Wednesday Oct, 16 2019 06:14:15 AM

NDBC BIDA BALITA (7.3.19)

NDBC BALITA • 10:15 AM Wed Jul 3, 2019
405
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST

JULY 3, 2019 (WED)
7:00 AM

HEADLINES:

1. 59 NA MILYONG PISONG pondo na pansahod sa mga miyembro ng Bangsamoro Transition Authority o BTA ng BARMM, ibibigay na ng Department of Budget Management.

2. TOP 6 wanted person sa Carmen, North Cotabato, huli ng PNP sa Cebu City.

3. South Cotabato Provincial Treasurer, may payo sa mga  deliquent taxpayers para hindi masubasta ang kanilang mga ari-arian.

4. MGA MIEMBRO ng KaPa-Community Ministry International Inc., maaari nang arestuhin ng walang warrant, ayon sa DOJ.

 

 

-0-

 

Local………………..

ILALABAS NA ng Department of Budget Management o DBM ang 59 na milyong pisong pondo para sa pang-sweldo ng 82 mga miyembro ng Bangsamoro Transition Authority o BTA ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na natalakay kasi kagabi sa 39th cabinet meeting na ipinatawag ni Pangulong Duterte ang pagkabalam ng sahod ng sweldo ng BTA members dahil sa reenacted budget.

Saklaw ng naturang halaga ang sahod ng BTA mula Hulyo hanggang Disyembre ng taong ito.

Samantala, inabisuhan din ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez ang mga miyembro ng gabinete na umaarangkada na ang normalization program ng Moro Islamic Liberation Front o MILF pati ang pagtatalaga ng mga lider at heads of ministries ng BTA.

Ayon kay Galvez, binabalangkas na rin ang memorandum of agreement sa pagitan ng BARMM at Commission on Higher Education para mapaganda ang educational system sa rehiyon at ang Brigada Eskwela sa Department of Education.

 

-0-

 

Local………………….

PWEDE NA UMANONG arestuhin ng mga otoridad ang sinumang miyembro ng Kabus Padatuon o KaPa-Community Ministry International Inc. ng walang warrant of arrest.

Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na patuloy pa rin kasi ang KaPa sa pagtanggap ng mga donasyon na umano’y paglabag sa batas dahil sinampahan na ito ng kaso sa Securities Regulation Code o SRC.

Dagdag pa ni Guevarra, kailangan ng magpatupad ng kamay na bakal ang gobyerno dahil sa mga pahayag ng mga opisyal at miembro ng KaPa na hindi susuko ang mga ito sa kabila ng kinakaharap na mga kaso.

Ayon kay Guevarra, hindi na kailangan ang warrant of arrest laban sa sinumang opisyal at member ng KaPa kung patuloy ang mga ito sa pangangalap ng solicitation.

Kamakalawa ay naglabas ang Davao Regional Trial Court Branch 16 ng precautionary hold departure order laban sa walong mga opisyal at board members ni Pastor Joel Apolinario.

Kasama rin sa PHDO sina KaPa trustee Margie Danao at corporate secretary Reyna Apolinario Marisol Diaz, Adelfa Fernandico, Moises Mopia, Catherine Evangelista at Rene Catubigan.

Samantala, ibinasura naman ng Korte Suprema ang petisyon na inihain ng ‘isang’ donor ng KaPa na magbayad ang gobyerno ng tatlong bilyong piso para sa compensatory damages.

Kinumpirma ni SC Information Chief Brian Keith Hosaka na agad na-dismiss ang petisyon ng Rhema International Livelihood Foundation, Inc.

Bigo umano ang petitioner na maabot ang first base ng deliberasyon sa SC dahil sa kawalan ng merito.

Bukod sa hiling na pagbayarin ang gobyerno, nais din ng Rhema na mabaliktad ang desisyon ng Securities and Exchange Commission’s na tanggalin ang rehistro ng KAPA bilang isang non-stock corporation.

Hiniling din ng donor na mapatalsik si Pangulong Duterte sa pamamagitan ng impeachment dahil sa paglabag sa Konstitusyon sa Article III o ang Bills of Rights.

 

-0-

 

PATAY ang isang sundalo habang patuloy namang ginagamot sa ospital ang kasamahan nito matapos silang pagbabarilin ng motorcycle-riding tandem suspects sa Cotabato city.

