Monday Sep, 23 2019 09:35:42 PM

NDBC BIDA BALITA (9.6.19)

NDBC BALITA • 21:15 PM Fri Sep 6, 2019
123
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. WANTED sa iba’t ibang mga kaso na miembro umano ng BIFF, arestado ng mga otoridad habang nagpapagamot sa isang ospital sa Cotabato city

2. PITONG BUWANG buntis patay habang sugatan naman ang apat na taong gulang niyang anak, matapos silang pagsasaksakin ng sariling mister sa Mlang, North Cotabato

3. South Cotabato, may 150 mga bagong guro.

4. DA secretrary, namahagi ng P400-M worth na tulong sa mga magsasaka sa Region 12.

 

‘ANG DETALYE NG MGA BALITA…. SUSUNOD’

NADAKIP na ng mga otoridad ang isa umano sa mga lider ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF na nahaharap sa patong-patong na kaso ng Illegal Possession of Explosives, Paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, Murder, attemted murder at frustrated murder.

Nakilala ang naarestong suspek na si Madrox Masgal o Kumander Madrox, 43 years old, na gumagamit din ng mga alyas na Samad Madro Kambali Balanting, Madrox Masgal at Samal Masgal.

Si Masgal din umano ang itinuturong utak sa pagbaril at pagpatay sa isang kagawad ng Barangay Mudseng, Midsayap North Cotabato nitong Lunes ng gabi sa Cotabato City.

Sinabi ni Cotabato City PNP Spokesperson, Police Major Roel Zafra na nahuli si Masgal sa isang ospital sa lungsod kung saan ito nagpapagamot matapos umano siyang tamaan sa kaliwang kamay sa pagsabog ng M-203 grenade sa isa sa mga operasyon ng militar sa Maguindanao.

Ayon kay Zafra, inaresto ng mga pulis at PDEA BARMM agents si Masgal pasado alas nuebe ng umaga kamakalawa sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court Branch 28 noon pang December 29, 2017.

Gayunman, hindi binanggit ni Zafra kung nasaan ngayon si Masgal matapos siyang madakip ng mga otoridad.

Samantala, mariin namang itinatanggi ng ni BIFF spokesperson Abu Misry Mama na miembro nila ang naarestong si Masgal.

Pero inamin nitong lumapit sa kanila si Masgal para maging kumander pero hindi siya tinanggap ng BIFF.

-0-

 

SISIMULAN NA ngayong araw ang clearing operation sa mga bahay at tindahang malapit sa national highway sa Sultan Kudarat, Maguindanao.

Sinabi ni Sultan Kudarat mayor Shameem Mastura na ang hakbang na ito ng lokal na pamahalaan ay bilang pagtalima sa utos ni P. Duterte sa pamamagitan ng Department of the Interior and Local Government.

Ayon kay Mastura, dapat ay 15 metro ang layo ng mga bahay at tindahan mula sa National Highway.

Kaya naman aniya, lalagyan nila ng marka ang mga istruktura na lumabag sa naturang direktiba at bibigyan ng sapat na panahon para kusang gibait ang kanilang mga bahay o tindahan.

Pero nilinaw ng alkalde na mayroon namang inilaang relocation site ang lokal na pamahalaan para sa mga apektadong residente.

Pinag-iisipan na rin umano ng lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng financial assistance sa mga ito.

 

-0-

 

DEAD ON THE SPOT ang isang babae habang kritikal naman ang kondisyon ng tatlong iba pa matapos silang maaksidente sa kanilang sinakyang payong-payong sa national highway na bahagi ng Barangay Karim, Buldon, Maguindanao pasado alas otso ng umaga kahapon.

Nakilala ang nasawi na si JUBAINA PASAWIRAN, 18 habang sugatan naman ang tatlo nitong mga kasama na si FARIDA PASAWIRAN, WILLY PASAWIRAN at isang ALEX BALTEK, pawang mga residente rin ng nabanggit na lugar.

Sa report ng Buldon PNP, nakita na lamang ng mga residente sa lugar na bumaliktad ang payong-payong na sinasakyan ng mga biktima na umano ay nawalan ng preno.

