Tuesday Sep, 17 2019 02:22:56 PM

NDBC BIDA BALITA (9.13.19)

NDBC BALITA • 20:45 PM Fri Sep 13, 2019
147
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. Peace and Order at Public Safety Plan ng Cotabato City, inaprubahan na ng City Peace and Order Council.

2. Mahigit 30 mga motorsiklo, na-impound sa isinagawang Oplan Lambat Bitag sa Arakan, North Cotabato.

3. TATLONG suspected swindlers, arestado sa aktong panunuhol sa isang pulis sa Koronadal City

4. Suicide forum, ginawa sa South Cotabato kasunod ng pagtaas ng mga kaso ng teenage suicide.

 

AT NGAYON SA DETALYE NG MGA BALITA....

IPATUTUPAD NA simula sa susunod na taon hanggang taong 2022 ang Peace and Order and Public Safety o POPS Plan para sa Cotabato city.

Ito ay matapos na aprubahan ito ng Cotabato City Peace and Order Council o CCPOC sa kanilang isinagawang pagpupulong kahapon.

Sinabi ni city mayor Cynthia Guiani na siya ring chairperson ng CCPOC, na naisumite na ang POPS Plan sa Sangguniang Panlungsod para mapondohan at saka ito ipi-presenta sa Regional Development Council.

Ayon kay mayor Guiani, mahalaga ang naturang plano dahil ito ang magiging basehan ng mga ipatutupad na programa sa lungsod na titiyak sa kaayusan at katahimikan ng syudad.

Kaugnay nito ay hinihiling pa rin ng alkalde ang kooperasyon ng mga mamamayan ng lungsod sa mga otoridad para maging mas epektibo ang implementasyon ng mga peace and order at public safety programs ng pamahalaang lokal.

Samantala, sa report ng City PNP, bumaba ang kaso ng mga krimen na nangyari sa lungsod mula Enero hanggang Agosto nitong taon.

Mula kasi sa 473 crimes committed noong 2018, ngayon ay nasa 411 na lamang ang naitatala ng kapulisan sa lungsod sa parehong period o katumbas ng 13.11 percent na pagbaba.

Umaabot na rin sa 1,580 traffic violators ang nadakip ng mga otoridad, 380 katao ang nahuling lumabag sa anti-smoking ordinance at nasa 320 naman ang nahuling na lumabag sa curfew hour.

 

-0-

 

ITINANGGI ngayon ng pamunuan ng Bangsamoro Islamic Armed Forces o BIFF na mga miembro nila ang 14 na mga kalalakihang sumuko umano sa militar at iniharap sa publiko kahapon ng Army’s 6th Infantry Battalion.

Sinabi ni BIFF spokesperson Abu Misri Mama na wala silang natanggap na report hinggil sa mga sumukong kasamahan.

Kaya aniya, maaaring gawa-gawa lamang ito ng mga sundalo na para kay Mama ay luma na umanong istilo para madismaya ang ibang mga miembro ng BIFF at lumakas naman ang loob ng mga sundalo.

Una rito, kahapon ay iniharap ni Army’s 6th Infantry Division Commander Maj. Gen. Diosdado Carreon kay BARMM Interior and Local Government Minister Naguib Sinarimbo ang 14 na mga miyembro umano ng BIFF na nagbalik-loob sa pamahalaan.

Kasamang iprinisenta ni Carreon ang mga armas na isinuko ng naturang mga rebelde na kinabibilangan ng tatlong Rocket Propelled Grenade launchers, dalawang M16 rifles, isang cal. 45 pistol, isang M14 rifle, isang uzi 9mm, at isang cal. 50 barrett.

Nabatid na kabilang umano sa mga sumuko ang isa sa mga lider ng BIFF na si Kumander Hajji Alimudin Uto Malang na 1972 namuhay bilang rebelde at taong 2008 nang mapabilang sa BIFF sa ilalim ng pamumuno ng namayapa ng si Ameril Umbra Kato.

