Wednesday Oct, 16 2019 05:09:47 AM

NDBC BIDA BALITA (9.14.19)

NDBC BALITA • 06:30 AM Sun Sep 15, 2019
266
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. POLICE OFFICIAL, patay matapos umanong magbaril sa sarili sa Bagumbayan, Sultan Kudarat.

2. Dengue cases sa Kidapawan City, mas lomobo pa, batay sa report ng city health office.

3. BENTAHAN ng karneng, mariing binabantayan ng National Meat Inspection Service 12, kasunod ng dumaraming mga kaso ng African Swine Fever sa Luzon.

4. Financial aid para sa mga senior citizens, pinagtibay ng Koronadal City council 

 

At ngayon sa detalye ng mga balita...

 

DEAD ON ARRIVAL sa ospital ang isang police major na nagbaril umano ng kanyang sarili sa Bagumbayan, Sultan Kudarat.

Nakilala itong si Police Major Kristian Ace Palmes Sularte, 35 anyos, binata at nakatalaga sa PNP-11 Regional Mobile Force Battalion.

Sa report ng Sultan Kudarat PNP, nagbaril umano sa sarili si Sularte sa loob ng kanyang kotse na nakaparada sa harap ng bahay ng kanyang magulang sa Purok Osmeña, Barangay Poblacion, Bagumbayan.

Sinubukan pa siyang isugod sa ospital ng kanyang pamilya ngunit hindi na ito umabot ng buhay dahil sa tama ng bala sa kanyang ulo.

Matinding depresyon ang posible umanong dahilan ng pagpapatiwakal ni Sularte ngunit patuloy ang imbestigasyon ng Bagumbayan PNP para matiyak na walang foul play sa pagkasawi ng naturang police major.

 

-0-

 

NANGAKO ang lokal na pamahalaan ng Sultan Kudarat, Maguindanao na magbibigay ng livelihood assistance sa mga apektado ng kanilang ipinatutupad na Road Clearing Operation.

Sa ipinatawag na pagpupulong ni Sultan Kudarat mayor Shameem Mastura, ipinaliwanag nito sa mga residenteng magigiba ang mga bahay at tindahan na sinusunod lamang ng pamahalaang lokal ang direktiba ni P. Duterte sa pamamagitan ng Department of the Interior and Local Government o DILG.

Naging emosyunal naman ang alkalde sa pagpapaliwanag lalo aniya at alam niya na karamihan sa mga apektado ay mahihirap na pamilya.

Kaya naman ayon kay Mastura, bagaman at walang pananagutan ang LGU sa mga apektadong residente ay magbibigay pa rin ito ng relief assistance at maglalaan ng programang pangkabuhayan para sa mga ito.

Nabatid na 11 mga barangay sa Sultan Kudarat ang maaapektuhan ng road clearing at binibigyan na lamang ng hanggang September 29, 2019 ng DILG ang LGUs para ipatupad ang naturang kautusan.

 

-0-

 

Duguang isinugod sa pagamutan ang isang lalaki matapos umano itong tagain ng kanyang kapitbahay sa Alamada, North Cotabato.

Nakilala ang biktima na si SAMSUDIN SULAIMAN, 34 years old, may asawa, magsasaka at residente rin ng nabanggit na bayan.

Base sa kwento ng misis ng biktima, habang nagpapahinga ang kanyang mister sa loob ng kanilang bahay kamakalawa ng gabi nang bigla umanong dumating ang nagwawala nilang kapitbahay na nakilalang si JUNAID KULANSANG at agad na pinagtataga ang biktima.

Mabilis namang tumakas ang suspek matapos ang pananaga.

Nagtamo ng maraming sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan ang biktima na mabilis na isinugod ng kanyang pamilya sa ospital dito sa Cotabato city.

Tinutugis na ngayon ng Alamada PNP ang suspek sa naturang krimen.

 

-0-

 

ARESTADO ang tatlo katao na sangkot umano sa kasong human trafficking sa Parang, Maguindanao.

Nakilala ang mga nadakip na sina REYNDON SIGNAWAN TAKBAO, 18 years old; MARY ANN NERI, 30 at ALEXANDER LAPOS NERI, 43 taong gulang na ngayon ay nasa kustodiya na ng Parang PNP.

