Monday Oct, 14 2019 07:11:26 AM

NDBC BIDA BALITA (6.29.19)

NDBC BALITA • 09:45 AM Sat Jun 29, 2019
366
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST

JUNE 29, 2019 (SAT)
7:00 AM

HEADLINES:

1. MAGPINSAN, patay habang isang sundalo sugatan sa hiwalay na mga insidente ng pamamaril sa Cotabato city at Sultan Kudarat, Maguindanao.

2. PULIS, sugatan nang pagbabarilin ng nobyo ng kanyang dating ex-girlfriend sa Arakan, North Cotabato.

3. Mahigit 50 mga binahang pamilya, inilikas na ng lokal na pamahalaan sa Tantangan, South Cotabato

4. Tree growing, ginagawa ngayon sa Koronadal City 

 

-0-

Local………………..

 

PATAY ang magpinsan matapos pagbabarilin ng riding tandem suspects sa Cotabato city kahapon.

Nakilala ang mga nasawi na sina ARNOLD CHAVEZ, 29 anyos, may asawa, isang pintor na taga-slaughter house, Barangay Rosary Heights 4 at pinsan nitong si CHRISTOPHER CHAVEZ, 36, may asawa, pedikab driver at residente naman ng Purok Jasmin, Barangay Rosary Heights 2 ng lungsod.

Sa inisyal na report ng Police Station 1, naglalakad lamang ang mga biktima sa Doña Pilar Street, Barangay Poblacion 4 pasado ala una ng madaling araw kahapon nang bigla silang pagbabarilin ng mga suspek na nakamotorsiklo gamit ang cal. 45 at 9mm pistols.

Dead on the spot ang dalawang mga Chavez dahil sa mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

 

-0-

 

Local………………….

 

SUGATAN naman ang isang sundalo na agad isinugod sa ospital nang pagbabarilin ito sa national highway na sakop ng Brgy. Salimbao, Sultan Kudarat, Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si Army Private JOHN MALVIC CAGAPE PIDO, 25 anyos, may asawa, at taga Brgy. Capayuran, Pigcawayan, North Cotabato.

Ayon sa inisyal na ulat, alas kwatro pasado ng hapon kahapon habang tinatahak ng biktima ang kalsada sa nabanggit na Barangay lulan ng kanyang motorsiklo ng bigla na lamang umano itong pinagbabaril ng mga di nakilalang suspek.

Nagawa pang magmaneho ng biktima hanggang sa makarating sa isang Detachment sa Delta bridge dito sa lungsod upang humingi ng tulong.

Nagtamo ng tama ng bala sa kanyang balikat ang biktima na mabilis na isinugod ng kapulisan sa pagamutan upang malapatan ng lunas.

 

-0-

 

PATAY ANG TATLONG mga sundalo habang 12 iba pa ang nasugatan sa dalawang mga pagsabog na nangyari sa loob ng isang military camp sa Indanan, Sulu, kahapon ng tanghali.

Sinabi ni Army’s Western Mindanao Command spokesperson Maj. Arvin Encinas na naganap ang pagsabog sa loob ng kampo ng First Brigade Combat Team na bagong deploy lamang sa naturang kampo na nasa Sitio Tanjung, Barangay Kajatian, Indanan.

Agad namang isinugod sa ospital ang mga sugatan para mabigyan ng agarang lunas habang ang pagkakakilanlan ng mga nasawi ay hindi pa inilalabas ng WestMinCom hangga’t hindi pa naaabisuhan ang pamilya ng mga ito.

Ayon kay Encinas, sa ngayon ay patuloy ang kanilang ginagawang clearing operation para matiyak na hindi na masusundan pa ang naturang pagsabog.

Sabi ni Encinas, suicide bombers ang may kagagawan ng pagpapasabog na posibleng mga miembro ng Abu Sayyaf Group o ASG.

Sa inisyal na report ng WestMinCom, isa sa mga suicide bomber ang nagpasabog ng sarili sa parking area ng kampo matapos itong makalusot sa gate.

Habang ang unang suicide bomber na nagtangkang pumasok sa gate ng kampo ay naharang ng tatlong mga sundalo dahilan para pasabugin nito ang sarili.

Sinundan pa umano ng mortar at sniper fires ang mga pagsabog kaya’t nagkaroon din ng palitan ng putok sa pagitan ng armadong grupo at ng mga sundalo.