Nagtamo ng matitinding sugat si JUBAINA at nabagok pa ang ulo nito na dahilan ng kanyang pagkasawi makaraan umanong tumilapon sila sa konkretong kalsada.

SAMANTALA, isinugod din sa ospital ang isa pang lalaki matapos umano itong maaksidente habang nagmomotorsiklo sa kanilang lugar sa Barangay. Taviran, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao pasado alas tres ng hapon kahapon.

Nakilala biktima na si JUHAIR ADAM, 18 years old.

Sumemplang si Adam matapos na mawalan ng kontrol sa minamaneho nitong motorsiklo.

 

-0-

 

ARESTADO sa Cotabato city ang isang lalaking wanted sa kasong murder sa Sultan Kudarat, Maguindanao.

Nakilala ang nadakip na si Aladin Malido alyas Aladin Laguiamoda, 24 years old.

Sa report ng City PNP, naaresto ng pinagsanib ng City PNP at Sultan Kudarat PNP si Malido sa isang restaurant sa Barangay Poblacion 6 ng lungsod pasado alas dose ng tanghali kamakalawa.

Ito ay sa pamamagitan ng Warrant of Arrest na inisyu ng Regional Trial Court Branch 13 noon pang November 28, 2017.

Sa ngayon ay nakakulong na sa Sultan Kudarat PNP detention facility si Malido at nakatakdang iharap sa korte anumang araw mula ngayon.

 

-0-

 

BUMUO ng Anti Dengue Task Force ang Cotabato city LGU sa pamamagitan ng Executive Order No. 304 na inilabas ni city mayor Cynthia Guiani.

Sa ilalim ng naturang kauutusan, bubuuhin ang City Anti Dengue Committee at Barangay Anti-Dengue Task Forces makaraang magdeklara ang Department of Health ng National Dengue Epidemic.

Si mayor Guiani ang tatayong chairman ng Anti Dengue Committee habang Co-Chairman naman si city health Officer Dr. Meyasser Patadon.

Magiging katuwang din ng lokal na pamahalaan ang lahat ng mga school head sa mga pribado at pampublikong paaralan sa lungsod para sa pagpapatupad ng mga programa kontra dengue.

Samantala, tututukan naman ng Barangay Anti Dengue Task Force ang kani-kanilang mga programa kontra Dengue at mahigpit na imo-monitor ang mga residente ng kanilang barangay.

Kabilang sa mga programang ipatutupad sa mga barangay at paaralan ay ang 4 o’clock habit, 4S Kontra Dengue, at Aksyon Barangay Kontra Dengue.

Mula Enero hanggang Agosto ngayong taon, nakapagtala na ng 677 Dengue cases ang City Health Office sa lungsod pero wala namang naiulat na namatay.

 

-0-

 

59 anyos na lalaki patay at pinsan nito sugatan matapos barilin habang natutulog sa kanilang bahay sa Pikit, North Cotabato

Ideneklarang patay ng mga doctor ang isang lalaki habang sugatan naman ang pinsan nito na mga biktima ng pinakabagong kaso ng pamamaril sa Barangay Silik, Pikit North Cotabato.

Sa inisyal na ulat ng Pikit Police, nakilala ang nasawing biktima na si Rodrigo Tejiro at sugatan naman ang kanyang pinsan na kinilalang si Marlon L. Dantes , 27 anyos na residente ng nasabing lugar. Sa isinagawang imbestigasyon ng PNP, pinaulanan ng bala ang bahay ng biktima habang natutulog sa loob bandang alas 11:45 ng gabi nitong miyerkules kasama ang kanilang pamilya.

Nakuha sa crime scene ang labintatlong mga fired cartridges ng 5.56MM at ng 7.62MM na isinumite na sa Provincial Crime Laboratory office sa Kidapawan City. Mabilis na tumakas ng suspek sa di pa malamang direskyon matapos gawin ang krimen habang inaalam pa ang motibo ng pamamaril.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Hati ang opinyon ng mga miyembro ng Lesbian Gay Bisexual Transgender Queue o LGBTQ+ sa North Cotabato, hinggil sa usaping Sexual Orientation and Gender Identity and Expression Equality o SOGIE Bill.

