Thursday Jun, 20 2019 04:11:35 AM

NDBC BIDA BALITA (6.13.19)

NDBC BALITA • 15:15 PM Thu Jun 13, 2019
170
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST

JUNE 13, 2019 (THU)
7:00 AM

HEADLINES

1. P. Duterte, ipinagdiwang ang Independence Day sa Lanao del Sur kahapon.

2. Imbestigasyon sa mga operator ng investment scheme sa region 12, tiniyak ng PNP 12

3. COMELEC-North Cotabato, nagpaalala sa mga kandidato hinggil sa deadline ng pagsusumite ng kanilang Statement of Contributions and expenditure o SOCE ngayong araw.

4. Sabwatan ng isang doktor at mga ospital para pagkwartahan ang PhilHealth, ini-imbestigahan na 

 

-0-

 

IBINUNYAG ng National Bureau of Investigation o NBI na balak sanang magdeklara ng holiday ang Kabus Padatuon o KaPa Community Ministry International Inc. pero naunahan lamang ito ng kanilang inilunsad na crackdown operations.

Sinabi ni NBI Deputy Director for Regional Operation Service Antonio Pagatpat, natunugan nila ang usap-usapan ng mga miembro ng KaPa na ngayong linggo sana magpapatupad ng holiday si KAPA founder Pastor Joel Apolinario.

Kung nagkataon daw, ayon kay Pagatpat, baka wala na silang inabutan na kahit anong mga ebidensiya sa mga tanggapan ng KaPa nitong Lunes nang isagawa nila ang search warrant operations kasama ang PNP at Securities and Exchange Commission o SEC.

Maliban dito, sabi ni Pagtapat, baka ay nakulimbat na raw ng pamunuan ng KaPa at dinala palabas ng Pilipinas ang mga perang kinita nito na donasyon mula sa mga miembro.

Samantala, sinabi ni Pagatpat na may hawak ding intelligence information si P. Duterte na makakapagpatunay na isang uri ng investment scam ang KaPa na nangangakong magbibigay ng 30 porsyento na interest sa mga miembro.

Una nang kinumpirma ng SEC na umaabot sa 24 na search warrant operations ang ipinatupad nila sa mga tanggapan ng KaPa sa Alabel, Sarangani, General Santos City, Tagum City, Quezon City, Taytay, Nueva Vizcaya, Tacloban City, Cebu City, Bukidnon at Misamis Oriental, pati na sa bahay ng founder nito sa GenSan.

Maliban sa kasong paglabag sa Section 8 at 26 ng Securities Corporation Code of the Philippines, inihahanda na rin ng NBI ang mabigat na kasong syndicated at large scale estafa laban kay Apolinario, mga opisyal ng samahan, incorporators at mga kasama.

Ang naturang mga kaso ay walang piyansa.

Para naman kay NBI Deputy Director Ferdinand Lavin, naniniwala siyang hindi isang religious ministry ang ginagawa ng naturang grupo kundi isang “criminal enterprise.”

Nabatid na kahapon pa ay nagtipon na ang mga miembro ng KaPa sa GenSan para salubungin ng prayer rally ang pagbisita sa naturang lungsod ni P. Duterte.

Umaasa kasi ang mga ito na magbabago ang desisyon ng pangulo laban sa KaPa na umano ay nakatulong ng malaki lalo na sa mga mahihirap nitong miembro.

 

-0-

 

IPINAGDIWANG ni P. Duterte ang pagdiriwang ng ika-121 taong kasarinlan ng bansa sa Malabang, Lanao del Sur.

Sinabi ni Army's 6th Infantry Division Commander General Cirilito Sobejana na mas pinili ng presidente na makasama ang mga sundalo kaysa pangunahan ang Independence Day program kahapon sa Luneta Park.

Ayon kay Sobejana, inalam ng pangulo ang kalagayan ng mga sundalo at humingi rin ito ng update kaugnay sa ginagawang rehabilitasyon sa Marawi City.

Hanga naman ang opisyal sa ipinapakitang pagpapahalaga ni P. Duterte sa mga sundalo at pagkilala nito sa matapang na pakikibaka ng mga kawal ng bansa sa mga kaaway ng pamahalaan lalo na sa mga ekstremistang grupo sa Mindanao.

Samantala, ngayong araw ay nakatakda namang magtungo ang pangulo sa General Santos City.

 

-0-

 

 

 

-0-

 

NAKUBKOB ng militar ang isang gun repair shop at factory habang nagsisilbi ng arrest warrant sa isang wanted person sa bayan ng General Salipada K. Pendatun, Maguindanao.

