Wednesday Oct, 16 2019 05:08:51 AM

NDBC BIDA BALITA (7.8.19)

NDBC BALITA • 07:30 AM Mon Jul 8, 2019
347
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST

JULY 08, 2019 (MON)
7:00 AM

HEADLINES:

1. ABOT sa 3.4 million pesos na halaga ng Shabu, nasamsam ng mga otoridad mula sa tatlong drug suspects sa Cotabato city.

2. Batang babae, patay matapos na malunod sa ilog sa President, Roxas North Cotabato

3. LALAKING brutal na pinatay sa Colombio, Sultan Kudarat, nakilala na.

4. Walong preso, tumakas sa Basilan jail; 3 armalite tinangay.

 

-0-

 

UMAABOT sa 3.4 million pesos na halaga ng shabu ang nasamsam ng mga otoridad sa tatlong drug suspects na nadakip nitong weekend sa ikinasang buy bust operation ng Cotabato city PNP at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA BARMM.

Sinabi ni PDEA-BARMM Regional Director Juvenal Azurin na target ng kanilang operasyon nitong Sabado ng tanghali ang mga high value target na sina Mogia Medzil alyas 'Dats' at Norma Mamalangkas.

Ayon kay Azurin, nagkasundo ang kanilang ahente at ang mga suspek na magkikita sa loob ng compound ng isang public hospital sa lungsod kaya na-corner ang mga suspek.

Agad namang iprinisenta ng City PNP, PDEA BARMM at ni city mayor Cynthia Guiani sa publiko ang mga nasamsam na illegal na droga na nakalagay sa sampung malalaking sachets at may timbang na limang daang gramo.

Kalaboso na ngayon ang mga naarestong suspek sa lockup cell ng PDEA-BARMM at nakatakda silang sampahan ng kaukulang kaso ngayong araw.

 

-0-

 

Walong mga preso ng Lamitan City, Basilan jail ang nakatakas kahapon ng umaga.

Sinabi ni Lamitan City PNP chief, Police Lt. Col. Christopher Panapan na pasado alas otso ng umaga nang pumuga ang nasabing mga preso.

Ayon kay Panapan, nakatakas ang mga preso habang natutulog ang jail guards.

Tinangay pa umano ng mga preso ang dalawang M-16 rifles ng mga guwardiya ng city jail.

Nabatid na sa walong mga presong nakatakas, isa lang dito ang may kasong murder habang ang pito ay may kasong may kinalaman sa iligal na droga.

Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng mga pulis at sundalo ang mga pugante.

 

-0-

 

SUGATAN sa pamamaril ang isang lalaki sa Brgy. Salimbao, Sultan Kudarat, Maguindanao.

Kinilala ng Sultan Kudarat PNP ang biktima na si HILL MANUKAL OLPOC, 28 years old, walang trabaho at residente rin ng nabanggit na barangay.

Nagtamo ng tama ng bala sa tiyan at paa ang biktima na kaagad ding isinugod sa ospital.

Tinukoy naman nito ang suspek na nakilala lang sa alyas na Arap at RapRap na taga doon din sa kanilang lugar.

Sa report ng mga otoridad, pasado alas singko ng hapon kamakalawa habang nakatayo lang ang biktima sa tabing daan nang lapitan ng suspek na si alyas Arap na nakamotorsiklo at agad na pinagbabaril gamit ang cal. 45 pistol.

Mabilis namang tumakas ang suspek matapos gawin ang krimen.

Samantala, inako naman ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF ang pamamaaril sa dalawang mga sundalo sa Cotabato city noong nakaraang linggo.

Sinabi ni BIFF spokesperson Abu Misri Mama, gumanti umano ang kanilang grupo matapos na paulanan ng mortar ng mga sundalo ang kanilang kinaroroonan sa bahagi ng SPMS box.

Agad umanong iniutos ng kanilang lider na si Kumander Bungos na gantihan ang mga sundalo dahil sa insidente.

