Saturday Aug, 24 2019 09:19:50 PM

NDBC BIDA BALITA (8.2.19)

NDBC BALITA • 18:00 PM Fri Aug 2, 2019
172
By: 
NDBC NCA

NDBC NEWSCAST

HEADLINES:

1. HIGIT walong daang pamilya sa Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao na apektado ng bakbakan sa pagitan ng militar at BIFF, tumanggap ng tulong mula sa Rapid Emergency Action On Disaster Incidence o READi –BARMM.

2. ILANG police officials na itinalaga sa North Cotabato, binalasa.

3. GURO na suma-sideline umano ng pagbebenta ng iligal na droga, arestado sa General Santos City

4. Karpentero patay sa pamamaril sa Midsayap, North Cotabato.

 

-0-

 

Local………………..

UMAABOT sa walong daang at limang mga pamilya na apektado ng bakbakan ng militar at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF sa Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao ang tumanggap ng tulong kahapon mula sa

bagong tatag na Rapid Emergency Action On Disaster Incidence ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o READi-BARMM.

Pinangunahan mismo ni READi-BARMM head at Ministry of Interior and Local Government Minister Atty. Naguib Sinarimbo ang relief operation na ginanap sa Barangay Bakat, Shariff Saydona Mustapha.

Sinabi ni Jo Henry ng READi-BARMM na nasa 569 families ang tumanggap ng tulong mula sa barangay Ganta habang 236 families naman ang mula sa barangay Bakat.

Ayon kay Henry, ang kanilang ipinamahaging relief goods ay kinabibilangan ng sampung kilong bigas, apat na latang sardinas, apat na latang corned beef at sampung sachets ng 3-in-1 coffee.

Giit ni Henry, direktiba ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim, siya ring chairman ng Bangsamoro Disaster Risk Reduction and Management Council, ang agad na pagbibigay ng tulong sa mga bakwit at maging sa mga home-based family na apektado ng kaguluhan sa naturang lugar.

Nabatid na kasama ni Sinarimbo sa relief operation ang ilang mga opisyal ng militar at lokal na pamahalaan sa naturang bayan.

 

-0-

 

PATAY AGAD ang isang kapentero habang sugatan naman ang tatlo pang mga kasamahan nito nang pagbabarilin sila ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Midsayap, North Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Ronald Mallari, 44-anyos habang ang mga sugatan naman ay nakilalang sina Marius Dondon Hernane, 45; Mike Casildo Gumayao, 64; at Michael John dela Cruz Gumayao, 36, na pawang mga taga Barangay Salunayan sa naturang bayan.

Sinabi ni Midsayap PNP Chief, Police Lt. Col. Benito Rotia na nag-iinuman umano ang mga biktima sa bahay ni Mallari nang bigla na lamang sumulpot ang dalawang mga suspek agad silang pinagbabaril gamit ang cal. 45 at 9mm pistols.

Mabilis ding tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo matapos gawin ang krimen.

Nagtamo ng maraming tama ng mga bala sa katawan si Mallari na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Habang kaagad namang isinugod sa ospital ang tatlo pang mga biktima.

 

-0-

 

MALUBHA ngayon ang kondisyon ng isang motorista sa ospital makaraang makabanggaan nito ang isang wing van sa national highway na bahagi ng Barangay Ranao, Upi, Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si RANDY EMOY, bente anyos na residente rin ng nabanggit na lugar.

Pasado alas dose ng tanghali kahapon habang pauwi n asana si Emoy nang makasalubong nito ang wing van.

Parehong mabilis ang takbo ng dalawang mga sasakyan kaya hindi na nagawang iwasan ng mga ito ang isa’t isa.

Sa lakas ng salpukan ay nawasak ang motorsiklo ni Emoy at naputulan pa ng paa ang biktima dahil sa insidente.