 

-0-

 

KALABOSO ang isang binatilyong suspek sa pagnanakaw sa isang tindahan matapos siyang madakip ng mga opisyal at tanod ng Barangay Poblacion 2, Cotabato city.

Sadyang di kinilala ang 17-taong gulang na suspek dahil ito ay menor-de-edad.

Gayunman, kinilala ng Police Station 2 ang dalawa pang mga kasamahan nito na sina DATU LIDASAN at isang alyas BLA, nasa hustong gulang at mga residente rin ng nabanggit na Barangay.

Base sa inisyal na ulat, pasado alas kwatro ng madaling araw kamakalawa nang looban ng tatlo ang isang tindahan sa kanilang lugar at kinuha ang labing pitong kaha ng sigarilyo at cash na nagkakahalaga 15 thousand pesos.

Paalis na sana mga suspek sa lugar nang mapansin ng mga tao sa paligid ang kahina-hinalang ikinikilos ng mga ito.

Nang sitahin at suriin ng mga tanod ang mga dalang gamit ng mga suspek ay doon na nila nadiskubreng pawang nakaw ang mga ito.

Agad dinala sa himpilan ng pulisya ang batang mga suspek habang pinaghahanap na ngayon ang dalawang mga kasamahan nitong mabilis na nakatakas.

 

-0-

 

IPINAWALANG-BISA na ng pamunuan ng bagong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM ang appointment ng lahat ng mga opisyal ng defunct Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM na pinamumunuan noon ni Governor Majiv Hataman.

Sinabi ni Bangsamoro Education Minister Mohagher Iqbal na kabilang sa mga ni-revoke ang lahat na mga opisyal na itinalaga ni Hataman maging ang DepEd Secretary at appointees nito.

Alinsunod sa nakasaad sa memorandum 121 ng tanggapan ng Bangsamoro Ministry on Basic Higher and Technical Education, lahat ng designated officials ng dating DepEd ARMM ay kailangan ng iwan ang kanilang mga posisyon.

Sinabi ni Minister Iqbal na ang kanilang hakbang ay bahagi ng mabuting pamamahala at paghahanda na rin sa ministerial structural form na ipinapatupad ng BARMM sa pamumuno ni Chief Minister Murad Ebrahim.

Aminado si Iqbal na masyado ng marami ang mga opisyal at kawani ng ahensya kaya’t kailangan nito ng restructuring.

 

-0-

 

Sarangani Disaster Officer pinayuhan ang mga mamamayan sa lalawigan na paghandaan ang kalamidad

Maging alerto ngayong tagulan para makaiwas sa masamang epekto ng kalamidad. Ito ang panawagan ni Sarangani Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Rene Punzalan sa mga mamamayan ng lalawigan.

Ayon kay Punzalan, kasabay ng opisyal na deklarasyon ng tag-ulan, nag upgrade din ang PAGASA ng kanilang local weather monitoring system sa Kapitolyo ng Sarangani sa Alabel.

Gagamitin ang nasabing pasilidad sa monitoring ng weather condition at weather forecast sa buong Sarangani. Ayon kay Punzalan dapat ay maging alerto ang mga mamamayan sa localized thunderstorm na sanhi ng malakas na ulan.

Kaugnay nito, ipinahayag din ni Punzalan na pinaghahandaan na ng pamahalaang Panlalawigan ng Sarangani ang selebrasyon ng National Disaster Resilience Month sa Hulyo.

Ito ayon kay Punzalan ay nakatutok sa mga paghahanda ng bawat pamilya sa kalamidad. Magiging highlight nito ang pagawad ng Provincial Gawad Kalasag Award sa mga LGU na may pinakamaganda at pinakapektibong program laban sa masamang epekto ng kalamidad.

 

-0-

 

Tree Growing Festival na ginaganap ngayon nilahukan ng daang daang mga mamamayan sa Koronadal City

Madaling araw pa lamang kanina ay nagtipon na sa welcome rotonda para sa opening program ng 9th Tree Growing Festival sa Koronadal City ang daang daang mga mamamayan.

Matapos ang programa kanya kanya nang tungo sa kanilang mga designated areas ang mga nakiisa sa aktibidad. Kinabibilangan ang mga ito ng mga estudyante, kawani ng mga tanggapan ng gobyerno, at pribadong sektor.

Target naman ng lokal na pamahalaan na makapagtanim ng mahigit 75,000 tree seedlings sa mga bulubunduking bahagi ng syudad ngayong araw.