Matatandaan na napatay sa naturang pamamaril si Cpl. Herminio Belano at sugatan naman si Cpl. Pacifico Obillo.

 

-0-

 

NADAKIP na ng mga otoridad ang panglima sa listahan ng mga wanted person ng Cotabato City Police Station 3 matapos na isilbi ng mga otoridad ang warrant of arrest sa suspek.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Laila Murad, 30 anyos, may warrant of arrest.

Nadakip umano ang suspek sa kanyang bahay sa Purok Dangkalangan, Brgy. Bagua 1 ng syudad psado alas otso ng umaga kamakalawa.

Sa ngayon ay nakakulong na ang suspek sa lockup cell ng police Station 3.

 

-0-

 

PAPAYAGAN umano na maging miyembro ng PNP ang mga dating kasapi ng Moro Islamic Liberation Front o MILF at Moro National Liberation Front o MNLF.

Ito ay kung makukumpleto nila lahat ng requirements na itinakda ng National Police Commission o Napolcom.

Napagkasunduan sa ginanap na pulong sa pagitan nina DILG Sec. Eduardo Año, Bangsamoro Transition Authority Interim Chief Minister Ahod Ebrahim at Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. na babalewalain ng gobyerno kung anuman ang edad at height requirement ng mga aplikante ng MILF at MNLF.

Nilinaw naman ni PNP Director for Plans Major General Jonas Calleja, na edad at height lang ang maaaring ma-waive ngunit hindi ang educational requirement.

Gayunman, kung pagbabasehan ang Republic Act 11054 o Bangsamoro Organic Law o BOL, ang age, height at educational requirements ng dating ex-fighters ay maaaring i-waive ng Napolcom.

 

-0-

 

State of Calamity dahil sa dengue posibleng ideklara sa dalawang lugar sa lalawigan, ayon sa provincial health officer ng South Cotabato

Balak ngayong ng mga local government units ng Surallah at Tantangan, South Cotabato na magdeklara ng state of calamity dahil sa tumataas na kaso ng dengue.

Ipinahayag ito ni South Cotabato Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr. Ayon kay Aturdido nakarating na sa mga Sangguniang Bayan ng nasabing mga lugar ang rekomendasyon ng deklarasyon ng state of calamity.

Sinabi ni Aturdido na hinihiling din nila ang pagdeklara ng state of calamity sa mga bayan ng Norala, Banga, Tampakan, at Sto. Nino na may mataas ding denge cases.

Layun nito na magamit ang bahagi ng kanilang calamity fund sa paglaban sa sakit na dengue fever. Dinagdag ni Aturidido na maari ring ideklara ang State of Calamity sa buong South Cotabato dahil sa dengue kapag nagdeklara na nito ang dalawa sa 11 mga LGU.

Naniniwala naman si Aturidio na ang pagdami ng dengue cases na madalas nagaganap kada tatlong taon ay isa sa mga epekto ng climate change. Ito ang ipinahayag ni Aturdido matapos kumpirmahan ang pagkasawi dahil sa dengue ng 16 na mamamayan sa lalawigan.

 

-0-

 

Steel products na sub-standard natuklasan ng DTI na ibinebenta sa ilang mga hardware store sa South Cotabato

Natuklasan ng mga kawani ng Department of Trade and Industy na nagbebenta umano ng sub-standard na bakal ang apat sa pitong hardware store na sorpresa nilang ininspeksyon sa South Cotabato.

Ang mga pasaway na hardware stores na ito ay matatagpuan sa mga bayan ng Norala at Surallah. Ang pagiikot ng mga staff ng DTI sa mga hardware store sa lalawigan ay kabahagi ng kanilang monitoring,surviellance, at enforcement ng trade at industry laws. Ayon kay kay DTI South Cotabato Consumers Welfare Division Chief Elbert Capicio kasunod ito ng paglipana umano ng substandard na steel products.

Kaugnay nito, ipinahayag ni Cappicio na binigyan nila ng 48 oras ang nahuling mga establisemento na ayusin ang kanilang bayolasyon. Dinagdag din nito na ang mga establismentong mahuhuling paulit ulit na lumabag sa trade and industry laws ay pagmultahin ng hanggang P35,000.