Ito'y sa kabila ng debate patungkol sa karapatan ng mga indibidwal na nasa ikatlong kasarian. Matatandaang una nang nanawagan ang ilang sektor na maisabatas na ang mga panukalang magpapataw ng parusa sa magsasagawa ng diskriminasyong nakabatay sa "sexual orientation" at "gender identity or expression" (SOGIE bill) — bagay na proprotekta sa mga lesbyana, bakla, bisexual, transgender atbp.

Gayunpaman, ayon sa iilang mga LGBTQ+ members sa lalawigan, sang-ayon ang mga ito sa paglalagay ng isa pang palikuran sa pampublikong C.R. nang sa gayon ay maging komportable ang mga ito tuwing may mga tawag ng kalikasan.

Para sa isang miyembro na si alyas 'REO' ng Matalam, North Cotabato, kung ang paglalagay ng karagdagang palikuran ay siyang pagbibigay ng pantay na karapatan sa mga LGBT, marapat lamang aniya na magkaroon ng neutral CR.

Sa kabilang dako, hindi naman pabor si alyas 'JENIFFER' na taga Kidapawan City sa nasabing panukala sapagkat hindi kailangang tamaan ang karapatan ng mga kababaihan tungkol sa usaping privacy para lamang sa isinusulong ring privacy ng nasa LGBTQ.

Pero sa huli sinabi nitong mas nais niyang gumamit ng palikuran kung saan siya komportable. Samantala, iba naman ang opinyong ng isang 'JOHN MARK' na taga Mlang, North Cotabato. Marami aniyang mga bagay na dapat tutukan ng pamahalaan at suliranin na dapat kaharapin kumpara sa isinusulong nsa SOGIE Bill. Hindi rin aniya importante ang paglalagay ng isa pang neutral C.R. dahil para sa kanya dalawa lang ang kinikilalang kasarian. 

Matatandaang naging mainit ang diskusyon sa nasabing usapin kamakailan matapos arestuhin ang isang transwoman sa isang mall sa Quezon City na nais gumamit ng banyo ng babae kahit may anti-discrimination ordinance na umiiral sa lungsod.

Kinilala siya bilang si Gretchen Custodio Diez. Samantala, kaugnay rin nito Muling tiniyak ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na malabong pumasa ang panukalang naglalayong ipagbawal ang diskriminasyon base sa sexual orientation and gender identity or expression (SOGIE) bill.

Ayon kay Sotto, kaduda-duda ang pagpasa ng panukala dahil marami ang kontra rito. Sinabi pa ni Sotto na hindi dapat ikumpara ang halos kalahati ng populasyon ng mundo o ang mga babae sa isang grupo lamang.

Tahasan ding sinabi ni Sotto na kahit kailan ay hindi maaaring maging babae ang isang lalaki. Kahit anya anong mangyari ay hindi manganganak ang isang lalaki dahil wala silang obaryo.(Drema Quitayen) NDBC BIDA BALITA

 

7 buwang buntis patay at apat na taong gulang na anak, sugatan matapos na pagsasaksakin ng sariling mister sa Mlang, North Cotabato

Patay ang pitong buwang buntis na ginang habang sugatan din ang apat na taon nitong anak matapos na pagsasaksakin ng sariling ama sa Purok 5, Barangay Pulang Lupa, Mlang North Cotabato alas 4:00 ng hapon kahapon.

Nakilala ang nasawi na si Marilou Gulmayo 35 anyos at isang menor de edad na anak nito matapos na pagtatagain ng galit na mister na suspek na kinilalang si Elmer Gulmayo, 31 anyos at isang magsasaka na lahat nakatira sa nasabing lugar.

Napag-alamang nadamay din ang tiyuhin ng biktima na kinilalang Eliterio Pastlero 59 years old at isang magsasaka matapos nitong tangkang awatin ang galit na suspek. Napag-alamang may deperensya umano sa pangingisip ang suspek nang gawin nito ang pananaksak sa kanyang mismonng asawa at anak.