Sinabi ni Army’s 6th Infantry Division commander Major General Cirilito Sobejana na natagpuan ang gun factory ng pinagsanib na tropa ng pulisya at militar sa Barangay Madconding habang aarestuhin sana ang suspek na si Sukarno Buka, sub-leader ng Islamic State-linked Bangsamoro Islamic Freedom Fighter o BIFF para sa kasong attempted murder.

Pero ayon sa otoridad, nakatakas na si Buka bago makarating ang tropa ng gobyerno sa lugar.

Ang operasyon ay isinagawa ng Army’s 33rd Infantry Battalion, 2nd Mechanized Infantry Battalion at Criminal Investigation and Detection Group o CIDG-Maguindanao.

Ayon naman kay Army’s 33rd IB commander Lt. Col. Elmer Boongaling, gumagawa umano si Buka ng mga baril para sa BIFF. Sangkot din aniya ito sa illegal drug activities sa lugar.

Nakuha ng mga pulis at sundalo ang ilang hindi pa tapos na mga armas, equipment at mga bala.

Samantala, naniniwala naman si Army’s 1st Mechanized Infantry Battalion commander Col. Efren Baluyot na ang pagkaka-kubkob nila sa pagawaan ng mga baril ay tiyak na magpapahina sa kakayahan ng BIFF na lumaban sa gobyerno.

 

-0-

 

ARESTADO ang tatlong mga ginang sa ikinasang Buy Bust operation ng mga otoridad sa Gov. Gutierrez Avenue, Barangay Rosary Heights 7, Cotabato City.

Nakilala ang mga nadakip na sina RAIHANA MAMALANGKAY MACALIMPAS, alyas “Bai” 31-anyos; MALVINA MOKAMAD DULOAN, alyas “Vina”, 58 na pawang mga housekeeper at ang tinderang si DACEL FORTICH DULOAN, alyas ”Dang” , 33 at taga Zenaida Subdivision, barangay Rosary Heights 8.

Nakuha mula sa mga suspek ang apat ng sachets ng pinaghihinalaang shabu at ang marked money na ginamit sa operasyon.

Nasagip din ng mga otoridad sa nasabing operasyon ang apat na mga bata at kaagad na inilagay sa pangangalaga ng PDEA BARMM.

SAMANTALA, sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 9165 ang drug suspect na nahuli kamakalawa ng umaga sa Yap Sy Street, Barangay Rosary Heights 10.

Maalalang inaresto ang Stylist na si JONATHAN PRIETO DEQUIÑA, 33, single, at ataga Don Teodoro V. Juliano Avenue, sa isinagawang operasyon ng mga otoridad.

Nakuhanan si Dequiña ng dalawang sachets ng Shabu na may street value na one thousand pesos at isang improvised tooter.

 

-0-

 

BINABAHA NA ngayon ang mga low-lying area sa Maguindanao dahil sa tuloy-tuloy at malakas na buhos ng ulan nitong mga nakaraang araw.

Lubog sa baha ang mga bayan ng Datu Salibo, Shariff Saydona Mustapha at Sultan Sa Barongis.

Kinumpirma naman ni Maguindanao 1 Schools Division Superintendent Alibai Benito Aleuden na tatlong mga paaralan sa kanyang lugar ang lubog sa baha.

Apektado aniya ang Pagatin at Sambulawan Elementary Schools sa Sharif Saydona Mustapha at ang Barurao Elementary School naman sa Sultan Sa Barongis.

Marami sa mga mag-aaral ang hindi na muna pumasok kaya’t ang iba sa mga paaralan ay magsasagawa na lamang ng makeup classes habang ang iba naman ay nagka-klase sa mga makeshift classroom.

Pinangangambahan namang darami pa ang bilang ng mga babahaing lugar sa lalawigan ngayong opisyal ng pumasok sa bansa ang rainy season.

 

-0-

 

ARESTADO ang panglima sa mga Most Wanted Person ng PNP sa Barangay Poblacion, Libungan, North Cotabato.

Nakilala ang suspek na si Magarang Sabandar Tanggote, may asawa, isang magsasaka na taga Brgy. Oring, Buldon, Maguindanao.

Sampung taon ng pinaghahanap ng batas si Tanggote na nahaharap sa kasong frustrated murder at may warrant of arrest na inisyu ni issued by RTC Branch 18 Judge Judge George Jabido noon pang February 13, 2009.

Nadakip si Tanggote pasado alas sais ng umaga kamakalawa sa ikinasang operasyon ng pulisya.