 

-0-

 

Committee Chairman ng National Hip Hop Dance Competition sa Tnalak Festival ng South Cotabato binalaan ang publiko laban sa solicitation ng isang grupo gamit ang nasabing event

Huwag magpaloko sa mga humihingi ng nagpapakalat ng solicitation na gamit ang National Hip-Hop Dance Competition sa nalalapit na 20th Tnalak Festival at 50th Founding Anniversary ng South Cotabato. Ito ang babala ni Hip-Hop Dance Competition Committee Chair Felix Sadiang-abay sa mga mamamayan ng lalawigan at karatig lugar.

Binigyan diin ni Sadiang-abay na hindi na kailangan ng mga participant na mag-solicit dahil nagbibigay ng seed money sa mga ito ang pamahalaang panlalawigan.

Maliban dito ayon kay Sadiang-abay sagot din ng provincial government ang accomodation ng mga participant mula sa malalayong lugar.

Ayon kay Sadiang-abay ang nagpapakalat umano ng solicitation para sa nasabing event ang South Crew Dancers.

Nilinaw ni Sadiang-abay na dahil sa may mga tinanguan nang commitment ang kilalang mga grupo sa South Cotabato walang entry ang lalawigan sa National Hip-Hop Dance Competition ngayong taon. Ayon kay Sadiang-abay Wala rin sa talaan ng mga opisyal na kalahok ang South Crew Dancers. Matatandaan na ang National Hip-Hop Dance Competition sa Tnalak Festival sa July 14 ay lalakuhan ng 15 na mga dance group sa bansa.

 

-0-

 

Rutang Kidapawan City-Gensan ng Koronadal-based na Yellow Bus Line Inc, umarangkada na May bago nang ruta ang pinakamatandang bus company sa South Cotabato na Yellow Bus Line o YBL Inc.

Ito ay ang Kidapawan City, North Cotabato - General Santos city route at vice versa na kalulunsad pa lamang ng nasabing kompanya. Ayon kay YBL Operations Manager Boy Bar bumibyahe naman sa bagong developmental route na ito ang labinlima nilang mga bus.

Ipinahayag ni Par na madadaanan din sa vice versa na byahe ng kanilang mga bus ang mga bayan ng Mlang at Tulunan sa North Cotabato, Tacurong City sa Sultan Kudarat at Koronadal City sa South Cotabato patungong Gensan. Ayon kay Par ang kanilang mga bus na may rutang Kidapawan-Gensan ay nagsimula nang bumiyahe sa P230 na pasahe.

Ayon naman kay Land Transportation Franchising Regulatory Board o LTFRB 12 Regional Director Paterno Reynato Padua dapat gagamit ng bagong mga bus ang YBL sa bao nilang ruta. Ito ay sinunod naman ng nasabing bus company.

 

-0-

 

DA Secretary Pinol may buwelta sa mga bumabatikos sa tempraryong ban sa importasyon ng karneng Baboy mula Germany dahil sa pangamba sa African Swine Fever

Mas mahalaga na mapiglian ang pagkalugmok ng P260 billion livestock industry kesa sa pinangangambahang pagtaas sa presyo ng hot dog at bacon sakali mang makapasok ang African Swine Fever o ASF sa bansa.

Ito ang bwelta ni DA Secretary Manny Pinol sa babala ng ilang mga meat processor na magresulta sa pagtaas ng presyo ng hotdog at bacon ang temporaryong ban ng karneng baboy galing Germany.

Ipinatupad ang ban matapos madiskubre ng DA na ang shipment ng karneng baboy na dapat sana ay galing Germany ay mayroong boxes na galing Poland na apektado ng ASF.

Nilinaw naman ni Pinol na kapag napatunayan na tanging German exporter na ProFood ang lumabag sa utos ng DA agad din namang babawiin ang ban sa importasyon ng karneng Baboy. Tiwala naman si Pinol na maiintidihan ng German traders ang hakbang na ito ng DA na maaring ring gawin kapag ito ay nangyari sa kanilang bansa.