 

-0-

 

TADTAD ng mga tama ng bala ang gate ng isang establisyemento sa Don Cesar Street, Barangay Poblacion 4, Cotabato City matapos itong pagbabarilin ng mga di pa nakikilalang suspek

Sa report ng City PNP, pasado alas dyes ng umaga kamakalawa nang makarinig ng sunod-sunod na mga putok ng baril ang mga residente sa lugar na kaagad namang iniulat ng mga ito sa pulisya.

Sa pagresponde ng mga otoridad, nadatnan na lamang ng mga ito ang gate ng establisemento na nagkabutas-butas dahil sa tama ng mga bala mula sa cal. 45 pistol

Gayunman, wala namang naiulat na nasaktan sa nasabing insidente.

Pinaniniwalaang posibleng may personal na galit ang suspek sa may-ari ng naturang establisemento dahilan para paulanan niya ng bala ang gate nito.

 

-0-

 

95K na halaga ng shabu, nakumpiska sa isang drug suspek sa isinagawang operasyon ng PNP sa Pikit, North Cotabato

Arestado ang lalaking drug suspek sa isinagawang buy-bust operation ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12 alas 10:00 ng umaga kahapon sa Sitio Manding Barangay Gli-gli, Pikit Cotabato.

Kinilala ang naaresto na si Fahad Edwin Manukil Ala, 23 anyos at residente ng nabanggit na lugar. Nakumpiska sa suspek ang isang malaking pakete ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng abot sa 95,000 pesos at ang 1,000 peso bill na siyang ginamit na buy bust money.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na ngayon ay nakakulong na sa custodial facility ng Pikit PNP habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanya.

Samantala, huli din ang isang drug suspek sa isinagawang buy bust operation sa Purok Ilang-ilang, Brgy. Poblacion, Matalam, Cotabato bandang alas 8:15 ng umaga kahapon. Kinilala ang suspek na si Rhyss Joeffrey Palo, 32-anyos, may asawa, tricycle driver at residente ng Purok Malinawon , Barangay Saguing, Makilala, Cotabato.

Ang operasyon isinagawa matapos na mahuli sa ang suspek matapos nitong mabentahan ang isang nagpanggap na police asset. Nakumpiska mula sa kanya ang isang maliit na pakete ng shabu na nagkakahalaga ng 500-hundred pesos, isang 500-peso-bill na siyang ginamit bilang marked money at mga drug paraphernalia. Siya ay nakapiit na sa Matalam PNP at sasampahan ng kaukulang kaso sa korte. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Municipal Treasurer’s Office, pinasok ng mga magnanakaw; cash tinangay ng mga suspek sa Matalam, North Cotabato

Pinasok ng di pa kilalang mga magnanakaw ang Treasurer’s Office sa bayan ng Matalam, North Cotabato alas 11:00 kamakalawa kagabi.

Personal na dumulog sa tanggapan ng Matalam PNP si Ernesto Turba Mondajir, 39 anyos at isang Municipal employee ng nasabing bayan upang ereport na pinasok ang kanilang opisina.

Sinasabing dumaan ang mga kawatan sa butas na paglalagyan sana ng air conditioner dahil napag-alamang inaayos pa ang nasabing building.

Pwersahang giniba ng mga suspek ang padlock ng dalawang drawer na naglalaman ng abot sa 31,200 pesos. Habang patuloy pang inaalam ngayon ng PNP kung sino ang pumasok at responsible sa pagtangay ng pera.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Suspected carnapper na drug suspek, huli ng pulisya sa Kabacan, North Cotabato

Inaresto ang isang 19 anyos na lalaki na suspek sa pagtangay ng motorsiklo na nakaparada sa Grillaholic Resto bar na nasa Jacinto Street, Poblacion Kabacan, Cotabato.

Ayon sa biktimang si Alvin Raceles, 31 years old na taga Barangay Katidtuan tinangay ng suspek na kinilalang si Mamex Tuba Mangilen na residente ng Barangay Buluan Maguindanao ang kanyang Honda XRM 125 kulay pula na motorsiklo alas 11:30 ng gabi kamakalawa.

Agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang Kabacan Police at nasauli naman sa may-ari ang kanyang motorsiklo at nang kapkapan ito ay nakuha ang dalawang sachet ng pinaghihinalaang shabu.

Agad na isinumite ang nakuhang mga ebidensya sa Provincial Crime Laboratory Office para sa dagdag na mga eksaminayon. Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 6539 o Anti- Carnapping Law at kasong paglabag sa RA 9165. Siya ang nakapiit na sa custodial facility ng Kabacan PNP habang inihahanda na ang kasong isasampa sa laban sa kanya.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Ilang mga hepe sa probinsya ng North Cotabato, binalasa Idinaan sa balasahan ang ilang hepe sa probinsya ng North Cotabato kung saan pinakahuli rito ay ang hepe ng Kidapawan City PNP.

Kahapon ay ibanalik na si Police Lt. Col Ramel Hojilla bilang chief of police ng Kidapawan City PNP na siyang dating Deputy Provincial Director for Admin o DPDA ng Cotabato Police Provincial Office o CPPO.

Humalili naman kay Hojilla si Police Lt. Col. Joyce Birrey na siyang dating station commander ng City PNP at siya ring uupo bilang bagong DPDA. Matatandaang nagpalitan ang dalawa noong Mayo a-dyes nitong taon dahil sa isyu ng politika dahilan ng pagka-relieve ni Hojilla.

Ayon naman kay Hojilla na sa kanyang pagbabalik ay tutukan nito ang eight focus crime kung saan nangunguna umano rito ay ang kaso ng pagnanakaw sa lungsod. Kabilang din sa kanyang tutukan ay ang mga modus na ginagawa ng mga sangkot sa pagnanakaw ng motorsiklo. 

Samantala, kabilang naman sa nagkaroon ng bagong hepe ay ang Antipas PNP, Makilala, Carmen at Alamada Municipal Police Station. Ang balasahan ay parte lamang ng reshuffling sa hanay PNP at siyang kautusan mula sa kanilang higher headquarters.(Drema Bravo) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Karpintero patay habang tatlong iba pa sugatan sa pamamaril sa Midsayap, North Cotabato

Patay ang isang karpintero habang sugatan naman ang tatlong iba matapos na pagbabarilin ng dalawang di pa kilalang suspek sa Purok Nagrita 2, Barangay Salunayan, Midsayap North Cotabato.

Kinilala ang nasawi na si Ronald S. Mallari, 44 years old, may asawa habang sugatan naman sina Marius Dondon Hernane , 45 years old, isang construction worker, Mike Casildo Gumayao, 64 years old at Michael John Dela cruz Gumayao, 36 years old, isang driver na lahat nakatira sa Barangay Salunayan, Midsayap, North Cotabato.

Ayon sa ulat ng Midsayap Police, pinagbabaril ang mga biktima habang nag- iinoman sa bahay ni Mallari alas 7:50 kagabi nang biglang dumating ang dalawang mga di pa kilalang suspek.

Nagtamo ng ibat-ibang sugat sa katawan ang mga biktima dahilan ng agarang pagkamatay ni Mallari at pagkasugat ng iba pa. Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, sinasabing ang di natapos na naunang construction project ang isa sa mga tinututukang motibo ng pulisya.

Narekober sa crime scene ang limang fired cartridge cases ng caliber 45 pistol, isang cartridge ball ng caliber 9MM at isang fired bullet ng caliber 45. Sa ngayon ay patuloy pa ang malalimang imbestigasyon sa nasabing pamamaril.(Cherry Exim)

 

-0-

 

 

Tsuper Iskolar Program ng TESDA at Department of Transportation mapapakinabangan ng may 1,000 transport workers sa region 12 na maapektuhan ng modernisasyon ng pamahalaan sa public utilivity vehicles

Ilulunsad nina Department of Transortation DOTr Secretary Arthur Tugade at Technical Education and Skills Development Authority o TESDA Director General Isidro Lapena ang kanilang “Tsuper Iskolar” Program sa Koronadal City sa Agosto 9.

