; Second place ang Cebuano, Tupi; third place ang Poblacion, Sto. Nino at 4th place ang Zone III , Koronadal City.

Ang unang pwesto sa Best BDRRMC sa Barangay Early Learning Center Category ay nakuha ng San Lorenzo Ruiz Day Care Center ng Zone I Koronadal at Second Place ang Tukay el Day Care Center sa Barangay Cebuano, Tupi.

Ayon kay Faith Magbanua ng PDRRMO, layon ng parangal na kilalanin ang mga DRRMCs ng mga local government na may natatanging nagawa para maibsan ang epekto ng kalamidad. Sa katunayan ayon kay Magbanua dahil mga DRRMC na nalagpasan ng lalawigan ang masamang epekto ng kalamidad sa South Cotabato.

Kalakip sa mga ito ang mga pagbaha sa Norala, Tantangan at Sto. Nino, tension cracks at sa T’boli, landslide sa Tampakan, Norala Polomolok , mga aksidente sa daan sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan, at mga pagyanig. Umaasa naman si Magbanua na magtatapos ang taon sa South Cotabato na ligtas sa anumang uri ng kalamidad.

 

-0-

 

Dengue Cases sa South Cotabato “case close” na, Provincial Health office 

Isinara na ng provincial health office sa national level ang surveillance nito sa dengue outbreak sa South Cotabato.

Kasunod ito ng pagbaba ng dengue cases sa lalawigan nitong mga nakalipas na buwan. Pero kailangan pa ng mga kasapi ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council o PDRRMC na pagusapan ang pagbawi ng State of Calamity declaration sanhi ng dengue outbreak sa South Cotabato.

Ito ay ayon kay Assistant Provincial Health Officer Dr. Alah Baby Vingno. Sa kabila ng pagdeklara na case close na, umapela si Vingno sa publiko na ipagpapatuloy pa rin ang pagsira sa mga bagay o lugar na pinamamahayan ng mga lamok na nagdadala ng dengue.

Ayon kay Vingno nanatili pa ring banta sa lalawigan ang dengue fever. Paliwanag ni Vingno, lumabas sa kanilang vector surveillance na marami pa ring mga lugar sa South Cotabato ang may mga lamok na nagdadala ng dengue.

Ayon sa datus ng IPHO, 26 katao ang binawihan ng buhay sanhi ng dengue sa South Cotabato ngayong 2019.

 

-0-

 

NDBC News AM Dec 3 Headline : Christmas decorations na pinailawan na sa kapitolyo, dinarayo ng mga mamamayan sa South Cotabato Naging instant pasyalan ng mga mamamayan ang compound ng provincial capitol ng South Cotabato sa Koronadal City.

Kasunod ito ng pagpapailaw kagabi sa mga palamuting pamasko sa nasabing lugar. Marami sa mga dumayo ay nag-selfie at groupie ng libre sa capitol compound.

Ayon kay Provincial General Services Officer-In-Charge Fredaliza Gazo, gumugol sila ng ilang lingo para matapos ang mga Christmas decorations. Makikita sa nasabing lugar ang mga kumukutitap na Christmas Tree, Chinese lanterns, makukulay na ilaw at iba pang palamuting pamasko.

Patok naman sa mga bata na mahilig magpalitrato ang life-size Santa Claus. Ang mga ito ay pinaglaanan naman ng pamahalaang panlalawigan ng mahigit P350 thousand pesos.

Ayon kay Gazo mas mababa ang ginastos ng provincial government sa mga Christmas decorations sa kapitilyo. Ito ay dahil iba sa mga ito ay recycled mula sa ginamit noong nakaraang taon. Ayon kay Gazo sentro naman ng atraksyon sa provincial capitol ang malaking Belen o nativity scene na sumisimbolo sa kapanganakan ni Hesus.

 

-0-

 

IP Parents magiging katuwang na rin ng provincial government ng South Cotabato sa pagsugpo ng problema sa iligal na droga

Sasanayin ng provincial government sa pagiwas sa iligal na droga ang kanilang mga anak ang tatlumpung mga magulang sa South Cotabato.