Nagpasalamat naman si Malang at ang kanyang mga kasamahan sa panibagong-buhay at pagkakataong ibinigay sa kanila ng gobyerno.

Nakatanggap ang mga sumukong rebelde ng cash at livelihood assistance mula sa READI-BARMM.

Bibigyan din ng scholarship ang mga anak ng mga sumukong rebelde.

 

-0-

 

DEAD ON ARRIVAL sa ospital ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang motorcycle-riding tandem suspects sa Midsayap, North Cotabato.

Sa report ng Midsayap PNP, nakilala ang nasawing biktima na si ALISON GUIALANI, nasa hustong gulang, may asawa at taga -barangay Mudseng ng bayan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nagmamaneho ng kanyang motorsiklo ang biktima kahapon ng tanghali at tinatahak ang Cotabato - Makar Highway, na bahagi ng Barangay Central Glad nang dikitan ng mga suspek at pinagbabaril.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan si Guilani ngunit nagawa pa nitong makalayo sa mga suspek.

Pero hindi pa rin siya tinantanan ng mga ito … sinundan at muling pinagbabaril.

Nakabulagta sa harap ng isang bakery ang biktima nang datnan ng mga pulis saka isinugod sa ospital pero hindi na ito umabot ng buhay.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon matapos gawin ang krimen.

 

-0-

 

Halos walang malay nang isugod sa pagamutan ang isang batang babae matapos umanong mabangga ng motorsiklo sa kanilang lugar sa Barangay Dalican, Datu Odin Sinsuat,Maguindanao.

Nakilala ang tatlong taong gulang na batang biktima na si MAIRAH SAMAUDIN, residente ng nabanggit na lugar.

Base sa kwento ng kaanak ng bata, bandang alas onse ng umaga kahapon habang naglalaro ang bata nang bigla umanong tumakbo sa kalsada dahilan upang mabangga ito ng mabilis na paparating na motorsiklo na minamaneho ng di nakilalang lalaki.

Sa lakas ng pagkakabangga sa bata tumilapon ito na naging dahilan ng kanyang pagkaka sugat at bali sa kanang binti.

SAMANTALA, isang lalaki naman ang dinala ng kanyang pamilya sa pagamutan matapos magtamo ng sugat sa ulo makaraan umano itong pukpukin ng kanyang suspek na bayao gamit ang martilyo sa Kakar, Barangay Poblacion otso, Cotabato City.

Nakilala ang biktima na si MUHAMMAD UNGAY, 35 anyos, may asawa, residente ng nasabing lugar.

Base sa inisyal na ulat, pasado alas syete ng gabi kamakalawa ng gabi nang nagkaroon umano ng di pagkakaunawaan sa pagitan ng biktima at ng suspek na bayaw nito na nakilalang si ALISAN RAGUIAB, dahilan upang kumuha ito ng martilyo at hinampas sa ulo ang biktima.

Mabilis namang isinugod sa pagamutan si UNGAY upang malapatan ng lunas ang sugat na tinamo nito.

Makalipas ang ilang makaraang makarecover agad ding nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktima upang ireklamo ang ginawa umanong pananakit sa kanya ng bayaw.

 

-0-

 

BINALAAN ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade ang mga tiwaling opisyal at mga kawani ng Land Transportation Office o LTO at Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.

Iginiit ni Tugade, walang puwang sa kanilang ahensya ang mga tiwaling opisyal at kawani kaya’t kapag may sapat na ebidensya at siguradong masisibak at makakasuhan pa ang mga ito.

Ginawa ng kalihim ang naturang babala matapos na makatanggap ng mga reklamo hinggil sa mga fixer na karamihan ay may koneksyon sa mga opisyal o kawani ng LTO at LTFRB.

Iginiit ng kalihim na dapat walang empleyado sa LTO at LTFRB ang manghihingi ng pera o kapalit ng mas mabilis na transakyon sa kanilang tanggapan.