Kinilala ni Police Station 2 commander Capt. Rustom Pastolero ang nasawi na si Corporal HERMINIO BELANO, 29 anyos, may asawa, at taga San Mateo, Isabela.

Sugatan naman ang kasamahan nitong si Corporal PACIFICO OBILLO, 32 yrs old, may asawa, at taga Balaoan, La Union.

Ang dalawa ay pawang mga miembro ng Army’s Special Forces 10th Company.

Sa inisyal na ulat ng mga otoridad, nanggaling ng kanilang kampo sa Bobong, Barangay Kalangan Mother, ng lungsod ang mga biktima at patungo sana ng downtown nang tambangan ng mga di pa nakikilalang suspek sa kanto ng Gonzalo Javier Street at Oblate Drive, Barangay Rosary Heights 6, pasado ala una ng hapon kahapon.

Agad na nasawi si BELANO dahil sa tama ng bala sa ulo mula sa cal. 45 pistol. Tinamaan naman sa bibig si Obillo.

-0-

 

 

ARESTADO sa magkahiwalay na anti-illegal drugs operation ng mga otoridad ang isang babae at isang lalaki sa Cotabato city.

Unang nadakip ang binatilyong suspek na taga-Barangay Bulalo, Sultan Kudarat, Maguindanao matapos siyang makuhanan ng dalawang sachets ng hinihinalang Shabu.

Ang di kinilalang suspek ay hinuli ng mga pulis mula sa Police Station 1 kasama ng mga opisyal ng barangay Poblacion 7 sa lungsod.

Sunod namang inaresto ang isang babaeng suspek sa isinagawang buy bust operation ng Police Station 1 katuwang ang PDEA BARMM pasado alas kwatro ng hapon sa Purok Pagkakaisa, Faustino Fanega Street, sa Barangay Poblacion Dos.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si ANA LEAH PEÑA FLOR FANEGA, alyas “Bai Ingkong”, 37 years old, single, at isang dating OFW.

Base sa insiyal na ulat, napagbentahan umano ng suspek ang isang PDEA BARMM agent na nagpanggap na buyer.

Nakuha mula sa suspek ang marked money at isang sachet ng pinaghihinalaang shabu.

 

-0-

 

TIMBOG ang dalawang hinihinalang mga miyembro ng Abu Sayyaf Group o ASG sa magkahiwalay na operasyon sa Taguig City at Maynila.

Iprinisinta sa media ng National Bureau of Investigation o NBI ang mga suspek na sina Ibno Ismael alyas “Abu Kodano” at Totoni Hairon.

Ayon kay NBI Assistant Director for Intelligence Service Eric Distor, nadakip ang mga suspek sa bisa ng warrant of arrest ng Basilan Regional Trial Court.

Nahaharap ang dalawa sa walong counts ng kasong kidnapping at serious illegal detention kaugnay sa 2001 Golden Harvest Kidnapping Case sa Basilan.

Ayon sa NBI, nagtatrabaho si Ismael bilang construction worker sa Taguig habang si Hairon naman ay bilang security guard sa Port Area sa Maynila.

Sa ngayon, nakadetine ang dalawa sa NBI Detention Facility at ililipat sa Zamboanga City Jail.

Samantala, arestado rin ang isang Kenyan national na pinaghihinalaang miyembro ng Al Qaeda terrorist group sa isinagawang operasyon sa Rasaca Hotel, Iba, Zambales.

Kinilala ni PNP–Criminal Investigation and Detection Group Director Police Major Gen. Amador Corpus ang nasakoteng suspek na si Cholo Abdi Abdullah.

Ayon kay Corpus, si Abdullah ay nanumpa sa Al Qaeda international terrorist group noong 2012 na aktibong nag-o-operate sa silangang bahagi ng Africa.

Pasado alas tres ng hapon kahapon nang masakote si Abdullah ng pinagsanib na grupo ng CIDG at AFP sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Emmanuel Silva ng Mariveles, ng Bataan RTC sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Firearms and Ammunition Act at RA 9516 o Unlawful manufacture sales, acquisition, disposition and importation of explosive or incendiary device.

Nakumpiska sa suspect ang isang cal. 9mm pistol, magazine, mga bala, isang explosive device, hand grenade at iba pang mga gamit sa paggawa ng bomba.