Layon nito na maibaba ang demand ng iligal na droga sa lalawigan. Ang training na pangungunahan ng provincial anti-drug abuse council o PADAC ay gaganapin sa December 5 at 6. Makikinabang dito ang mga magulang mula sa mga indigenos peoples o IP community na pawang mga myembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Ayon kay South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr., tututukan ngayon ng PADAC ang pagbaba ng demand sa iligal na droga. Binigyan diin ni Tamayo na ang demand reduction sa illegal drugs ay kasing din ng halaga ng supply reduction o anti-illegal drug operations na isinasagawa ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency.

Maliban sa drug-free workplace tinututukan din ng PADAC ang pagpapatibay ng samahan ng bawat myembro ng pamilya. Ang nasabing training ay pangalawa na sa serye ng pagsasanay sa mga magulang na IP sa South Cotabato. Kasunod ito ng pagsailalim din sa kanila sa Systematic Training on Effective Parenting o STEP noong Oktobre.

 

-0-

 

Provincial Training center, ipatatayo ng TESDA sa Surallah, South Cotabato

Pinahahandaan na ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA ang pagtatayo ng provincial training center o PTC nito sa bayan ng Surallah, South Cotabato sa susunod na taon. Ito ay ayon kay TESDA Director General Isidro Lapena.

Ayon kay Lapena ipatatayo ang TESDA PTC sa 3,000 square meter na lupain na ibinigay ng lokal na pamahalaan sa Surallah Development Sports Complex. Ipinahayag ni Lapena na dahil sa mayroon nang lote mas magiging madali na sa ahensya ang paglalaan ng pondo para sa nasabing pasilidad.

Layon ng proyekto na makinabang sa skills training ng TESDA ang mga mamamayan sa malalayong lugar. Sinabi ni Lapena na ang PTC ay mapapakinabangan ng mga mamamayan ng Surallah at karatig lugar.

Ang training center sa Surallah ay isa sa apat na mga PTC na isinusulong ng TESDA sa region 12. Unang binuksan ang PTC ng ahensya sa Malapatan, Sarangani noong Setyembre.

Plano din nga ahensya na ipatayo ang mga provincial training centers nito sa Lambayong, Sultan Kudarat at Amas, Kidapawan City sa susunod na taon. Maliban sa mga provincial training center, nagpapatayo rin ngayon ang TESDA ng 150 million pesos na regional training center sa Alabel, Sarangani. Tatawagin naman itong TESDA-Soccksargen Manpower Development Center.

 

-0-

 

Lalaki na responsable sa pananaksak sa mismo nitong kapatid, arestado sa bayan ng Makilala, North Cotabato

Huli ang isang lalaki na siyang responsible sa pananaksak sa kanyang mismong kapatid sa Purok 1, Barangay Batasan Makilala, North Cotabato.

Sa ulat, nakilala ang sugatang biktima na si Glen Aguilar Canada, 34 anyos, isang karpintero habang ang suspek naman na kanyang kapatid ay si Antonio Aguilar CanadaJr., 48 anyos, may asawa, isang magsasaka na parehong nakatira sa nasabing lugar.

Nangyari ang pananaksak alas 6:30 ng gabi kamakalawa nang magkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawang magkapatid na humantong sa pananaksak at pagkakasugat ng nakababatang Canada.

Samantala, arestado naman ang isa pang lalaki na may kinakaharap na kaso sa Barangay Saguing, Makilala North Cotabato ala 1:20 ng hapon kamakalawa. Kinilala ang naaresto na si Eduardo Olarte, 34 anyos na residente ng Sitio Mahayahay, Poblacion Makilala Cotabato.

Sa bisa ng warant of arrest na inisyu ni Judge Henelinda Molina-Diaz, ang presiding judge ng RTC Branch 61, Kidapawan City na may petsang November 16, 2018. Siya ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 7610 o Protection against child abuse, exploitation and discrimination.

Nakapiit na ngayon sa Makilala PNP custodial facility ang suspek at kakaharapin ang kasong isinampa laban sa kanya. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Wanted person na may kasong rape huli ng CIDG sa Kidapawan City

Hindi na nakapalag pa isang lalaking wanted person matapos maaresto ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG North Cotabato matapos isilbi ang warrant of arrest mula sa korte, umaga kahapon.