Bago inilagay sa protective custody ay sumailalim muna si Tanggote sa physical/medical exam sa Rural Health Unit ng Pigcawayan.

 

-0-

COMELEC North Cotabato, nagpaalala sa mga kandidato na hindi pa nakapagsumite ng kanilang Statement of Contributions and expenditure o SOCE

Hanggang ngayong araw na lang ang pagsumite ng Statement of Contributions and Expenditures o SOCE ng lahat ng local candidates na lumahok sa May 13, 2019 midterm elections.

Sa panayam ng Radyo Bida kay Provincial Comelec Supervisor Atty Jay Gerada, sinabi nitong kailangan na magsumite ang lahat ng kandidato nanalo man o natalo sa nagdaang eleksyon.

Dagdag pa niya, hindi papayagang makaupo sa pwesto o madisqualify ang mga nanalong opisyal kung hindi ito makakapagsumite ng kanilang SOCE sa itinakdang deadline.

Kahapon din sana Hunyo 12, ang deadline sa paghahain ng SOCE, o isang buwan matapos ang eleksyon, ngunit dahil natapat ito sa Independence Day na isang regular holiday sa bansa, ay nagpasya ang Comelec na palawigin ang deadline nito hanggang ngayong araw.

Pinaalalahan naman ang opsiyal sa mga kandidatu na hindi nakapagsumite ng kanilang SOCE na ngayong araw na lamang ang deadline sa pagsumite.(Cherry Exim) VC – GERADA Si Provincial Comelec Supervisor Atty Jay Gerada. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Menor de edad na pedestrian, sugatan matapos na mabundol ng sasakyan sa Kabacan, North Cotabato

Sugatan ang isang 8-anyos na babaeng pedestrian matapos na mabundol ng sasakyan sa ala 1:35 ng hapon kahapon sa Barangay Katidtuan, Kabacan.

Nakilala ang drayber ng Avanza na sasakyan na si Edgar Barcoma Chu, 50 anyos at nakatira sa Gladiola St. Buhangin, Davao City. Ayon sa imbestigasyon ng PNP traffic section, binabaybay ni Chu ang National Highway patungong Cotabato ang direksyon nang pagsapit sa lugar ay bigla umanong tumawid si Alyas Zane dahilan para mabangga ito.

Nagtamo ng sugat ang batang babae na mabilis namang naisugod sa pinakamalapit na hospital ng mga residente sa lugar. Nasa kustudiya na ng Kabacan PNP ang drayber habang naghihintay na masampahan ng reklamo.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Nagsagawa na ng security conference ang Kidapawan City PNP katuwang ang iba pang security forces at agencies kaugnay sa sunod-sunod na mga kaso ng nakaw-motorsiklo sa lungsod.

Ayon kay Kidapawan City PNP Chief Lt. Colonel Ma. Joyce Birrey, ito ay para i-angat kamalayan ng mga mamamayan kung paano maiwasan ang nasabing krimen na nangyayari hindi lamang sa lungsod ng Kidapawan. Nabatid na sa dalawang linggo lamang ay apat na kaso na ng nakaw-motorsiklo ang naitala ng Kidapawan City PNP.

Isa rin sa gagawing hakbang ng pulisya ay ang pag-iinspect sa mga CCTV camera ng mga establisyemento dahil malaki ang tulong nito sa tuwing may insidente ng nakaw-motorsiklo.

Sa ngayon ay hindi pa maituturing ng PNP na alarming ang nasabing kaso. VC: LTC Birrey on MC Theft Si Kidapawan City PNP Chief PLTC Ma. Joyce Birrey. Dagdag pa ng opisyal na mas lalaliman pa nila ang kanilang ginagawang imbestigasyon kung bakit punterya ngayon ng mga kawatan ang unit na baja motorsiklo.

Lumalabas din kasi na ang nasabing unit ay madaling i-unlock ng mga kawatan. Muli namang nagpaalala ang PNP na mas maiiging lagyan ng alarm o padlock ang kanilang mga motorsiklo kung ipaparada upang hindi madaling matangay ng mga magnanakaw.(Drema Bravo) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

BPAT member, pinakabagong biktima ng motorcycle theft sa Kabacan, Cotabato

Tinangay ng magnanakaw ang motorsiklo ng BPAT member habang nakaparada sa harap ng establisyemento sa Barangay Osias, Kabacan North Cotabato.

Dumulog sa tanggapan ng PNP ang biktimang si Nasrula Maslamama Dima, 36 anyos, at nakatira sa Barangay Lower Paatan, Kabacan. Ayon sa biktima, pasado alas 11:40 ng umaga kamakalawa nang pinarada niya lamang ang kanyang Kawasaki Bajaj na motorsiklo kulay itim na may license plate 1201-502125 sa harap ng NOVO establishment at pumasok sa loob.