Sinabi ni Parang PNP chief, Lt. Col. Ibrahim Jambiran na nasagip din ng mga otoridad ang tatlong mga batang biktima umano ng human trafficking na nasa 14 hanggang 16 taong gulang at pawang mga taga Kalilangan, Bukidnon.

Nasagip ang mga biktima matapos na makipag-ugnayan ang Kalilangan PNP sa Parang PNP para ikasa ang rescue operation na naging dahilan din ng pagkakadakip sa tatlong mga suspek.

 

-0-

 

SUGATAN ang tatlo katao matapos umanong mabangga ng isang pampasaherong van ang kanilang sinasakyang Payong-Payong sa national highway na sakop ng Brgy. Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao.

Nakilala ang mga biktima na sina TALIB SANOD, AKMAD SANOD at LANO KAPILON, pawang mga nasa hustong gulang, at residente ng nabanggit na bayan.

Sa report, pasado alas siyete ng gabi kamakalawa habang nakaparada ang kanilang sinasakyang Payong-Payong sa gilid ng kalsada ay bigla na lamang umano silang binangga ng isang kulay putting Van.

SAMANTALA, isang lalaki naman ang kritikal na isinugod sa ospital matapos maaksidente habang nagmamaneho ng kanyang motorsiklo sa national highway na bahagi ng Brgy. Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si JAMAL DIOCOLANO, nasa tamang edad at residente ng nabanggit na lugar.

Base sa kwento ng mga nakakita sa insidente, bandang alas syete ng gabi kamakalawa habang nagmomotorsiklo ang biktima at pauwi na nang mabangga nito ang isang aso na biglang tumawid sa kalsada.

Sumemplang ang biktima dahilan upang bumagsak siya sa kongkretong kalsada at ngayon ay nasa kritikal na kalagayan.

 

-0-

 

Pagbabawal sa paggamit ng cellophane bilang carry out bags, planong ipatutupad sa Kidapawan City

Pinaplantsa na ngayon ng Sangguniang Panglungsod ang panukalang pagbabawal ng mga plastic cellophane bilang carry out bags o ang proposed ordinance No. 19-039 o an Ordinance prohibiting the use of plastic carry out bags dry goods sa lahat ng mga establisyemento sa Kidapawan City.

Sa isinagawang public hearing kamakalawa na pinangunahan ni Councilor Ruby Padilla-Sison na siyang may hawak ng committee on environment at siyang may-akda ng nasabing panukala, sinabi nitong malaking tulong ito upang mabawasan ang dumadaming basura na nakatambak sa mga daan lalo na sa mga National Highway, kanal at ang hindi paghihiwalay ng nabubulok sa hindi nabubulok na basura.

Dumalo din sa nasabing public hearing ang ilang mga may-ari ng establisyemento na gumagamit na cellophane bilang packaging materials na mula sa lungsod na silang unang maaapektuhan kung maaprubahan bilang ordinansa. 

Dagdag pa ni Sison, may karampatang penalidad na ipapataw sa kung sino ang makikita at mamoitor na lalabag sa planong ordinansa. Para sa First offense magbabayad ang sinumang lalabag ng 500, second 1,000, third 3,000 pesos at cancellation of license to operate.

 

-0-

 

Dengue cases sa Kidapawan City, mas lalo pang lumubo ayon sa City Health Office

Umabot na sa 764 dengue cases ang naitala sa Kidapawan City mula noong enero hanggang September 7, 2019 na 521 percent na mataas kumpara sa noong taong 2018 sa kaparehong taon.

Ito ay batay na rin sa ipinalabas na datus ng City Epidemiology Surveillance Unit (CESU) ng Kidapawan City Health Office na sa ngayon ay nasa above epidemic threshold pa rin ang lugsod.

Una ng nagdeklara ang Kidapawan City o maging sa buong North Cotabato na state of calamity dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso nito ngayong taon.

Matatandaang plano ngayon ng City government na magpasa ng Anti- Dengue ordinance na siyang nakikitang pamamaraan na himukin ang lahat ng sector na makipagtulungan sa Pamahalaan sa pagpapababa ng kaso nito sa lungsod na target na maipasa ngayong taon.

