Thursday Jun, 20 2019 03:03:22 AM

NDBC BIDA BALITA (5.30.19)

NDBC BALITA • 23:15 PM Thu May 30, 2019
207
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST MAY 30, 2019 (THU)
7:00 AM   

HEADLINES:   

1. LIMA KATAO, arestado, kabilang ang operator umano ng isang drug den, sa isinulunsad na buy bust operation ng mga otoridad sa Cotabato city.   

2. APAT KATAO, patay habang isa pa sugatan sa magkakahiwalay na mga insidente ng pamamaril sa Maguindanao kahapon.   

3. MAGSASAKA, patay sa pananaga ng sariling pamangkin sa Lake Sebu, South Cotabato.   

4. OPERASYON ng mga vape shop sa region 12, iligal umano, ayon sa Anti-Smoking Focal person ng Department of Health 12    

5. Army at NPA, nagkasagupa sa boundary ng North Cotabato at Davao Sur 

-0-

ANIM KATAO ang nadakip ng pinagsanib na tropa ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA-BARMM, Army’s 5th Special Forces Battalion, City Drug Enforcement Unit at Police Station 1 nang salakayin ng mga ito ang isang drug den sa Purok Talitay, Barangay Rosary Heights 7, Cotabato City pasado alas otso kagabi.   

Unang naglunsad ng buy bust operation ang mga otoridad laban sa suspek na si MICHAEL MOHAMMAD alyas Teng na siya ring operator umano ng naturang drug den.   Arestado rin sa naturang operasyon sina ABDULMANAN GANI MOHAMMAD alyas Faisal Mohammad, SILONGAN TATO PATADON, BENJIE ULOBALANG, SHERAD ABEDIN, at AMER HUSSIEN ALI ABEDIN na nasugatan sa inilunsad na operasyon.   

Nakatakas naman ang isang alyas Putok o Sammy.   Nakuha mula sa mga suspek ang isang sachet ng shabu na ibinenta ni Mohammad sa PDEA agent na nagkunwaring buyer, at dalawa pang sachets ng shabu na may timbang na 25 grams.   

Nabawi rin sa suspek ang sampung libong pisong marked money at nakuha ang ilang cellphones, mga drug paraphernalia at IDs.   

Kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kahaharapin ng mga suspek na nakakulong ngayon sa lockup cell ng PDEA BARMM.   

-0-

APAT KATAO ang nasawi sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Parang at Sultan Kudarat, Maguindanao kahapon.   

Patay ang mga biktimang sina Omar Pendi, 30 anyos at Esmail Mantal, 40 na pawang mga taga -Sitio Bayanga Sur, Matanog nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Parang.   

Sinabi ni Parang PNP Chief, Police Major Razid Ali na sakay ang mga biktima ng isang Isuzu Elf na may kargang mga mais na ihahatid sana sa Sultan Kudarat nang bigla dikitan sila ng riding tandem suspects at pagbabarilin sa bahagi ng Purok Kulimpang, Barangay Macasandeg pasado alas dyes ng umaga kahapon.   

Agad binawian ng buhay ang mga biktima matapos kapwa magtamo ng sugat ng pinaniniwalaang Calibre 45 na baril ang mga ito sa ibat ibang bahagi ng kanilang katawan habang mabilis namang tumakas ang mga salarin sa di malamang direksyon.     

Samantala, dead on the spot din ang legal consultant ng Pagalungan, Maguindanao na si Dayaba L. Kafi, 67 anyos at ang driver nitong si Danny Apostol 40 nang pagbabarilin sila ng hindi pa nakikilalang mga suspek na sakay ng Toyota Innova.   

Ayon kay Sultan Kudarat PNP Chief, Police Major Julhamin Asdani, patungo sana ng Davao city ang mga biktima sakay ng Toyota Wigo nang paulanan sila ng bala ng mga suspek pasado alas dose ng tanghali kahapon.   

Kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan ang dalawa na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.  

-0-

Idineklara ni Pangulong Duterte bilang non-working holiday ang June 5 bilang pagdiriwang ng mga Muslim sa buong bansa ng Eid’l Fitr.   

Nakasaad ito sa pinirmahang Proclamation 729 ng Pangulo.   Ang Eid’l Fitr ay ang pagtatapos ng Ramadan na isang religious festival na inoobserba ng mga Muslim sa buong mundo.   