Kinilala ang suspek na si Jasper Estelloso, nasa hustong gulang na residente ng Quirino Drive, Poblacion, Kidapawan City. Nahuli ang suspek sa pinagsanib pwersa ng CIDG katuwang angRegional Mobile Force Battalion (RMFB-1203rd Coy), at Kidapawan City Police Station at Highway Patrol Group.

Ang warrant of arrest ng suspek ang inisyu ni Judge Jose Tabaosares ng Regional Trial Court Branch 23 na may petsang November 16, 2018 dahil sa 4counts na kasong rape. Kulong na ngayon sa custodial facility ng Kidapawan City PNP ang suspek at kakaharapin ang kasong isinampa laban sa kanya. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

 

Menor de edad na itinuturong responsible sa panununog sa ilang establisiyemento sa Kabacan, North Cotabato, hawak na ngayon ng otoridad

Nadakip na ng mga pulis ang isang 12-anyos na suspek sa panununog sa ilang mga establisiemento sa bayan Kabacan, North Cotabato kahapon.

Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management o DRMM Head David Don Saure, may nakakita anya sa naturang bata na may dalang plastic at lighter, bago sumiklab ang malaking sunog. Nabatid na abot sa pitong mga establisiemento ang nasunog simula gabi hanggang kahapon ng madaling araw.

Kabilang sa mga nasunog ay ang Bahay Buko, dakong alas 7:30 ng gabi at abandonadong bahay na pag-aari ng Orpiano family, alas-8:00 ng gabi na kapwa nasa Barangay Osias.

Ayon kay Saure, kabilang sa mga nasunog kahapon ng madaling araw ay ang Manolette Bakeshop, Pritong Manok, Corpuz Patilan, Cake’s by Lial at isang space for Rent na stall.

Ayon kay Fire Inspector Albert Lagura ng BFP Kabacan, umaabot sa P2.233 milyun ang kabuuang danyos sa pitong magkakahiwalay na sunog. Maituturing na Arson ang insidente dahil sa intensiyon na pagsunog habang isinailalim na sa interogasiyon ang nahuling suspek.

Samantala, sa isinagawang Municipal Peace and Order Council Meeting kahapon muling nilinaw na umiiral pa rin ngayon ang Curfew hours para sa mga menor de edad mula alas 10:00 hanggang alas 4:00 ng madaling araw, dapat ding mas palakasin ang BPAT, AFP at Police visibility sa bayan.

Nagrekomenda din ang PNP na i-activate ang Barangay Tanod sa bawat Barangay na siyang tutulong sa pagbabantay at pagpapanatili ng katiwasayan.

Habang hinihikayat naman ang lahat ng mamamayan ng Kabacan na makipagtulungan sa mga otoridad at maging alerto sa lahat ng pagkakataon. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Temporary Shelter, itinurn over ng bise gobernador ng North Cotabato sa bayan ng Tulunan

Limang mga transitional temporary shelter ang itinurn over ni bise gobernador Emmylou Lala Taliño-Mendoza sa barangay Magbok, Tulunan, North Cotabato kahapon ng umaga.

Dahil dito hinikayat ng opisyal ang mga gustong mag donate na magbigay na lamang ng mga construction materials, sa halip na cash.

Ang cash assistance kasi ay dadaan pa ng accounting at sasailalim pa ng procurement process kaya nababalam ang pag implementa ng proyekto. Sinabi naman ni Mendoza na 100 bahay ang kanilang ipapatayo sa barangay Magbok kungsaan ang 50 dito ay may mga umaangkin ng magpapatayo.

Nagkakahalaga ang transitional shelter ng mula P28,800 hanggang P32,200 na gawa sa kahoy, plywood at may insulator na kisame.

Kasabay nito ay itinurn over din ang tsekeng nagkakahalaga ng P2Milyun mula sa pamahalaan ng Maynila sa pamumuno ni Yorme Isko Moreno. Una na ring nagbigay si Yorme ng P5 milyun para sa mga biktima ng lindol sa North Cotabato na mula sa personal nitong pera.