Ayon kay TESDA 12 Acting Operations Head Artemio del Rosario, ang nasabing programa ay pinaglaanan ng DOTr ng mahigit P22 million. Mapapakinabangan ito ng mahigit isang libong transport workers sa apat na mga lalawigan ng SOCCKSARGEN.

Ang mga ito ayon kay Del Rosario ay apektado ng modernization program ng pamahalaan sa mga public utility vehicles o PUV. Pasok din sa nasabing programa ang mga myembro ng pamilya, o dependent hanggang sa third degree affinity ng mga apektadong transport workers.

Ayon kay Del Rosario layunin ng programa na maihanda ang mga transport workers at maging ang kanilang pamilya sa mga pagbabago sa kanilang sektor. Ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng dagdag o alternatibong kabuhayan.

Ang mga benepisyaryo ng programa ay sasailalim sa 35 araw na skills training, assessment at, entrepreneurship training. Makatatanggap din ang mga ito ng P350 na arawang allowance.

Ayon kay Del Rosario mayroong mahigit 300 skills training course na mapagpipilian ang mga “Tsuper Iskolar” beneficiary. Kabilang sa mga ito ang automotive, fishery, agriculture, forestry at maraming iba pa. Gagawin naman ang training sa mga eskwelahan na accredited ng TESDA.

 

-0-

 

Pagbabago ng publiko sa pagtugon sa mga health program ng pamahalaan tututukan ng provincial health office kasunod ng dengue outbreak sa South Cotabato.

Plano ng provicial health office na magsagawa ng health seeking behavior sa mga mamamayan ng South Cotabato.

Ayon kay Assistant Provincial Health Officer Dr. Alah Baby Vingno, layun nito na baguhin ang paguugali ng publiko sa pagresponde sa mga programang pangkalusugan ng gobyerno.

Ipinahayag ito ni Vingno matapos kumpirmahin na isa sa mga sanhi ng pagdami ng dengue cases sa South Cotabato ang kapabayaan mismo ng mga mamamayan.

Ayon kay Vingno, aaksyon lamang ang publiko kapag dumami o may binawian ng buhay dahil sa dengue fever. Ito ayon kay Vingno sa kabila ng paulit-ulit na paalala ng provincial health office na ipatupad ang “Operation Taklub” sa mga lugar na pinamumuhayan ng mga lamok na na nagdadala ng dengue.

Dinagdag ni Vingno na may binubuo din silang draft ng dengue ordinance para hikayatin ang mga mamamayan na magsagawa ng kaukulang mga hakbang bago pa man magkaroon ng dengue outbreak. Matatandaan na bahagi ng mahigit P15 million pesos na Quick Response Fund ng lalawigan kontra dengue na aprubado ng konseho ay gagamitin sa malawakang information education campaign ng provincial health office.

 

0-0-

Guro na suma-sideline umanong drug pusher, inresto ng mga pulis sa General Santos City

Kakasuhan ng mga pulis ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang isang public school teacher na kanilang naaresto sa anti illegal drug operation sa General Santos City. Kinilala ni Gensan Police Station 6 Chief Major Tirso Pascual ang arestadong guro na si Exequel Laurente, 35 years old, nakatira sa Barangay Lagao, Gensan.

Si Laurente na guro sa Fatima National High School ay nakorner ng mga pulis sa Queen Tuna Park sa Barangay Dadiangas South. Ito ay matapos magbenta umano ng iligal na droga sa nagbalatkayong pulis. Narekober din ng mga pulis sa kanya ang sampu pang pakete ng pinaghihinalaang shabu at P1,000 marked money. Ayon kay Pascual ang gurong si Laurente ay kabilang sa kanilang drug watchlist.