Nabatid na si Abdullah ay nag-aaral na maging piloto sa All Asia Aviation Academy at nagsasagawa rin ng pananaliksik sa iba’t ibang uri ng banta sa himpapawid kabilang ang aircraft hijacking at pamemeke ng mga travel documents.

 

-0-

 

Sugatan ang isang security guard matapos na pagbabarilin ng di pa kilalang suspek sa Purok Pag-ibig, Barangay Bulatukan Makilala Cotabato particular sa harap ng isang simbahan.

Kinilala ang biktima na si Arginel Taganili Señego, 40 anyos may asawa at residente ng nabanggit na lugar.

Ayon sa ulat ng Makilala PNP sa pangunguna ni Police Captain Ronald Violon, pinagbabaril ng gunman ang biktima alas 10:00 kagabi kamakalawa habang lulan ng kanyang motorsiklo gamit ang di pa matukoy na uri ng armas.

Nagtamo ng tama ng baril ang biktima sa kanyang kaliwang balikat na mabilis namang naisugod sa Kidapawan Medical Center para sa agarang medikasyon. Inaalam pa ngayon ng mga otoridad kung ano ang motibo ng mga responsable sa pagbaril sa biktima.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Top 6 wanted person sa bayan ng Carmen, North Cotabato, huli ng PNP sa Cebu City

Arestado sa operasyon ng PNP ang magsasakang number 6 wanted person dahil sa kasong rape ala 1:00 ng hapon kahapon sa Barangay Sapangdako, Cebu City.

Nakilala ang naaresto na si Alcris Ja Cabalquinto, 27 anyos na residente ng nasabing Barangay. Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib pwersa ng Carmen PNP at Cebu City police station 4. Dala ng pulisya ang warrant of arrest laban sa suspek na inisyu ni Judge Alandrex Betoya ng Regional Trial Court Branch 16, Kabacan Cotabato.

Ang suspek ay nakakulong na sa lock up cell ng Carmen PNP at sasampahan ng kaukulang kaso sa korte. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

City Disaster Risk and Management office, nagsagawa ng bomb drill sa Kidapawan City

Ikinagulat ng mga taga Kidapawan City ang nangyaring dalawang magkasunod na bomb drill sa magkahiwalay na lugar sa Kidapawan City pasado alas 2:00 ng hapon kahapon. Ito ay pinangunahan ng Kidapawan City Disaster Risk and Management office sa pangunguna ni Public safety head Psalmer Bernalte, PNP, Traffic management Unit at ilang mga K9 handler ng lungsod.

Ang unang bomb drill ay isinagawa sa National Highway sa harap ng City Plaza at sa Datu Ingkal, St., Kidapawan City na nagdulot naman ng mabigat na daloy ng trapiko.

Ayon kay CDRRM at public Safety head Psalmer Bernalte ang aktibidad ay may layuning mas lumawak pa ang kaalaman ng publiko at kung ano ang maaring gawin ng mga mamamayan kung may mangyayaring pagsabog sa lugar.

Dahil na din sa naganap na dalawang kambal na pagsabog sa Barangay Tanjung, Indanan Sulu nitong biyernes sa loob ng kampo ng militar na ikinasawi ng walo ka tao at ikinasugat naman ng iba pa. VC-BERNALTE Si CDRRM at public Safety head Psalmer Bernalte.

Humingi naman ng pang-unawa si Kidapawan City PNP Chief Police Lt. Col Ma. Joyce Birrey dahil nagdulot ito ng takot at kabahala sa publiko.

Anya, ang kanilang isinagawang aktibidad ay para sa ikakabuti ng mga taga Kidapawan City. At kung may makikitang kahina-hinalang bagay o tao ay mariing i-report lamang sa tanggapan ng PNP upang maiwasan ang mga hindi inaasahang pangyayari. 

 

-0-

 

Outstanding Municipal Anti -Drug Abuse Council nakamit ng Arakan LGU

Nakatanggap ng most outstanding Municipal Anti-Drug Abuse Council o MADAC sa buong probinsya ang lokal na pamahalaan ng Arakan sa North Cotabato.

Ito ay iginawad ng Cotabato Police Provincial Office o CPPO kaugnay rin sa ipinagdiriwang na Police Community Relation o PCR Month ng PNP. Nakuha naman ni Arakan Mayor Rene Rubino ang most outstanding MADAC chairperson.