Apela ng kagawaran ng pangkalusugan sa bawat mamamayan na ugaliing malinis ang kapaligiran lalo na ang pagpapataob ng mga maaring pamugaran ng lamok at gamitin ang 4’s upang tuluyan ng mapuksa ang mga lamok na may dalang sakit na nakakamatay na sakit na dengue.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

 

-0-

 

Tatlo katao sugatan sa road crash sa Mlang, North Cotabato

Sinalubong ng malagim na aksidente ang Friday the 13th ng isang lalaki kung saan nagkalasog-lasog ang katawan at halos maputol ang isang paa nito matapos na masangkot sa road crash sa national highway ng Purok Nia, Brgy Buayan, Mlang, North Cotabato, alas 3:25 nitong hapon.

Kinilala ng Mlang PNP ang sugatan na si Boyet Delos Santos, 36-anyos na residente ng Lebak, Sultan Kudarat. Angkas noon ng biktima ang dalawang mga menor na nagtamo rin ng galos sa katawan.

Ayon sa ulat ng Mlang PNP, minamaneho ni Delos Santos ang kanyang Jialing Motorcycle na may plakang 33999 sa nasabing highway at nang nag-overtake ito sa isang sasakyan ay aksidente itong nabangga sa kasalubong na multi-cab na minamaneho ni Efren Menderico Sr., na taga Malasila, Makilala, North Cotabato.

Dagdag pa sa ulat ng pulisya, naka-inom umano si Delos Santos. Nagpapagaling na ngayon ang sugatang si Delos Santos at ang dalawang menor de edad na angkas nito. Habang natamo naman ng nasabing multicab ang sirang bumper at headlight.

Muli namang nagpaalala ang mga otoridad na huwag magmaneho kung naka-inom at mag-doble ingat sa daan para maiwasan ang nasabing insidente NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

North Cotabato Provincial Government, pinaplano ring magbibigay ng insentibo para sa mga rice farmers na apektado ng mababang presyo

Nais ngayon ng Provincial Government of Cotabato na magbigay din ng insentibo sa mga palay farmers upang makatulong sa mga hinaing ng magsasaka na mababang presyo ng palay dahil umano sa rice tarification law. Ito ay isa din sa napag-usapan na interbensyon ng panlalawigan sa isinagawang Rice Stakeholders Forum na isinagawa sa Provincial Capitol Rooftop, Amas Kidapawan City.

Ayon kay North Cotabato Board Member Ma. Krista Pinol, plano niyang ipasa ang rice marketing assistance na magbibigay ng 20 centavos bawat kilo o sampung piso sa bawat 50kilos ng sako ng palay sa loob ng apat na buwan.

Ito ang nakikitang pamamaraan upang makatulong sa 68, 105 farmers sa labinpitong mga bayan at isang lungsod sa probinsya ng Cotabato. Ayon sa kanya, nais umano nilang gawin na 2 pesos per kilo pero aminado siyang hindi ito makakaya ng pondo at nais ding bilhin na lang sana ng fresh ang kanilang produkto pero wala ding drier.

Samantala, maraming mga magsasaka naman ang dumalo sa SURE aid Program ng Kagawaran ng Pagsasaka ito ay programang pautang para sa mga magsasaka ng walang interest na ipapataw at babayaran sa loob ng walong taon. Pero batay sa datus, nasa mahigit 68,000 ang mga magsasaka sa North Cotabato at mayroon lamang 12 libong slots para dito.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Isa pang Sitio sa Arakan North Cotabato, idineklarang Persona Non Grata ang mga NPA.

Sa pamamagitan ng isang Peace assembly ay idineklara ng mga residente ng Sitio Anoling, Barangay Badiangon Arakan ang mga CPP-NPA-NDF na Persona Non Grata sa kanilang lugar.

Bitbit ng mga residente sa naturang pagtitipon ang mga placards na may nakasulat na ayaw na nilang papasok pa sa kanilang lugar ang mga NPA na nagdadala ng takot at pangamba sa kanilang mga pamilya at komunidad sa loob ng mahabang panahon.