Ito ay ayon kay Koronadal City Environment and Natural Resources Officer Agustus Bretana.

Umapela naman si Koronadal Mayor Peter Miguel sa mga mamamayan ng syudad na ipakita ang pagmamahal sa inang kalikasan sa pamamagitan ng pakikiisa sa nasabing aktibidad.

Para magkaroon ng pagkakataon ang maraming mamamayan na makilahok sa Tree Growing Festival idineklara ng Malakanyang ang Special Non-Working Holiday sa Koronadal ngayong araw. Matatandaan na ang Tree Growing Festival ay inilunsad ng lokal na pamahalaan noong 2011 bilang pakikiisa sa International Environment Month Celebration ngayong Hunyo.

 

-0-

 

Dating palaboy pinagtapos sa alternative learning sytem ng mga pulis sa Koronadal City

Itinaguyod ng mga pulis sa Koronadal City ang pagaaral ng isang 21 anyos na dating palaboy na nagtapos sa Alternative Learning System o ALS ng Deped. Ayon kay Police Staff Sergeant Leo Dimaculangan ng Koronadal PNP Traffic Section, 16 anyos pa lamang nang kinupkop ng nasabing tanggapan si James Bacoy.

Sinabi ni Dimaculangan na natulungan din ng dating mga pinuno ng traffic section si Bacoy at naging tagalinis ng kanilang opisina.

Nag-ambagan naman para sa allowance nito ang mga personnel ng PNP traffic section para matulungan sa pagaaral si Bacoy. Ayon kay Bacoy nais nitong magaral ng wielding sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA bago pumasok sa militar.

Pinasalamatan din nito ang mga personnel ng traffic section na tinulungan siya para makapagaral at magkaroon ng bagong pamilya. Nabatid na si Bacoy ay nawalay sa kanyang nagkahiwalay ding mga magulang.

 

-0-

 

15 dilag maglalaban sa Search for Mutya ng South Cotabato 2019

Mula sa sampung mga lokal na pamahalaan at limang kinatawan ng pribadong sektor ang 15 mga kandidata para sa Search for Mutya ng South Cotabato 2019.

Ito ay kaugnay sa nalalapit na 20th T’nalak Festival at 53rd Foundation Anniversary ng lalawigagn. Ayon kay Pageant Artistic Director Jimmy Gayanilo, layon ng beauty pageant na maisulong ang mga pangarap at hilig ng mga babaeng South Cotabateno.

Tampok sa Pageant night sa July 17 ang Production Number, Swimwear Competition at Evening Gown Competition. Ibibida din ng mga kandidata ang ipinagmamalaking T’nalak Cloth ng lalawigan sa Tnalak Casual Coutoure.

Ipinahayag ni Gayanilo na hinati din sa tatlong grupo ang mga kandidata. Bawat grupo ay nakatalagang magsuot ng kulay asul, puti at pula hango sa mga kulay ng Tnalak. Ang kororonahang Mutya ng South Cotabato 2019 ay tatanggap ng P40,000 cash prize.

 

-0-

 

Mahigit 50 pamilya binaha kasunod ng malakas na ulan sa Tantangan, South Cotabato

Iniligtas ng local ng pamahalaan ang mahigit 50 pamilya sa Barangay New, Iloilo, Tantangan, South Cotabato. Ito ay matapos malubog sa hanggang bewang na baha sanhi ng malakas na pagulan kahapon ang kanilang lugar.

Ang mga nailigtas na mamamayan ay dinala ng mga kasapi ng rescue team ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council sa Barangay Gym.

Ayon kay Tantangan Mayor Benjamin Figuroa, ipinagutos nito sa mga volunteer ng lokal na pamahalaan na gamitin ang lahat ng rescue vehicles sa mga na-trap sa baha na nakatatanda, persons with disability,at mga bata. Ang mga binahang mamamayan ay binigyan ng paunang tulong na kanin, ulam at inuming tubig ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Figuroa maaring marami pang mga pamilya sa ibang barangay ng Tantangan ang apektado ng baha. Humiling na ng tulong ang alkalde sa Provincial Social Welfare and Development Office ng South Cotabato at Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Ito ay kung sakali mang magpapatuloy pa rin ang banta ng mga pagbaha dala ng walang patid na mga pagulan.

Ang mga pagbaha kahapon ay naging sanhi rin ng pagka-stranded ng ilang oras ng mga motorista na dumadaan sa Koronadal City-Tacurong City Highway, Sultan Kudarat Highway.