Samantala agad namang naisugod sa pagamutan ang dalawang sugatang biktima at nahuli ang supek na nasa kustudiya na ngayon nang Mlang Police na mahaharap sa patong patong na kaso.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Iginiit ni Sangguniang Kabataan Federation President, Councilor Cenn Teena Taynan na ibalik ng city LGU ang College Financial Assistance at bigyang prayoridad ang pondo para sa Youth Development. Ginawa ng opisyal ang pahayag sa Privilege Speech nito sa Sanggunian, kahapon.

Matapos mabatid na marami pa rin aniyang mga kabataan ang napagkaitan ng karapatang makpag-aral dahil sa kawalan na rin ng suporta at kahirapan. Bagaman at may mga tulong ang Sangguniang kabataan ay hindi pa rin ito sapat para matugunan ang kanilang pangangailangan sa pag-aaral.

Nananawagan din siya ng kapayapaan dahil ang buwan ng Setyembre ay National Peace Consciousness Month na may temang "Tapang at malasakit para sa kapayapaan.

Dagdag pa niya na malaking papel ang ginagampanan ng mga kabataan sa usaping pangkapayapaan. Pero, kaakibat aniya nito ay may mga hamong kinakaharap din ang mga kabataan. Ilan sa mga ito ay ang kawlaan ng tamang edukasyon, pagkalulong sa iligal na droga, diskreminasyon , pagkasangkot sa iligal na Gawain at iba pa.

At ito aniya ang kanilang sinusubukang tugunan at gumagawa ng hakbang ang SK para masagot ang mga kinakaharap ng sektor ng mga kabataan sa ilalim ng kanilang programang SK Peace Mission.(Mark Tayco)

 

-0-

 

Makipagugnayan sa kanilang mga barangay officials at makiisa sa Listahan region-wide survey na pangungunahan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD 12 sa susunod na buwan. Ito ang panawagan ni DSWD 12 Regional Director Joel Cezario Espejo sa mga mamamayan ng rehiyon.

Kasabay ito ng pagtaas din sa demand ng mga mahihirap na pamilya na benepisyaryo ng mga programa ng pamahalaan. Ayon kay Espejo para sa ikatatagumpay ng nasabing survey kailangan ng DSWD ang tulong ng iba pang ahensya ng pamahalaan at kanilang stakeholders.

Ipinahayag ni Espejo na layon ng suvey na ma-pre-identify ang mahigit 800,000 pamilya sa region 12 at may 500,000 sa Maguindanao na makikinabang sa mga programa ng pamahalaan.

Ilan sa mga ito ay ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program, National Health Insurance Program, Social Pension at maraming iba pa. Ayon kay Espejo magpapakalat ang DSWD ng mahigit 2000 sinanay na manggawa para manguna sa 45 araw na Listahan o National Household Targeting System for Poverty Reduction o NHTS-PR Survey.

 

-0-

 

Kaligtasan ng mga mangagawa at kanilang pamilya pinagusapan sa 3rd Mindanao Summit for Family Welfare Committees, Inc. sa Koronadal City

Tinalakay sa 3rd Mindanao Summit for Family Welfare Committees, Inc. o SFFWCI na ginaganap ngayon sa Koronadal City ang sampung dimension ng Family Welfare Program ng Department of Labor and Employment o DOLE.

Ayon kay SFFWCI President Edward Lancanilao, layun nito na maisulong ang kaligtasan at kabutihan ng mga mangagawa at kanilang pamilya habang nasa trababaho para mas maging produktibo.

Pinagusapan ng mahigit 800 participant mula sa anim na rehiyon ng Mindanao ang mga sumusunod: Reproductive Health and Responsible Parenthood; Education/Gender Equality; Spirituality o Values formation; Income Generation o Livelihood Cooperative; Medical Health Care;Nutrition; Environment Protection, hygeine and Sanitation; Sports and Leisure at Transportation.

Ang dalawang araw na aktibidad na dinaluhan din ng mga regional directors ng DOLE ay magtatapos ngayong araw.