Nang balikan niya pasado alas 12:00 ng tanghali ay wala na ito sa lugar kung saan niya ipinarada. Matatandaang ipinag-utos na ni Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr sa PNP na paimbestigahan ang mga kaso ng motorcycle theft sa nasabing bayan. Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang kaso.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Mga KAPA members sa North Cotabato, makikiisa sa gagawing prayer rally ngayong araw sa General City

Tinatayang nasa isang milyong KAPA members ang makiisa ngayong araw sa isasagawang Prayer Rally sa Acharon Sports Complex, Calumpang, General Santos City.

Sa nasabing prayer rally ay hihilingin ng mga myembro kay President Rodrgio Duterte na wag ipasara at ipahinto ang operasyon ng KAPA. Sa Kidapawan city abot sa mahigit limang libo ang tumulak kahapon sa Gensan para makiisa sa naturang prayer rally.

Matatandaang pumalag ang ilang mga myembro sa lungsod matapos isagawa ang search warrant operation sa bahay ni KAPA Founder Pastor Joel Apolinario at iba pang branch ng KAPA.

Anila, malaking kawalan kong ipapasara ang KAPA lalo pa’t ang ilan sa kanila ay natulongan na ng KAPA. Sinagot naman ni Kidapawan KAPA Media Team Head Bong Encarnacion ang mga tanong ng mga myembro hinggil sa kung maibabalik pa ang pera ng mga myembro sakaling tuluyang mapasara ang KAPA. (Mark Tayco) NDBC BIDA BALITA

 

 

-0-

 

Sabwatan ng isang doktor mula Koronadal sa ilang mga ospital para sa maanomalyang claim, iniimbestigahan ng Philhealth 12

Nakatutok ang imbestigasyon ng Philhealth 12 sa umano ay pakikipagsabwatan ng isang doktor na taga Koronadal City sa may tatlong mga ospital. Ito ay kaugnay sa umanoy kinasasangkutan na maanomalyang pagbibigay ng benepisyaryo sa Philhealth.

Gayunpaman tumanggi muna si Philhealth 12 Legal Services Chief Atty Jusel Lubaton na pangalanan ang mga ito.

Pero ayon kay Lubaton ang kanyang mga tinutukoy ay minsan na ring nai-report noon ng media. Ipinahayag ni Lubaton sa isang pulong balitaan na tinatapos na nila ang kanilang fact-finding investigation dahil marami ang sangkot dito.

Sinabi ni Lubaton na naisunumite na nila para sa review at dagdag na imbestigasyon ng Philhealth central office ang inisyal na resulta ng kanilang fact finding. Dinagdag din nito na pinuri din ng Philhealth ang dalawang mga ospital dahil sa pagsasampa ng kaso sa nasabing doktor na maaring kasuhan din ng fact-finding at enforcement division ng Philhealth.

 

0-0-

 

Imbestigasyon sa mga operator ng investment scheme sa rehiyon, tiniyak ng regional director ng PNP 12

Patuloy pa riin na magsasagawa ng imbestigasyon sa mga investment scheme na nag-ooperate sa rehiyon ang Police Regional Office 12. Ito ang binigyan diin ni PRO 12 Regional Director Brigadaire General Eliseo Tam Rasco.

Ayon kay Rasco susuriin ng PNP sa pakikpagtulungan sa iba pang concerned na ahensya ng gobyerno kung ang mga investmet scheme na ito ay may kaukulang permit. Ipinagutos din ni Rasco sa mga police units sa region 12 na ipasara ang mga investment scheme na walang legal na dokomento para makapag-operate. Ito ang bilang pagsunod na rin sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Payo ni Rasco sa mga nais mag-invest sa mga investment scheme dapat alamin kung legal ang operasyon ng mga ito bago mag pay-in. Umapela din si Rasco sa mga mamamayan na kung sa tingin nila ay scammer ang kanilang ka-transaksyon agad itong isumbong sa ma pulis o National Bureau of Investigation o NBI. Babala naman ni Rasco sa mga operator ng investment scam hindi magaatubili ang PNP na kasuhan ang mga ito.

Binigyan diin ng nasabing police official na hindi business plan kungdi scam ang pamimintaha sa kita ng mga investors.