Kaugnay nito ay nanawagan naman si Tugade sa publiko na agad magsumbong sa mga kinauukulan kapag may ginawang pang-aabuso, pangongotong o kaya ay over-collection ang mga kawani o opisyal ng LTO o LTFRB sa kanilang lugar.

 

-0-

 

Patuloy ngayong inaalam ng PNP ng motibo ng mga resposable sa pagbaril at pagpatay sa isang magsasakasa Sitio Natayucan, Barangay Balite Magpet, North Cotabato.

Ayon sa ulat ng Magpet PNP, nakilala ang magsasaka na si Rogelio Pasinabao Debalid, 49 anyos, may asawa at nakatira sa Sitio Buay-Buay Barangay Basak ng bayan. Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, sinasabing pinagbabaril umano ng dalawang di pa nakikilalang suspek ang naturang biktima habang abala sa kanyang sakahan sa nasabing lugar alas 6:30 ng umaga noong sabado.

Kasama din ng biktima ang kanyang dalawang lalaking anak at bago umano umalis ang dalawang armadong suspek ay nagpakilala silang miyembro ng New People's Army o NPA.

Sa post mortem examination, lumalabas na walong mga tama ng bala ang kumitil sa buhay ni Debalid sa kanyang dibdib at tiyan mula sa caliber 45 pistol. Hindi pa rin batid hanggang ngayon ng Magpet PNP kung sino at ano ang motibo sa pagbaril sa biktima. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Nagsagawa ng briefing ang Bureau of Internal Revenue o BIR kaugnay sa kanilang programa na estate tax amnesty o Republic Act 11213 sa kanilang tanggapan kahapon.

Ayon kay Revenue Officer Kris Pacturan, saklaw ng estate tax amnesty ay ang estate ng mga namatay bago mag December 31, 2017 na magtatagal naman hanggang dalawang taon mula June 15, 2019 hanggang sa June 14, 2021.

Anya ang estate tax amnesty ay ang binabayaran ng mga taxpayers kung sakaling may mangyayaring paglilipat ng mga ari-arian o ipapamana ng namatay na may-ari sa kanyang mga anak o apo ay mayroong estate tax pero nang dahil sa nasabing programa ay walang ipapataw na penalidad ang ahensya.

Maliban pa dito ay 6precent na lamang ng kanilang babayarang taxable estate kumpara sa regular na kanilang pinagbabasehan na regulasyon ng National Internal Revenue.

Kung hindi din anya naka-estate ay may naayon na mga penalidad tulad lamang ng late payment at dahil sa programa ay magbabayad ng 5,000 pesos minimum anuman kalawak ang lupain. 

Samantala, maari ring ma-avail ang tax on delinquencies na may mga under audit at final assessment na ang kanilang babayaran sa BIR at hindi nila ito nabayaran ay mayroon ding corresponding amnesty na abot sa 20 percent bawat taon ang ipinapataw. Sa ngayon ay napadalhan na umano ang mga delinquent taxpayers ng sulat upang samantalahin ang pagkakataon na ibinigay ng ahensya para sa lahat ng mga taxpayers sa buong North Cotabato. 

 

-0-

 

Tatlong mga wanted person na may ibat-ibang kaso, arestado sa magkahiwalay ng operasyon sa Mlang at Makilala, North Cotabato

Naaresto ng PNP ang matagal nang pinaghahanap dahil wanted sa batas na siya ring number 5 wanted person sa Mlang, North Cotabato. Nakilala ang suspek na si Ramil Manial Budsal, 23 anyos na residente ng Purok 10 Barangay Poblacion ng bayan.

Ang operasyon y pinangunahan ng Mlang PNP Chief Police Lt. Col Geovanni Ladeo na dala ang warrant of arrest na may kasong paglabag sa republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 Hindi na pumapag pa ang suspek nang arestuhin siya ng PNP alas 8:30 ng gabi nitong miyerkules. Samantala, sa bayan ng Makilala North Cotabato inaresto din ang dalawa pang mga wanted person.