 

-0-

 

Notre Dame Schools namayagpag sa katatapos lang na Licensure Exam for Teachers, walong topnotchers pasok sa Top10

Walong mga topnotcher mula sa mga Notre Dame Schools ang namayagpag sa katatapos lamang na Licensure Examination for Teachers o LET na ginanap nitong Setyembre.

Sa walong pasok sa top 10, tatlo rito ay nagmula sa Notre Dame of Midsayap College o NDMC. Nabatid na pumwesto sa Top3 si Gybrille Rosse Galvan Ferolin ng NDMC na nakakuha ng 91.40% sa Elementarya.

Nasa Top 7 naman si Adrian Turbanos Obeñita na nakakuha 90.40% sa Elementarya habang 91.08% naman ang nasa Top 8 na si Angelo Paculio Florague sa sekundarya na pareho ring nagtapos sa NDMC.

Dalawa namang topnotchers ay nagmula sa Notre Dame of Marbel University na sina Nurul Izzah Ayob Lamalan na nakakuha ng 89.90% sa elementarya bilang Top10 habang 91.40% naman ang nakuha ni Joven Dosano Patricio na pumwesto sa Top 6 sa secondary level.

Dalawa ring topnotchers sa parehong secondary level ay mula sa Notre Dame University na sina Hamirudin Sunggo Datukan na nakakuha ng markang 90.60% na nasa Top 10 at Luis Benedict Angeles Tabule na nakakuha ng 91.80% na pumwesto sa top 4.

Nasa Top5 naman ang nagmula sa Notre Dame of Dadiangas University na si Jean Pearl Susad Rocapor na nakauha ng 90.80 %.

Ayon kay Father Jonathan Dominggo, OMI siyang presidente ng Notre Dame of Midsayap College, ito aniya ang unang pagkakataon na tatlong sa mga topnotcher ay mula sa nasabing eskwelahan. Ipinagmalaki rin nito na maliban sa LET ay may mga topnotcher din noon ang NDMC sa CPA Exam at Criminology Board Exam.

 

-0-

 

NATIONAL

 

PANSAMANTALANG itinigil ng Department of Labor and Employment o DOLE ang pag-i-inspeksiyon sa mga kumpanya ngayong huling buwan ng taon upang mabigyan ng sapat na panahon ang paglutas sa mga nakabimbing kaso sa paggawa

at makapaghanda na rin ng inspection program para sa 2020.

Sa nilagdaang Administrative Order No. 495, Series of 2019 ni Labor Secretary Silvestre Bello III, inaatasan ang lahat ng regional directors ng kagawaran na sumunod sa suspension ng labor inspection activities sa lahat ng kanilang saklaw simula December 1.

Hindi naman kasali sa suspension ang mga complaint inspections; occupational safety and health standards (OSHS) investigations; technical safety inspections, gaya ng inspection ng boilers, pressure vessels, mechanical and electrical installation, at iba pa; o mga industriyang iuutos ng kalihim na suriin.

Magpapatuloy naman routine inspections sa sandaling ipalabas na ang 2020 General Authority for Labor Inspectors.

Samantala, sa pinakahuling datos ng DOLE noong Setyembre, nasa higit 57 libong mga establisiemento na sumasakop sa 2.3-milyong employees ang sumailalim na sa pagsisiyasat ng DOLE labor inspectors.

8th fire hits Kabacan, North Cotabato in 6 days

KIDAPAWAN CITY  – A fire of still unknown origin razed to the ground four business establishments and a boarding house in Kabacan, North...

Livelihood training in poorest Mindanao provinces slated in 2020

DAVAO CITY -- A team of agriculture experts will conduct a lecture series on livelihood projects targeting Mindanao's poorest provinces,...

New 602nd Brigade chief vows intensified drive vs. terrorists

CAMP LUCERO, North Cotabato – A seasoned military officer from the office of Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana has...

In Maguindanao, Sen. Bong Go opens 53rd Malasakit Center

DATU HOFER, Maguindanao (Dec. 6) – Another “Malasakit Center” has been added to a pro-poor health program that aims to prove the...

Soldiers seize another Dawlah Islamiya arms cache

MAGUINDANAO --- Soldiers seized Thursday assault rifles, an anti-tank rocket and explosives scattered in an abandoned Dawlah Islamiya lair...