Ayon kay Pinol hindi maaring balewalain ng DA ang mga paglabag sa Philippine Quarantine protocols dahil lamang sa pangambang pagtaas sa presyo ng hotdog at bacon. Hiniling naman ni Pinol sa mga negosyante na pansamantalang magpatupad ng adjustments sa pamammagitan ng pag-angkat ng mga karne ng mga local farmers o mag-import mula sa mga bansang ligtas sa ASF.

 

-0-

Batang babae, patay matapos na malunod sa ilog sa President, Roxas North Cotabato

Patay na nang matagpuan ang isang 8-anyos na batang babae matapos malunod sa ilog sa Purok 5 Barangay Tuael, President Roxas Cotabato. Kinilala ang nasawing biktima na si Heart Beloy Evangelista, 8 anyos at nakatira sa Sitio Tambarihan Barangay Basak, Magpet Cotabato.

Ayon sa ulat ng President Roxas PNP, pasado alas 9:00 ng gabi kamakalawa nang nawalan umano ng kontrol ang RUSI 125 na motorsiklo na sinasakyan ng biktima habang tumatawid sa nasabing ilog na minamaneho ng kanyang ama na si Jeric Bulawan Evangelista kasama ang kanyang asawa at dalawang iba pang bata.

Napag-alamang malakas ang agos ng tubig dahilan para tangayin ang lahat ng mga sakay kabilang sa inanod ang nasawing batang babae.

Natagpuan ng isang grupo ng mga batang mangingisda ang bangkay ng biktima sa Binay River Purok 14 Poblacion, President Roxas, North Cotabato. Sa ngayon ay nakahimlay na ang mga labi ng biktima sa kanilang bahay sa bayan ng Magpet, Cotabato.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Tatlong magkakamag-anak na wanted persons, huli sa operasyon ng PNP sa Carmen, North Cotabato Arestado ang tatlong mga wanted persons na may kasong murder sa Sitio Kalusisihan, Barangay Liliongan Carmen North Cotabato.

Isinagawa ang operasyon laban sa tatlong mga suspects alas 6:00 ng gabi nitong biyernes.

Kinilala ang mga naaresto na sina Tony Humlayan, 50 anyos, may asawa at residente ng Sitio Malusisihan Liliongan, Cilio Humlayan, 57 at Jimmy Humlayan alyas Odoc Humlayan na taga Sitio Kalusisihan ng nasabing bayan.

Dala ng mga otoridad ang warrant of arrest na may kasong murder na inisyu ni Judge Downey Valdevilla, Presiding Judge ng 10th Judicial region Misamis Oriental branch 39 Cagayan De Oro City. Ang tatlong suspects ay itinurn-over na at nakpiit sa Police station 8 sa Cagayan De Oro City at nakatakdang sasampahan ng kaukulang kaso sa korte.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Sugni superstore sa Kidapawan City, pansamantalang ipinasara

Pansamantalang ipinasara ang Sugni Superstore sa Kidapawan City dahil nakitaan ng paglabag sa Republic Act 9514 o fire safety code of the Philippines.

Nabatid na ang Bureau of Fire Protection o BFP Kidapawan City ang nanguna sa pagpapasara nitong araw ng biyernes.

May ibinigay umanong requirements na dapat icomply ang nasabing establisyemento pero hindi nila ito nakomply dahilan para pansamanlang ipinasara ng BFP- Kidapawan.

Una ng nasunog ang sangay ng Sugni superstore na nasa bayan ng Kabacan, North Cotabato na abot sa 7Million ang iniwang danyos. Nakitaan din ng paglabag sa fire safety code of the Philippines ang Sugni Superstore na nasa bayan ng Kabacan, North Cotabato dahilan para hindi din magbigay ng fire safety inspection certificate ang BFP- Kabacan.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Mag-ina, biktima ng budol-budol sa Kidapawan City

Dumulog sa himpilan ng Kidapawan City PNP ang dalawang mga biktima ng budol-budol na nangyari sa Evas Building Hotel, alas otso ng umaga kahapon.