Unang nahuli ang isang magsasaka na may kasong paglabag sa RA 10591 na kinilalang si Atilano Verano Leopoldo, 43 years old at nakatira sa Purok 4, St. Cruz Barangay Poblacion alas 2:00 ng hapon kahapon. 120, 000 naman ang nakatakdang piyansa para sa kanyang temporaryong kalayaan.

Huli din ang isang drayber na wanted person sa Purok Maligaya Barangay Bulakanon, Makilala, North, Cotabato alas 2:30 ng hapon. Kinilala ni Police Major Arniel Melocotones ang suspek na si Rolando Alayo Buat, 43 years old, may asawa, driver na residente ng nabanggit na lugar.

Ayon sa ulat ng Makilala PNP,nahuli si Buat nang isilibi ng mga otoridad ang kanyang warrant of arrest dahil sa kasong homicide na inisyu ni Honorable Rogelio R. Narisma, Presiding Judge of Regional Trial Court, 12th Judicial Region Branch 23, Kidapawan City at may piyansang 40 thousand pesos.

Nakapiit na ngayon sa custodial facility ng PNP ang tatlong mga wanted person at kakaharapin ang isinampang kaso laban sa kanila.

 

-0-

 

PNP-SAF sa North Cotabato, nagbahagi ng mga pamamaraan upang makaiwas sa insidente ng pammomba sa probinsya

Dahil sa mga natalang bombing incidents sa iilang parte ng Mindanao, muling binigyang-diin ng PNP-Special Action Force o SAF ang pagbibigay kalaaman sa mga mamamayan kung paano makaiiwas sa nasabing insidente.

Ayon kay Police Lt. Ronn Lee Talite, chief for operations ng 45th Special Action Company, PNP-SAF na nakabase sa Amas, Kidapawan, City, mahalaga ang kalaaman ng bawat isa upang mapigilan ang mga tangkang pagpapasabog at nang sa gayon ay hindi na ito humantong sa malagim na pangyayari.

Binigyang diin ng opisyal ang mga sumusunod na dapat gawin upang hindi maging biktima nito:

1. Maging kalmado o at huwag agad magpanic dahil mas lalong hindi mo na alam ang gagawin kung ikaw ay nagpapanic.

2. Huwag hawakan o lapitan ang kahina-hinalang bagay sapagkat maaari itong sumabog sakaling ma-trigger,.

3. Tawagin ang atensiyon ng mga otoridad o pinakamalapit na istasyon ng pulis at i-report ito.

4. Sundin ang payo ng mga responsing authorities.

5. Lisanin kaagad ang lugar upang hindi na madamay kung sakali man dahil posibleng may mga nakatanim ding mga bomba na kalapit nito.

Samantala, maaari ring i-report sa tanggapan ng PNP-SAF Explosive Ordnance Disposal Team kung may napapansing mga kahina-hinalang bagay na napapansin. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Communist terrorist group idineklara ng lokal na pamahalaan na persona-non-grata sa T’boli, South Cotabato

Tugon ng lokal na pamahalaan sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na paglaban sa insurgency ang pagdeklarang persona-non-grata sa mga kasapi ng Communist Party of the Philippines-New Peoples Army-National Democractic Front o CPP-NPA-NDF sa bayan ng T’boli, South Cotabato.

Ipinahayag ito ni T’boli Mayor Dibu Tuan kasabay sa pagsasapubliko ng lokal na pamahalaan sa ordinansa na mariing nagbabawal sa communist terrorist group sa nasabing bayan.

Dinaluhan ito ng mga myembro ng PNP, militar,kawani ng lokal na pamahalaan at mga opisyal ng barangay. Nakasaad sa resolution ang mga karahasan ng communist terrorist group o CTG sa bayan ng T’boli at karatig lugar.