Taong 2002 nang maging batas ang Republic Act No. 9177 na nag-aatas ng pakikibahagi ng bansa sa selebrasyon ng Eid’l Fitr kung saan ang eksaktong petsa ng paggunita nito kada taon ay naka-depende sa Islamic calendar.

-0-

NABULABOG ang mga residente ng Sitio Lining, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao matapos makarinig ng malakas na pagsabog ng hinihinalang Improvised explosive device o IED.   

Sa inisyal na report ng mga otoridad, pasado alas sais ng umaga kahapon nang bigla umanong sumabog ang bomba kaya agad namang rumesponde ang Explosives and Ordnance Disposal Team ng Philippine Army kasama ang mga pulis sa lugar.   

Wala namang nasaktan sa naturang insidente. 

Naniniwala naman ang pamunuan ng Army’s 601st Brigade na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF ang responsable sa pagpapasabog ng bomba.   

Posibleng target umano ng BIFF ang convoy ng mga sundalo na daraan sa national highway na bahagi ng Sitio Lining, Barangay Lower Salbo, Datu Saudi Ampatuan.  

-0-

UMAABOT sa one thousand and 46 human rights victims noong panahon ng martial law sa region 12 at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM ang tumanggap ng supplemental compensation mula sa mga ill-gotten wealth ng mga Marcos   

Ito ay mula naman sa kabuuang bilang na 1, 496 claimants sa SOCSARGEN at BARMM.   

Sinabi ni Claimants 1081 Executive Director Zenaida Mique na tumanggap ng tig 77 thousand, 500 pesos ang bawat claimant.   

Ito na aniya ang ikatlong bahagi ng kanilang distribusyon para sa supplemental compensation.   Sa kabila nito, may ilang mga claimant ang hindi kontento sa tinanggap na halaga pero marami rin naman ang nagsabing mabuti ng merong tinanggap kaysa wala.   

May mga nagpakilala ring claimant pero wala sa master list ng mga benipisyaryo kaya hindi nabigyan ng supplemental compensation.   

Paliwanag naman ni Migue, tanging ang mga human rights victim lamang na nakapagsumite ng aplikasyon at mga requirement sa Hawaii court kabilang na ang dalawnag proof of claims noong 1993 at 1999 ang nasa master list ng claimants.   Nabatid na sa buong bansa ay may mahigit pitong libong claimants ng supplemental compensation.

-0-

MAPAPAKINABANGAN NA ng mga batang mag-aaral sa Barangay Gambar, Mother Kabuntalan, Maguindanao ang anim na classrooms na ipinatayo ng Japanese government sa bayan.   

Kahapon, pormal na nai-turnover ng Japanese embassy sa pamamagitan ng kinatawan nitong si First secretary Manabu Yasukawa ang mga classroom sa Kabuntalan LGU na sinaksihan pa mismo ni Ministry of Basic, Higher and Technical Education Minister Mohagher Iqbal.   

Sinabi ni Iqbal na ang edukasyon ang pinakamabisang sandata para labanan ang paglaganap ng ektremismo kaya lubos siyang nagpapasalamat sa gobyerno ng Japan sa ibinigay nitong tulong sa mga batang mag-aaral ng bayan.   

Ang naturang mga silid-aralan ay naipatayo sa pamamagitan ng Grant Assistance for Grassroots Human Security Projects ng Embassy of Japan.  

-0-

 

Abot sa 63 na mga pamilya o 400 na mga indibidwal ang lumikas dahil sa takot na maipit sa gulo sa nangyaring engkwentro ng New People’s Army at kasapi ng 39th Infantry Battalion sa hangganan ng North Cotabato at Davao Del Sur. 

Sa naging panayam ngayong umaga kay 39th IB commanding officer Lt Col Rhodjun Rosales, nagsimula ang sagupaan alas 3:00 pa ng madaling araw hanggang alas 5:00 ng umaga kahapon. 

Ayon sa ulat, nakatanggap umano ng ulat ang militar na may presensya ng armadong grupo sa Sitio Bagong Silang, barangay Upper Bala dahilan para magsagawa ng pagpatrolya ang miyebro ng 39Th IB. Nakasagupa ng Scout platoon ng 39th IB ang nasa 30 hanggang 50 na mga NPA na pinamumunuan ni Eusenio Cranzo alyas “Commander Butsoy”. 