Sa katunayan ayon kay Pascual ang illegal drug activity nito ay kanilang minomonitor noon pang siya ay hepe ng City Police Drug Enforcement Unit ng Gensan PNP Bago naaresto ang gurong si Laurente dalawa pang mga drug suspek ang inaresto din sa drug-buy bust operation ng mga kasapi ng Gensan PNP.

Ang mga ito ay sina Sarifa Dumama, 35 anyos na nahuli rin sa Queen Tuna Park at Cris Cadiente na naaresto sa Barangay Lagao na parehong nakuhanan ng umanoy iligal na droga at tig P500 marked money.

 

-0-

 

Election Supervisor nagpaliwanag kung bakit hindi pa tiyak ang pagsasagawa ng satellite voter’s registration sa mga liblib na lugar sa South Cotabto

Pinagaaralan pa ng Comelec ang pagsasagawa ng satellite registration ng mga botante sa mga malalayong lugar sa South Cotabato. Ito ay ayon kay Provincial Election Supervisor Atty. Jay Gerada.

Ayon kay Gerada maikli lamang kasi ang panahon ng ahensya sa voters registration na magtatapos sa susunod na buwan. Ipinahayag ito ni Gerada kaugnay sa pagsisimula ng voter’s registration kahapon ng Comelec.

Ito ay bilang paghahanda sa Barangay at SK election, matuloy man ang mga ito o hindi sa susunod na taon. Kaugnay nito nananawagan naman si Gerada sa mga mamamayan ng South Cotabato na pumunta ng mas maaga at mapa-register sa pinakamalapit na Comelec Office.

Layunin nito na makaiwas sa siksikan na kadalasan ay nagaganap sa tuwing papalapit na ang deadline ng registration of voters.

 

-0-

 

DA 12 Headline : Programa sa pautang ng DA napakinabangan ng mahigit pitong libong mga magsasaka sa region 12 Nakinabang sa mahigit P250 million pesos na pondo ng Production Loan Easy Access o PLEA ng DA ang mahigit pitong libong mga magsasaka sa region 12.

Kinumpirma ito ni DA 12 Regional Executive Director Milagros Casis. Ayon kay Casis pinakamalaking mahigit P48 million pesos sa nasabing pondo ay naibigay sa may limang libong mga magsasaka sa North ‘Cotabato.

Ang loan ayon kay Casis ay ginamit ng karamihan ng mga magsasaka sa produksyon ng palay, mais, high value crops, swine, cattle at poultry. Kaugnay nito ipinahayag ni Mu-an Famers Multipurpose Cooperative General Manager Ecclessiastes Roque na ang PLEA ay nakatulong sa mga banana farmers sa North Cotabato. Iba sa mga myembro ng kanilang kooperatiba ayon kay Roque ay ginamit ang loan sa Hog raising.

Ang PLEA ay programa sa pautang ng Agricultural Credit Policy Council ng DA para makapagbigay ng tulong pinansyal sa mga maliliit na magsasaka at mangingisda. Umapela naman si Casis sa mga magsasaka na nais makinabang sa nasabing programa na dumulog sa kanilang mga Municipal Agricultural Offices o sa DA 12 Office sa Koronadal City.

 

-0-

 

 

Cotabato City bags 8 awards from DOH

COTABATO CITY - Cotabato City got not just one, not just two, and not even just three, but eight awards during the 2019 Regional Awarding...

DFA-Basilan gov't passport services gains headway

BASILAN  - More than a thousand residents have benefited from the joint passport processing program of the office of Gov. Jim Salliman and...

Gun licensing amnesty program for BARMM recommended

COTABATO CITY --- Peace advocates wants a firearm licensing amnesty for civilians in the Bangsamoro region to complement the...

NDBC BIDA BALITA (8.24.19)

HEADLINES:

1. OPERASYON ng Small Town Lottery o STL sa Cotabato City at South Cotabato, posibleng sa Setyembre pa umano...

PNP acquires 10 new choppers

DAVAO CITY--The Philippine National Police (PNP) has acquired 10 new helicopters to further enhance its crime-fighting capability, an...