 

-0-

 

Retirement benefits at dagdag na honorarium tatangapin ng mga Barangay Health Workers sa South Cotabato

Kailangan nang malakip sa susunod na supplemental budget ng lalawigan ang pondo para sa retirement benefits at dagdag na honorarium ng mga Barangay Health Workers o BHW sa South Cotabato. Ito ang binigyan diin ni South Cotabato Board Member at SP Committee on Health Chair Ellen Grace Subere-Albios.

Sinabi ni Albios na ang paghahanap ng pondo para sa dagdag na benepisyo ng mga BHW sa South Cotabato ang una nitong ipapaliwanag kay incoming Governor Reynaldo Tamayo Jr.

Ayon kay Albios hindi kasi ito nalakip sa supplemental budget number I ng lalawigan na inaprubahan noong nakaraang buwan. Sinabi ni Albios na para mabigyan ng dagdag na benepisyo ang mga BHW kailangan ng pamahalaang panlalawigan ang P20 million. Nabatid na mula sa P300 itataas ng provincial government sa P400 ang buwanang honorarium ng mga BHW sa South Cotabato.

Ito ay maliban pa sa tinatanggap ng mga ito mula sa mga LGU. Ang mga magreretiro namang BHW sa South Cotabato ay mabibigyan ng mula P10,000 hanggang P15,000 na retirement benefits. Voice Clip….Si South Cotabato Board Member Ellen Grace Subere Albios.

 

-0-

 

Pantay na pakikitungo sa mga katutubo, hiniling sa pamahalaan ng katatalaga pa lamang na IPMR representative ng Sarangani

Tratuhin ang mga Indigenous Peoples o IP bilang katuwang sa pagunlad at hindi lamang benepisyaryo ng kanilang mga programa. Ito ang hiling sa gobyerno ng katatalaga pa lamang na si Sarangani Indigenous Peoples Mandatory Representative o IPMR Datu Benjamin Donato.

Si Donato na isang T’boli ay napili na ikalawang IPMR mula sa tatlong mga pangunahing IP Group sa Sarangani na kinabibilangan din ng B’laan at Tagakaulo.

Ayon kay Donato isusulong nito sa konseho ng Sarangani ang operationalization ng Indigenous Peoples Welfare and Development Division.

Sinabi ni Donato na suportado din nito ang makasaysayang legislation ng Ordinance Adopting the Comprehensive Indigenous Peoples Welfare and Development Code in Sarangani. Ito ay isinulong ng pinalitan nitong si Fredo Basino.

Ayon kay Donato bagama’t malayo pa ang kanilang lalakbayin ang pagtalaga ng IPMR ay maituturing na tagumpay sa politikal na pakikipaglaban ng mga IP.

 

0-0

 

Pangulong Duterte mamimigay ng Certificate of Land Ownership sa mahigit 12,000 mamamayan sa General Santos City ngayong araw.

Inaasahan ng mamamayan ng General Santos ang pagdatig sa syudad ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw. Ang pangulo ay mangunguna sa pamimigay ng certificate of land ownership o CLOA sa mahigit 12,000 na mga benefeciary ng Department of Agrarian Reform o DAR.

Ang mga ito ay umuukopa sa mahigit 24,000 ektaryang lupain. Makasasama ng Pangulo sa pamimigay ng CLOA si DAR Secretary John Castriciones.

Ayon kay Gensan Mayor Ronnel Rivera na napagalaman nito sa Office of the President na ipinagpaliban ang dapat sanay pagpunta ng Pangulo sa Gensan noong nakaraang linggo.

Sinabi din ni Rivera na wala itong alam kung pakay din ng pangulo sa Gensan ang pagimbistiga sa naglipanang investment scheme sa syudad at iba pang bahagi ng Region 12.

 

Metro Cotabato Water District announces water supply interruption for June 21-22

Water Service Advisory

What: Water Service Interruption

WHY: Repair of leaking 16" steel pipe transmission line along national...

2 patay sa magkahiwalay na pamamaril sa Tacurong City

TACURONG CITY- Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa dalawang kaso ng pamamaril sa Barangay Poblacion, Tacurong City kaninang umaga...

Reforming drug dependents in Malungon bouncing back

SARANGANI --- Thirty reforming drug dependents have completed livelihood skills training facilitated by the Malungon municipal government and the...

Cotabato Light open on June 20 (Araw ng Cotabato)

COTABATO CITY -- The Cotabato Light and Power Company (Cotabato Light) is openm to serve its clients on June 20, Thursday, a special non working...

Lola patay matapos mabundol ng passenger van sa Kidapawan

KIDAPAWAN CITY – Patay ang isang 66-anyos na lola makaraang mabundol ng isang pampasaherong Toyota D4D HiAce van sa national highway, Barangay...