Wala namang nasugatan sa tropa ng gobyerno pero hindi pa malinaw kung may nasugatan sa panig ng NPA. Samantala, pansamantalang namalagi ang mga pamilyang lumikas sa sentro ng barangay Upper Bala. 

Patuloy naman ang clearing operations ng mga otoridad sa nasabing lugar. NDBC BIDA BALITA

-0-

 

Sugatan ang isang rubber tapper matapos na pagsasaksin sa Purok 1 barangay New Pontevedra, Antipas North Cotabato alas 8:50 ng gabi kamakalawa. 

Nakilala ang biktima na si Eduardo Pelon Elefan, 39 anyos habang ang suspek ay nakilalang si Carlos Fernadez Bacaoco, 34 anyos isa ding rubber tapper na kapwa nakatira sa nabanggit na barangay. 

Ayon sa ulat ng Antipas PNP, nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang biktima at suspek dahilan para magtamo ng sugat sa kanyang katawan si Elefan. Nadakip naman ang suspek sa tulong ni barangay Chairman Ronilo Navarro at agad na initurn over sa Antipas PNP. 

Habang ang biktima ay mabilis ding naisugod sa Arakan Valley District Hospital para sa agarang medikasyon. Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente. NDBC BIDA BALITA

-0-
 

 

Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad matapos pagbabarilin ang isang 36-anyos na lalaki alas-4:30 ng hapon kahapon sa Brgy Tunggol, Datu Montawal, Maguindanao. 

Kinilala ang biktima na si Muhairen Tagadaya, 36, may asawa na residente na nabanggit na barangay. Ayon sa ulat ng Maguindanao PNP, nakatanggap ang kanilang tanggapan ng isang tawag mula sa isang residente sa nabanggit na lugar na umano’y may nagyaring pamamaril. 

Agad namang rumesponde ang kapulisan ngunit agad ring nakatakas ang hindi nakilalang suspek matapos ang nasabing krimen. Sinugod naman sa ospital si Tagadaya na tinamaan ng bala sa kaliwa nitong balikat gamit ang kalibre .45 na pistola base na rin sa nakuhang ebidensya ng kapulisan mula sa crime scene. 

Nagpapagaling na ngayon ang nasabing biktima habang patuloy naman ang imbestigasyon ng PNP hinggil sa nasabing insidente. NDBC BIDA BALITA

-0-

 

Wala pang eksaktong petsa kung kailan maipalabas ang cash assistance ng mga senior citizen sa Kidapawan City. 

Ito ayon kay Office of the Senior Citizen’s Affairs head Melagrita Valdevieso sa panayam ng DXND RADYO BIDA KIDAPAWAN. Ang nasabing cash assistance ay buhat sa inaprubahang ordinansa na may numerong 19-1264 ‘an ordinance enacting the senior citizen welfare code of Kidapawan city’. 

P20,000 para sa mga senior citizen edad otsenta anyos, P30,000 para sa edad nubenta at P50,000 para sa mga isangdaang taon pataas na mga senior citizens. 

Layun nito na mabigyan ng dagdag tulong pinansyal ang mga senior citizens na naka-abot sa nabanggit na mga edad. Pero ayon kay Valdevieso ang IRR nang nasabing batas ay hindi pa nabalangkas at ito ay gagawin pa ngayong Hunyo 20-21. 

 Sa isang text message sinabi ni Mayor Joseph Evangelista na bagaman at aprubado na ang nasabing batas ay wala pa umanong pondo na nakalaan para dito. NDBC BIDA BALITA

0-0

 

Nahaharap sa panibagong kaso si North Cotabato Governor-elect Nancy Catamco, may kaugnayan pa rin sa fertilizer fund scam. 

Ang kaso ay inihain ng ombudsman sa Sandiganbayan noong Mayo a-17. 

Kasama sa mga idinadawit sa nasabing kaso ay ang dating mister ni Catamco na si Pompey Perez at ang dating alkalde na si Orville Fua ng Lazi, Siquijor. 

Nag-ugat ang nasabing kaso matapos na ma-award sa Perzebros Co., ng Lazi municipal government ang kontrata na pag-aari nina Catamco at Perez para mag-supply ng 1,866 na litro ng liquid fertilizer na nagkakahalaga ng P1,500 ang kada litro na may kabuuang P2.687 million nitong January 2005. 