Ang nasabing seremonya ay pinangunahan ni CPPO Deputy Provincial Director for Operation Police LTC Ramel Hojilla. Ibinahagi naman ni Arakan Focal Person Leonardo Reovoca na naging basehan ng PNP ang ebalwasyon ng Department of Interior ang Local Government o DILG sa functionality ng MADAC.

Kalakip dito ay ang pagsasagawa ng mga aktibidad, quarterly meeting, symposium, community program at iba pa.

Ang parangal ay isinigawa nitong lunes sa CPPO Ground, Amas, Kidapawan City kasabay ng kanilang kick-off ceremony sa ika-dalawampu’t apat na taon ng PCR, na may temang Sambayanan, Mahalagang Kaakibat ng Kapulisan tungo sa Maunlad at Mapayapang Bayan.(Drema Bravo) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

“Nego Solusyon” Program para matulungan pang lalo ang mga maliliit na negosyante ipinatutupad ng DTI sa iba’t ibang lugar sa Region 12

Matapos simulan sa Cotabato City gagawin naman ng Department of Trade and Industry o DTI 12 ang kanilang “Nego Solusyon” sa iba pang lugar sa rehiyon.

Ang nasabing programa ay mapapakinabangan ng mga micro, small, and medium enterprises o MSMEs sa Isulan at Tacurong City, Sultan Kudarat sa July 29 hanggang 30; Kidapawan City sa August 13 hanggang 14; Koronadal City sa September 10 hanggang 12; Alabel, Sarangani sa Oct 8 hanggang 9 at General Santos City sa November 13 hanggang 17.

Ayon kay DTI 12 Regional Director Dorecita Delima, layon ng programa na lalo pang matulungan ang mga maliliit na negosyante sa SOCCKSARGEN. Ito ay sa pamamagitan ng pagaalok ng mga package business-related services.

Ayon naman kay DTI South Cotabato Provincial Director Flora Gabunales, ang mga interesadong negosyante o nais magnegosyo ay magkakaroon ng libreng one-on-one business coaching sessions sa mga eksperto at entrepeneur mentors sa pamamagitan ng NegoCoach.

Ayon kay Gabonales matutulungan naman ang mga MSMEs sa expansion ng kanilang mga negosyo sa pamamagitan ng NegoModels sa tulong ng mga financing institutions. Habang ituturo naman sa ilalim ng NegoPack ang branding at packaging.

Ayon kay Gabunales kabahagi naman ng NegoTalks ang business seminars. Tuturuan din ang mga mamumuhunan na palaguin ang kanilang produksyon gamit ang makabagong teknolohiya sa pamamagitan ng NegoTech.

 

-0-

 

Maayos na pakikitungo sa mga mamamayan iniutos ng bagong alkalde sa mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Tacurong City Bawal ang mga na nakasimangot na kawani sa city Hall.

Ito ang paalala ng kauupo pa lamang na si Tacurong City Mayor Angelo “Roncal” Montilla sa mga kawani ng lokal na pamahalaan. Unang ipinagutos ni Montilla sa kanyang panunungkulan sa mga kawani ng LGU na magpagkita ng magandang paguugali sa trabaho lalong lalo na sa mga mamamayan na humihiling ng tulong sa pamahalaan.

Ayon kay Montilla nalaman nito na may mga kawani sa ilang opisina ng City LGU na hindi ipinapakita ang mantra ng ABC o Always Be Courteous at SWS o Serve with a Smile.

Binigyan diin ni Montilla na dapat maranasan ng mga kliyente ang kaginhawaan sa mga opisina ng LGU at hospitality ng mga kawani lalong lalo na sa mga tanggapan na madalas dagsain ng mga mamamayan.

Ayon sa nasabing alkalde walang lugar sa Tacurong City Hall ang mga walang modong empleyado.

 

-0-

 

Provincial Treasurer ng South Cotabato may payo sa mga deliquent tax payers para hindi masubasta ang kanilang mga ari arian.

Dumulog sa Provincial Treasurer’ Office para mapagusapan kung ano ang maaring gawin sa kanilang bayarin sa buwis.