Kabilang sa mga ito ang pagsunog ng mga heavy equipment ng mga kontraktor, extortion, recruitment ng mga menor de edad at maraming iba pa. Ayon kay Tuan agad na tumugon ang LGU sa utos ng pangulo dahil prone sa recruitment ang mga indigenous peoples na bumubuo sa 90 porsyento na populasyon ng T’boli.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Philippine Army 27th IB Alpha Company Commander Ist Lt. Gen. Adrian Gautane na ang pagdeklarang persona-non-grata sa T’boli ng rebeldeng grupo ay makaapekto ng malaki sa kanilang operasyon at recruitment.

Ayon kay Gautane, ngayon pa lang ay nabawasan ang recruitment ng rebeldeng grupo sa mga boundary ng T’boli, sa karatig bayan ng Polomolok, Sarangani at General Santos City. Ito ayon kay Gautane ito ay bunsod ng pinaigting na military operation at pagpapatupad ng mga proyektong pangkabuhayan ng lokal na pamahalaan sa nasabing lugar.

 

-0-

 

Anim na menor de edad na pinaghihinalaang biktima ng human trafficking nailigtas ng mga pulis sa airport ng General Santos City

Nasa pangangalaga na ng Crisis Intervention Unit ng City Social Welfare and Development Office ang anim na menor de edad na pinaghihinalaang biktima ng human trafficking sa General Santos City. Ang mga ito ay na-rescue ng aviation security personnel sa General Santos City Airport noong Lunes.

Ito ay ayon kay Philippine National Police-Aviation Security Unit 12 Commander Lt. Col. Florencio Soriano Jr., Ayon kay Soriano naharang nila ang mga menor de edad na may kwestyunableng mga dokomento habang papasakay ng eroplano.

Pinakamatanda sa mga ito ay 16 years old at pinakabata naman ay tatlong taong gulang. Ayon kay Soriano, lumabas sa kanilang imbestigasyon na ang mga na-rescue na menor de edad ay pawang kabilang sa tribung Manobo. Ang mga ito ay nagaaral sa Salugpungan Ta'Tanu Igkanugon Community Learning Center sa Talaingod, Davao del Norte..

Lumabas naman sa pagsusuri ng mga kawani ng city social welfare and development office ng Gensan na mabuti ang kalagayanng mga na-rescue na menor de edad.

Ayon kay Soriano, pinagaaralan ng pulisiya ang pagsasampa ng kasong human trafficking laban sa isang pastor na kasama umano ng nailigtas nilang mga menor edad.

 

-0-

 

Sangguniang Panlalawigan kinatigan ang isinusulong ng gobernador na pagpapatayo ng Malasakit Center sa South Cotabato

Tiyak na ang pagkakaron ng Malasakit Center sa lalawigan ng South Cotabato.

Kasunod ito ng pag-apruba ng mga myembro ng Sangguniang Panlalawigan sa ordinansa na nagbibigay ng otoridad kay Governor Reynaldo Tamayo Jr na lumagda ng kasunduan sa Office of the President.

Ayon kay Board Member Ellen Grace Subere Albios ang pamahalaan ay maglalaan ng P5 milyon kada buwan para sa operasyon ng nasabing pasilidad. Ito ay ilalagay naman sa Provincial Hospital ng South Cotabato.

Nilinaw naman ni Albios na tanging makikinabang lamang sa Malasakit Center ay tanging mga pasyente ng provincial hospital. Nakasaad naman sa kasunduan na obligasyon ng pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato na tiyakin na tanging mga mahihirap lang ang makinabang sa Malasakit center.

Ang “Malasakit Center” ay magsisilbing one-stop-shop o lugar para sa mga ahensya ng gobyerno na kailangan ng mga mahihirap na pasyente.