Maging ang mga progresibong grupo ay hindi narin welcome sa naturang lugar. Pinirmahan rin ng mga Barangay Officials ang isang resolusyon na nagkokondena sa mga armadong grupo at ideklara silang Persona Non Grata.

Sa kanyang mensahe ay binigyang diin ni Lt. Col. Benjamin A. Dao-on, Commanding Officer of 19th Infantry Battalion ang Executive Order number 70 o whole-of-nation approach na pinirmahan ni Pres Duterte kung saan nakasaad ang mga pamamaraan ng gobyerno para wakasan na ang ideolohiya ng teroristang NPA.

Isa na nga rito ang Community Support Program ng militar. Dito ay binigyan ng sapat na kaalaman ang mga residente hinggil sa hindi magandang maidudulot ng pagpasok sa naturang armadong grupo lalong lalo na ang mga IP na siyang madaling mahikayat ng NPA upang sumama sa kanilang kilusan.

Sa bayan ng Arakan ay siyam na mga barangay na ang nagdeklara ng Persona Non Grata sa mga NPA na kinabibilangan ng barangay Datu Ladayon, Sumalili, Binoongan, Gambodes, Kulaman Valley, Kabalantian, San Miguel, Salasang at Kinawayan at mga Sitio ng Katindu sa Barangay Malibatuan, Sitio Valencia sa barangay Sto Nino at pinakahuli ang Sitio Anoling sa Barangay Badiangon.

Ayon pa sa 19th IB na ang pagdeklara ng mga residente mula sa siyam na mga barangay at tatlong mga sitio sa Arakan ng mga Persona Non Grata ang mga NPA ay makakatulong upang tuluyan ng humina ang mga teroristang grupo.(Mark Tayco)

 

-0-

 

Ordinansa na magbibigay ng tulong sa mga nasa 85 hanggang 99 years old na mamamayan sa syudad, aprubado ng Sangguniang Panglungsod ng Koronadal

Makatataggap na ng dagdag na tulong pinansiyal ang mga nakatatanda sa Koronadal City. Kasunod ito ng pag-apruba ng Sangguniang Panglungsod sa ordinansa na magbibigay ng dagdag na benepisyo sa mga nasa 85 hanggang 99 years old na mamamayan sa syudad.

Ayon kay Koronaqal City Councilor Annabelle Pingoy mapapakinabangan ito ng mga Octogenarian at Nonagenarian sa Koronadal.

Sa ilalim ng ordinansa ang mga nasa 85 hanggang 90 years old sa Koronadal ay mabibigyan ng P10,000; P15,000 ang mga nasa 91 hanggang 95 years old at P20,000 ang mga nasa 96 hanggang 99 years old. Makatatanggap din ng P5,000 ang pinakamalapit na kaanak sakali mang pumanaw na ang mga ito. Ayon kay Pingo layun ng nito na maibigay ang nararapat na benipisyao at pagkilala sa mga nakatatatanda sa malaki ang naiambag sa paguland ng Koronadal City.

 

-0-

 

Bentahan ng karneng baboy kasunod ng African Swine Fever disease sa Luzon, mariing binabantayan ng Task Force Bantay Karne ng National Meat Inspection Service 12

Pinaigting ng Task Force Bantay karney ng National Meat Insection Service o NMIS ang kanilang monitoring sa mga karneng ibinebenta sa Soccksargen. Ipinahayag ito ni NMIS 12 Regional Director Myrna Habacon.

Ayon kay Habacon tinitiyak nila na may meat inspection certificate ang mga ibinebentang karne. Layun nito na mapigilan ang pagkalat ng African swine fever o ASF at matiyak ang kaligtasan ng publiko Kasunod ito ng pag-positibo sa ASF ng mga alagang bagoy sa Luzon.

Nilinaw naman ni Habacon na walang dapat ipangamba hinggil sa posibleng pagkalat ng ASF sa rehiyon ang publiko. Paliwanag ni Habacon dahil sa sapat na supply, walang nag-iimport ng karneng baboy sa region 12.