Ito ang panawagan ni South Cotabato Provincial Treasurer Alvin Batol sa mga nakatanggap ng notice of deliquency o warrant of levy dahil sa hindi nabayarang real property tax.

Ayon kay Batol abot sa mahigit P99 million pesos ang kailangang makolekta ng treasurers office sa mga deliquent tax payers ng South Cotabato.

Ipinahayag ito ni Batol kaugnay sa planong pag-auction ng provincial treasurer ng mga ari arian ng may mga arrear sa buwis sa buong ng lalawigan sa Oktobre o Nobyembre ngayong taon. Ayon kay Batol wala ding magiging problema kung unang ipasusubasta ng Koronadal Treasure’s Office ang mga ari ari-arian sa syudad na may bayarin sa buwis sa Agosto.

Sinabi ni Batol na mas makabubuti pa nga ito dahil mas malalaman ng mga mamamayang handa ang lokal na pamahalaan na ipasubasta ang mga ari-arian deliquent tax payers.

 

-0-

 

Cleanest at Greenest Household pinarangalan ng Provincial Environment and Management Office ng South Cotabato

Pinarangalan na ng Provincial Environment and Management Office sa Search For Cleanest and Greenest Household ang mga entry sa Sitio Traan Leteng, Barangay Kematu T’boli, South Cotabato.

Ang nasabing lugar ay isa dalawang convergence area para sa nasabing patimpalak. Kaugnay nito nanalo ng First Place si Danilo Ali, Second place si Juanito Balonggo, at Third place si Allan Ligal.

Ang mga ito ay tumanggap ng plake at P8,000; P5,000 at P3,000 cash prize Tumanggap naman ng tig P1,000 consolation prize ang mga di pinalad na entry.

Isinagawa ang awarding ceremony sa protect center sa Koronadal City kung saan inanunsyo din ang mga nagwagi sa “Basura Hotspot Superheroes.” Ito ay ayon kay PEMO Supervising Environment Specialist Elbe Balucanag.

Ang mga nagwagi ay pinili base sa Facebook post ng clean up drive sa kanilang mga barangay. Ang mga ito ay ang Association of Unified Women for Peace & Progress ng Brgy. Zone III, Barangay Sto Nino at Gaisano Grand Mall sa Koronadal City.

Wagi din ang mga entry ng Tupi, Norala, Polomolok at Tampakan LGU. Layunin ng programa na maituro sa mga mamamayan ang tamang pamamahala at pagtatapos ng mga basura.

 

-0-

 

Konseho para sa pagpapaunlad ng Halal Industry itinatatag ng DA sa iba’t ibang lugar sa region 12

Unang tinatag ng Department of Agriculture o DA XII ang South Cotabato Provincial Agriculture and Fishery Halal Council. Ayon kay DA XII Regional Executive Director Milagros Casis, ito ay gagawin din ng ahensya sa iba pang mga lugar sa SOCCKSARGEN.

Ayon kay Casis kailangan ito para magkaisa ang mga stakeholders sa mga maaring gawin para mapaunlad ang Halal Industry sa rehiyon. Ang mga Agriculture and Fishery Halal Council ay magiging katuwang ng DA sa pagbalangkas ng mga programa para sa pagpapabuti ng Industriya ng Halal.

Ayon kay Casis ito ay bilang pagtalima na rin Halal Food Industry Development Program o HFIDP Roadmap 2017-2022. Inilunsad na banner program ng DA ang HFIDP noong 2017.

 

 

Agri and fisheries top industries in the proposed BARMM investments list

COTABATO CITY  -  Agriculture and Fisheries are top industries which the Bagnsamoro region can offer to investors both foreign and local...

Pope names new Sorsogon bishop

SORSOGON - Pope Francis has appointed Fr. Jose Alan Dialogo of the Manila archdiocese as the new bishop of Sorsogon.

The...

Bishops push for greater mining accountability

KIDAPAWAN CITY - Mindanao bishops have joined the initiative for the government to hold mining firms accountable for the environmental and...

The Word of God is living and effective

Reading 1ROM 1:16-25

Brothers and sisters:
I am not ashamed of the Gospel.
It is the power of God for the...

MILF infighting sends civilians fleeing

DATU MONTAWAL, Maguindanao  – A long standing territorial dispute between members of Moro Islamic Liberation Front in Maguindanao erupted...