 

-0-

 

Secretary Pinol pinuri ang mga kawani ng DA sa ika 121st Founding Anniversary ng nasabing ahensya

Iginiit ng kare-resign pa lamang na si Department of Agriculture o DA Secretary Manny Pinol na malaki ang nagawa ng ahensya para tugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka. Ayon kay Pinol masaya ito sa serbisyong ipinakita ng mga kawani ng ahensya.

Ito ay sa kabila ng sinasabi ng iba na underpeformance ang DA. Ayon kay Pinol, ipinagmamalaki nito ang mga kawani ng ahensya at hinikayat din ang mga ito na maging loyal sa DA sa kabila ng mga pagsubok.

Sinabi ni Pinol na walang major issues, kaso ng korupsyon at anomalya ang tatlong taong panunungkulan nito bilang kalihim ng DA. Ito ang ipinahayag ni Pinol sa mga kawani ng DA na dumalo sa kanilang 121st Founding Anniversary sa DA Central Office sa Quezon City. Ang DA ay isa sa mga ahensya ng gobyerno na unang itinatag pagkatapos ang declaration ng Philippine Independence noong 1898.

 

-0-

Pump boy, sugatan sa pananaksak ng mismong kainuman sa Carmen, North Cotabato

Ospital ang bagsak ng isang pump boy matapos na pagsasaksakin ng isang magsasaka sa Sitio Quarry Malapag, Carmen, North Coatabato alas 5:00 ng hapon. Kinilala ang biktima na si Arman Cabatuan, 25 anyos at nakatira sa naturang lugar.

Ayon sa ulat ng Carmen PNP, pinagsasaksak ang biktima ng suspek na kinilalang si Jerry Dequina Ronna, 42 anyos isang magsasaka at nakatira sa Purok 13, Malapag Carmen. Sa naging imbestigasyon, magkasamang nag-iinuman ang suspek at biktima kasama ang iba pa sa isang vidoek house nang magkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa hanggang sa humantong sa pananaksak.

Mabilis namang naisugod ang biktima sa pinakamalapit na ospital at nakapiit na rin ang suspek sa lock up cell ng Carmen PNP. Personal na alitan ang isa sa mga sinusundang anggulo ng pulisya sa insidente. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Oath taking ceremony ng bagong Gobernador sa North Cotabato, handa na bukas

Pormal nang manunumpa sa tungkulin ang bagong gobernador ng North Cotabato na si outgoing 2nd District congresswoman at Governor-elect Nancy Catamco.

Ang aktibidad ay isasagawa bukas sa Provincial Capitol Gymnasium Barangay Amas, Kidapawan City alas 9:00 ng umaga. Habang alas 2:00 naman ng hapon isasagawa din ang turn over ng mga accountable documents sa bagong administrasyon. Inaasahan namang dadalo ang ilang mga katutubo sa panunumpa sa tungkulin ng kauna-uanahang Lumad na gobernadora sa North Caotabato.

Sinabi ni Chief of staff Jun Obello, imbitado ang lahat sa oath taking ni Governor-elect Catamco. Dagdag pa nito, sasailalim pa sa screening at pagpipilian ang maiiwan na mga Job order at casual employee sa kapitolyo.

Sa Provincial hospital, magbibigay anya sila ng tatlong buwan para sa mga job order at casual employees nga mga nurses. Ang transition team ng bagong administrasyon ay handa na at tinawag na “the road map to new governance”. Nagbigay naman ng pormal na imbestigasyon ng kampo ni Catamco kay incumbent Governor Emmylou Taliño. 

Habang inaasahang magdedeploy ang PNP ng karagdagang mga pulis sa lugar upang masigurong maging matiwasay ang aktibidad. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Pulis sugatan matapos pagbabarilin ng kasintahan ng kanyang dating nobya sa bayan ng Arakan, North Cotabato

Sugatan ang isang pulis matapos pagbabarilin sa Brgy Ganatan, Arakan, North Cotabato, alas onse ng umaga kahapon. Kinilala ang biktima na si Patrolman Chris Manuel, 30 yrs. old, single at residente ng Antipas, North Cotabato at kasalukuyang na-assign sa Cotabato Provincial Mobile Force Company (CPMFC) sa Amas, Kidapawan City.

Habang kinilala naman ang suspek na si Ryan Amor, 30 years old, Security Guard at residente ng Amas, Kidapawan City.