 

-0-

 

2019 Model OFW Family sa rehiyon pararangalan ng Overseas Workers Welfare Administration 12

Tumatanggap na ng nominasyon para sa 2019 Model OFW Family of the Year Awards o MOFYA ang Overseas Workers Welfare Administration o OWWA Region 12. Pinararangalan sa MOFYA ang mga Outstanding OFW Family sa Land-based at Sea-based category.

Ayon kay OWWA 12 OIC Kristine Marie Sison magiging batayan sa mga pararangalang pamilya ang mga sumusunod: Antas ng edukasyon ng bawat myembro ng pamilya, financial stability, pakikipagtulungan sa komunidad at ang pinakamahalaga sa lahat ang pananatili ng magandang samahan sa kabila ng mga pagsubok.

Maaring mag-nominte ng entry sa MOFYA ang mga registered Non-government organization, Peoples organization, Religious organization, Community-based-socio-civic associations, at OFW Family Circles.

Tatanggapin din ang nominasyon mula sa ibang bansa kung ang nominee ay nasa Pilipinas. Ayon kay Sison walang tatanggaping indibidwal na nominasyon sa MOFYA ang kanilang tanggapan. Makukuha ang nomination forms at iba pang mahalagang detalye sa 2019 MOFYA sa pinakamalapit na tanggapan ng OWWA.

 

-0-

 

Mga pribadong pharmacy at healthcare facilities tutulong sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato

Nakipagkasundo ang 67 mga botika at healthcare facilities na makipagtulungan sa pamahalaang panlalawigan sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan ng South Cotabato. Kinumpirma ito ni Provincial Social Welfare and Development Officer Haydee Agustin.

Ayon kay Agustin pinakahuling nakipagtulungan sa provincial government ang Mercury Drug Store. Ipinahayag ni Agustin na ito ay malaking tulong sa mahigit 400 dialysis patients na binigyan ng pamahalaang panlalawigan ng tig P5,000 cash assistance kada quarter.

Naglaan din ang nasabing grupo ng P1 million para sa mga dengue patients sa South Cotabato. Ang pamahalaang panlalawigan ay nakapag-release na ng mahigit P9 million pesos na halaga ng tulong sa mga mamamayan mula January hanggang September 9.

Kabilang sa mga ito ang pagbibigay ng cash para sa transportasyon, drug rehabilitation, livelihood at iba pang tulong. Sinabi ni Agustin na katuwang din ng provincial government sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan ang Southern Philippines Medical Center sa Davao City.

 

-0-

 

Pagbili ng palay ng mga magsasaka isinusuong ng DA sa mga top rice producing na mga lalawigan sa bansa

Nakumbinse na umano DA Secretary William Dar ang mga top rice-producing province na magpatupad ng palay buying, milling at rice marketing .

Layun nito na matulungan ang mga magsasaka na idinadaing ang mababang presyo ng palay. Kaugnay nito hiniling din ni Dar sa LandBank of the Philippines na maglaan ng soaftloan para sa mga magsasaka.

Ang nasabing loan ay mayroon lamang two percent interest at maaring bayaran ng mula tatlo hanggang limang taon. Maaring makinabang dito ang mga provincial at local government units, grupo ng mga magsasaka at agribusinessmen.

Mariing ipinagutos ni Dar sa NFA na agad ibagbili ang imported rice.

Agri and fisheries top industries in the proposed BARMM investments list

COTABATO CITY  -  Agriculture and Fisheries are top industries which the Bagnsamoro region can offer to investors both foreign and local...

Pope names new Sorsogon bishop

SORSOGON - Pope Francis has appointed Fr. Jose Alan Dialogo of the Manila archdiocese as the new bishop of Sorsogon.

The...

Bishops push for greater mining accountability

KIDAPAWAN CITY - Mindanao bishops have joined the initiative for the government to hold mining firms accountable for the environmental and...

The Word of God is living and effective

Reading 1ROM 1:16-25

Brothers and sisters:
I am not ashamed of the Gospel.
It is the power of God for the...

MILF infighting sends civilians fleeing

DATU MONTAWAL, Maguindanao  – A long standing territorial dispute between members of Moro Islamic Liberation Front in Maguindanao erupted...