 

-0-

Provincial School Board ng South Cotabato nangalap ng 150 bagong guro

Itatalaga ng pamahalaang panlalawigan ang 150 na mga guro na bagong hire ng Provincial School Board o PSB sa mga malalayong eskwelahan sa South Cotabato.

Ang mga PSB teachers ay makatataggap ng honorarium mula sa provincial government..

Kaugnay nito pinaalalahanan ni Deped South Cotabato Schools Division Superintendent Isagani Dela Cruz ang mga guro na kaagapay ng pakuha sa kanila ang mabigat na responsibildad.

Ito ay ang paghubog sa mga bata lalong lalo na sa mga liblib na barangay para maging mabuting mamamayan.

Ayon kay Dela Cruz pinasalamatan nito ang pamahalaang panlalawigan dahil sa pagpuno sa kakulangan ng mga guro ng Deped. Bago ipinadala sa kanilang mga assignment ang mga PSB teachers ay isinailalim muna sa orientation ng provincial government ng South Cotabato.

 

-0-

 

Bangkay ng lalaki natagpuan sa Banga, South Cotabato

Inaalam pa ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng bangkay ng lalaki na natagpuan kahapon sa Barangay Rizal, Banga, South Cotabato.

Ayon kay Banga Chief of Police, Major Josepgh Forro III unang nakakita sa bangkay sa kanal sa tabing palayan ang magsasakang si Alyas Moroy na noon ay patungo rin sa kanyang sakahan.

Hindi pa batid ng mga pulis kung ano ang ikinasawi ng biktima. Ito ay dahil sa packaging tape na binalot sa kanyang ulo, mga kamay, at paa. Walang mapagkakakilanlan ang mga pulis na nagimbestiga sa bangkay na nakasuot ng navy blue na sweatshirt at itim na short pants.

Ayon kay Forro ang natagpuang bangkay ay pinaslang sa ibang lugar at tinapon lamang ng mga salarin sa Barangay Rizal, Banga.

Nanawagan naman si Forro sa mga nawalann ng kaanak ko kakilala na tumutugma sa paglalarawan nila sa natagpuang bankay na makipagugnayan sa Banga PNP

 

-0-

 

DA Secretary Dar nanguna sa mass distribution ng mahigit P400 million pesos na halaga ng tulong sa mga magsasaka ng region 12.

Isinagawa ang mass distribution ng mga farm equipment at certificate para sa iba pang tulong ng ahensya sa mga magsasaka ng region 12 sa Research and Experiement Station ng DA sa Barangay Bololmala sa bayan ng Tupi. Pinangunahan ito mismo ni DA Secretary William Dar.

Ang pinakamalaking 244 million pesos na halaga ng certificate ay ibinigay sa lalawigan ng North Cotabato, 80 million sa Sultan Kudarat, 47 million sa South Cotabato at 22 million pesos sa Sarangani.

Ipinaalala naman ni Dar sa libo libong mga magsasaka at mangingisda na dumalo sa mass distribution ang kahalagahan ng mga ito para may maihain sa hapag kainan ang sambayanang Pilipino.

Kaugnay nito pinasalamatan naman ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr si Dar sa tulong na ibinigay nito sa mga magsasaka sa lalawigan.

 

 

 

 

Barangay chairman, companion dead in Kabacan shooting incident

NORTH COTABATO --- Two were killed, one of them a barangay chairman, while two others were wounded in an attack in Kabacan town in this...

Look: Cops haul fish and marine products sold outside Kalamansig town market

KALAMANSIG, Sultan Kudarat - Police authorities here on Sunday hauled containers and fish peddled by fish vendors beside the highway as...

2 MILF members detained for illegal gun possession

MAGUINDANAO --- Two members of the Moro Islamic Liberation Front were arrested Saturday for unauthorized carrying of firearms....

Top ASG member, 2 others yield to gov’t forces

ZAMBOANGA CITY - The WestMinCom’s campaign against violent extremism reaps good results as more terrorists yield to the government forces...

Though our Lord Jesus Christ was rich, he became poor

Reading 1AM 8:4-7

Hear this, you who trample upon the needy
and destroy the poor of the land!
“When will the new moon be over...