Ayon sa ulat na ipinarating ni Public Information Office Police Major Julie Lu Melocotones ng CPPO, pumunta umano ang nasabing pulis sa bahay ng kanyang ex-girlfriend para kunin ang kanilang apat na taong gulang na anak.

Pero biglang dumating ang nasabing suspek na siyang live-in partner ng kanyang dating nobya na si Ecel Sajulga na residente ng nabanggit na lugar.

Nagkaroon umano ng pagtatalo ang nasabing biktima at suspek nang bigla na lamang binunot ng suspek ang 45. baril ng nasabing pulis. Tinamaan naman ito sa kanyang dalawang hita na agad namang naisugod sa pagamutan.

Inaalam na ng mga otoridad ang dahilan ng nasabing insidente habang patuloy naman nagsasagawa ng hot pursuit operation ang mga otoridad laban sa suspek na tumakas pagkatapos ng krimen.

Samantala, sa iba pang balita, si Patrolman Manuel ay una nang naireport sa himpilan ng Antipas PNP ng isang magsasaka, matapos nitong tutukan ng baril sa B. Cadungon Street, Brgy.Poblacion, Antipas, North Cotabato.

Nabatid na dumulog sa himpilan ng Antipas PNP ang isang Ariel Saludares Portillo, 31-anyos, may asawa na residente ng Brgy Sarayan sa bayan ng Matalam,umaga nitong Huebes.

Ayon sa ulat, naglalaro umano ang dalawa ng playing cards at lango si Manuel sa inuming nakalalasing habang nasa isang burol sa nabanggit na lugar.

Nang walang anu-ano’y biglang tumayo ang suspek at susuntukin na sana ang biktima pero nakailag ito. Dito na umano tinutukan ng nasabing pulis ang biktima ng kanyang baril.

Agad namang naawat ang dalawa. Kakaharapin naman ng suspek ang kasong paglabag sa Article 282 ng Revised Penal Code o grave threat. Ayon din sa ulat, hindi naman konektado ang dalawang magkahiwalay na insidente na kinasangkutan ng nasabing pulis.

 

-0-

 

Energy Development Corporation o EDC nagsagawa ng tree-planting activity

Bilang bahagi ng Corporate Social Responsibility at BINHI program ng Energy Development Corporation o EDC ay nagsagawa ito ng tree-planting activity sa Brgy. Balabag, Kidapawan City.

Ang nasabing aktibidad ay isang nationwide reforestation program ng nasabing kompanya upang pagyamanin ang mayayabong na kagubatan.

Tampok sa kanilang aktibidad na “Go Green to Breathe Clean” ay ang #Adopt Matingao River kung saan ito ang napiling lugar na pagtamnan ng mga plant trees.

Ayon kay EDC Head Corporate Social Responsibility Nancy Ibuna, malaki ang naitutulong ng pagtatanim ng mga piling species ng mga indigenous trees sa pagpapanatili ng mayabong na kagubatan. Abot naman sa 200 na mga puno ng kawayan at Lawaan ang sabay- sabay na itinanim sa naturang lugar.

Ang mga nabanggit na mga local trees naman ay mas nakakatulong sa pagpapanitili ng biodiversity kesa sa mga exotic trees dahil pinapatay ng mga exotic trees ang mga kalapit nitong local trees. Ang nasabing mga plant trees naman ay nagmula sa tanggapan ng Community Environment and Natural Resources Office o CENRO na nakabase sa Matalam, North Cotabato.

 

Cotabato Water District announces low water pressure to no water at all

Water Service Advisory
(Emergency Repair)

Date: October 13, 2019

What: Low Water Pressure to No Water due to Emergency Repair...

Karne mula Bulacan patungong Marbel, pinigil sa Tacloban dahil sa ASF scare

TACLOBAN CITY - Abot sa P1.6 million pesos na halaga ng assorted frozen pork meat products mula sa Bulacan ang naharang pasado alas 10:00...

Once troubled Basilan town now has radio station

BASILAN --- Stakeholders will launch Monday a “peace radio” in the former shabu capital of Basilan province whose municipal government got...

3 Soccsksargen hospitals lose PhilHealth accreditation

GENERAL SANTOS CITY -- The Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) has suspended and withdrawn the accreditation...

NGO spearheads outreach program for IPs in Maguindanao

UPI, Maguindanao – In celebration of Indigenous Peoples (IP) Month this October, local officials and non-government organization organized...