Makikita dito ang mga kawani ng Department of Health, Philippine Charity Sweepstakes, Philhealth at Department of Social Welfare and Development. Kapag nabuksan na ang Malasakit Center sa South Cotabato Provincial Hospital ito ay pangatlo na sa Soccksargen region. Unang nagkaroon ng Malasakit Center sa region 12 ang Sultan Kudarat Provincial Hospital sa bayan ng Isulan at Dr. Jorge P. Royeca Hospital sa General Santos City.

 

-0-

 

Mental health forum para maresolba ang problema ng suicide incidents nilahukan ng mga personnel ng Deped sa South Cotabato

Dumalo sa mental health forum na pinangunahan ng provincial health office ng South Cotabato ang mga School heads, nurse,at Guidance Counselor ng Department of Education o Deped. Layun nito na maresolba ang tumataas na kaso ng suicide incidents sa lalawigan.

Itinuro ng psychiatrist na si Dr.Marius Orlando Duco sa mga participant ang sanhi ng depression at stress na madalas kinakaharap ng mga kabataan ngayon. Ang mga ito ay ang cyber o child bullying, problema sa pamilya, at kapaligiran.

Inirekomenda din ni Duco sa mga participant ang mga dapat gawin sa mga magaaral na nagpa-panic at may anxiety attacks. Katuwang ng provincial health office sa pagtaguyod ng nasabing forum ang Provincial Anti-Drug Abuse Council at Provincial Information Office.

Matatandaan na noong nakaraang buwan isinailalim din sa mental health forum ng mga ito ang mga kasapi ng media sa lalawigan ng South Cotabato.

 

-0-

 

Nagdala ng pampasabog na natuklasan kasunod ng shooting incident na ikinasawi ng isa katao, inaalam pa ng mga otoridad sa Isulan, Sultan Kudarat

Iniimbestigahan pa ng mga pulis at militar ang pakakatuklas nila ng isang improvised explosive deviced o IED kasunod ng insidente ng pamamaril na ikinasawi ng isa katao sa Isulan, Sultan Kudarat noong Martes ng gabi.

Binaril ang mga biktima na hindi muna kinilala ng PNP habang nakaupo sa nakaparadang motorsiklo sa tabing daan sa barangay Kenram sa nasabing bayan.

Ito ay ayon kay Isulan Chief of Police, Lt. Col. Modesto Carrera. Ipinahayag ni Carrera na isa sa mga biktima ay dead on the spot habang ang isa ay dinala sa pinakamalapit na ospital.

Ang IED na natagpuan ng mga pulis sa crime scene ay agad naming na-deactivate ng mga kasapi ng Explosive Ordnance Division o EOD Team ng militar.

Nilinaw ni Carrera na inaalam pa ng mga otoridad kung ang narekober na IED ay dala ng mga biktima o riding tandem na mga salarin. Sinabi ni Carrera na sa ngayon ay di pa matiyak ng PNP kung ito ay may kaugnayan sa pagsabog sa Isulan na ikinasugat ng walo katao noong Sabado.

 

NoCot village exec shot dead

KABACAN, North Cotabato  – Two men riding tandem on a motorbike shot dead a village official here on Sunday while he was on his way to his farm,...

Traffic rerouting plan eyed when Quirino Bridge undergo rehab

COTABATO CITY  – The Cotabato City traffic management unit is preparing a rerouting plan to be implemented once the Department of Public...

Armed MNLF men stopped, disarmed by Army in Maguindanao

COTABATO CITY -- Some 37 assorted long and short firearms were confiscated by government military troops Saturday in a gathering of Moro...

144 homes damaged by "Marilyn" in Tawi-Tawi

BONGAO, Tawi-Tawi – Close to 150 homes were damaged by Tropical Depression Marilyn that hit the islands here on Friday and Saturday, local...

Pope Francis to visit Thailand and Japan in November

VATICAN — The Vatican confirmed Friday that Pope Francis will travel to Thailand and Japan in November with stops scheduled in Tokyo,...