Kinilala ang mga biktima na sina Marcelle Enabuas Pala, 45-anyos, may asawa at isang government employee na residente ng Ezperanza, Sultan Kudarat, at isang Imelda Valeriano Sequeña, 54-anyos, byuda, self-employed na taga Purok 6, Poblacion, Trento Agusan Del Sur.

Ayon sa mga biktima, pinangakuan umano sila ng dalawang mga suspek na dodoble ang perang ibibigay nila.

Abot naman sa P317,000 ang natangay ng mga suspek.

Ayon sa ulat ng dalawa, kinilala ang mga suspek na si alyas Lito na may cellphone number na09264398304, isang alyas Tony Madrigal na may cellphone number sa 09662454660, at isa ring Jasper Cruz. Naengganyo naman ang dalawa pero huli nang madiskubre nila na mga paper pad pala ang perang naibigay sa kanila. Naniniwala naman ang dalawa na sila ay nabiktima ng nasabing modus.

 

-0-

 

Abot sa 40 mga Tour Guide sa bayan ng Arakan ang sumailalim sa tatlong araw na Training workshop on tourist reception and Guiding.

Ang mga partisipante ay mga tour guide mula sa mga Community Based Managed Eco- Tourism destination sa mga barangay ng San Miguel, Sumalili, Datu Ladayon at Gambudes.

Naging resource speaker sa aktibidad si Maria Dolores N. Salamanca, isa sa mga kilalang trainor ng Department of Tourism Region 12 sa larangan ng tour guide profession. Layon ng aktibidad na mahasa pa ang kakayahan at mabigyan ng dagdag na kaalaman ang mga tour guide sa tamang pagtanggap ng bisita kabilang na ang pag-uugali, postora, galaw at maraming iba.

Nabatid na ang arakan ay isa sa mga bayan sa North Cotabato na dinaragsa ngayon ng turista at karamihan dito ay ang komunidad ang nagpapatakbo. Noong nakaraang taon nakapagtala ang Arakan Tourism Office ng 72 thousand tourist Arrival. Isa sa mga dinarayo sa bayan ay ang Matigol Falls sa Barangay Datu Ladayon.

Samantala sa Magpet North Cotabato, mga barangay officials naman ang sinanay ng LGU at Department of Interior and Local Government Unit o DILG region 12.

Ang pagsasanay ay naka sentro sa Local Legislation, Duties and Functions, record management at ang pagbuo ng mga dokumento ng bawat barangay. Malaking tulong rin ang training para sa Sangguniang bayan ng Magpet upang matiyak na tama ang mga ordinansa at resolusyong ipapasa ng barangay na naaayon sa pangangaylangan nito.

Sinabi ni Municipal Administrator Jupiter Rubino na sa pamamagitan ng training ay lalo pang mabigyan at mahasa ang kaalaman ng mga barangay officials bilang mga leader ng Barangay.(Mark Tayco) NDBC BIDA BALITA

 

Agri and fisheries top industries in the proposed BARMM investments list

COTABATO CITY  -  Agriculture and Fisheries are top industries which the Bagnsamoro region can offer to investors both foreign and local...

Pope names new Sorsogon bishop

SORSOGON - Pope Francis has appointed Fr. Jose Alan Dialogo of the Manila archdiocese as the new bishop of Sorsogon.

The...

Bishops push for greater mining accountability

KIDAPAWAN CITY - Mindanao bishops have joined the initiative for the government to hold mining firms accountable for the environmental and...

The Word of God is living and effective

Reading 1ROM 1:16-25

Brothers and sisters:
I am not ashamed of the Gospel.
It is the power of God for the...

MILF infighting sends civilians fleeing

DATU MONTAWAL, Maguindanao  – A long standing territorial dispute between members of Moro Islamic Liberation Front in Maguindanao erupted...