Ayon sa ombudsman, nakipagsabwatan umano si Fua sa mga kapwa nito akusado para ma award ang nasabing kontrata sa kabila ng maanomalyang procurement process. 

Giit ng ombudsman na hindi umano nakalagak ng security performance bond ang Perzebros para matiyak ang paghahatid ng proyekto. 

Sa panayam ng Radyo-Bida kay North Cotabato Governor Elect Nancy Catamco, sinabi nitong bago niya lamang nalaman ang bagong kasong inihain laban sa kanya. 

Katunayan anya, walang nakarating na counter affidavit upang mainform iya hinggil dito, nabigla na lamang sila ng kanyang abogado at sinabi nitong parte lamang ito ng pulitika. 

Kasama din sa mga akusado ng nasabing kaso ay ang dating alkalde ng Poro, Cebu na si Edgar Rama matapos na masangkot sa maanomalyang pag-award sa P5 milyung kontrata sa pagbili ng fertilizer noong 2004. 

Maliban sa kawalan ng public bidding ay overpricing din umano ang supply ng mga fertilizer ng Perzebros na umaabot sa P4.58 milyun. 

Si Fua na nanalo ring board member ng Siquijor sa katatapos na mid-term eleksiyon ay nahaharap din sa isa pang kaso sa pamahalaang lokal ng Lazi hinggil sa pagbili ng fertilizer na umaabot sa P4.99 milyun mula sa isa pang pribadong supplier. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Biktima ng pagaabuso ng sarili nilang mga kaanak ang sampu mga kabataan sa South Cotabato noong 2018. Ito ay ayon kay South Cotabato PNP Women and ChildrenDesk Chief Lt. Jojie Alog. 

 Ang nakababahala pa ayon kay Alog, karamihan sa mga menor de edad na biktima ng incest sa lalawigan ay mga anak ng OFW. 

 Sinabi ni Alog na pinakabata sa mga ito ay kwatro anyos at pinakamatanda naman ay kinse anyos at nakatira sa mga liblib na lugar ng South Cotabato. Ipinahayag ni Alog na marami na ring mga suspek sa nasabing krimen ang naaresto at kinasuhan na ng PNP 

Ayon kay Alog para matulungan ang mga incest survivor, inire-refer nila ang mga ito sa Department of Social Welfare and Development o DSWD. Bukod dito ayon kay Alog mayroon ding non-government organization sa tumutulong sa mga ito. 

 Hiling naman ni Alog sa mga magulang lalong lalo na sa mga ina, pagisipan ng maraming beses ang pangingibang bansa dahil ito ay maaring ikapapahamak rin ng maiiwan nilang mga anak. 

-0-

 Vape shops sa rehiyon, iligal na nag-ooperate ayon sa Anti-Smoking Focal person ng Department of health 12. 

Walang ibinigay na permit sa alinmang establisemento na makapagbenta ng Vape ang Food and Drugs Administration. Kaya iligal ang operasyon ng mga Vape shops sa General Santos City at karatig lugar. 

 Ito ang binigyan diin ni Department of Health O DOH 12 Anti-smoking Focal Person Jenny Ventura. Iginiit ni Ventura na kailangan ang lisensya sa mga etablisemento na nagbebenta ng mga produktong nakakapasok ng katawan ng tao tulad ng Vape. 

 Karamihan sa mga Vape shops ay mayroon lamang business permit mula sa lokal na pamahalaan, at hindi kalakip dito ang tamang regulasyon sa kanilang mga produkto. 

 Ito ang ipinahayag ni Ventura kaugnay sa pagdami ng mga vape shops o outlet ng mga electronic o e-cigarettes sa Gensan at iba pang bahagi ng SOCCKSARGEN. 

 Ayon kay Ventura ang Vape na sa paniniwala ng iba ay alternatibo sa sigarilyo ay mayroong ding nicotine at addictive. 

 Ayon kay Ventura wala pang scientific study na magpapatunay na ligtas at nakakapagpatigil ng paninigarilyo ang paggamit ng Vape. Sa halip,ayon kay Ventura ang mga nais tumigil sa paninigarilyo ay maaring sumangguni sa kanilang mga health centers o health workers. 

0-0

LTO 12 Regional Director umapela sa mga car owners na kunin ang kanilang license plate Kunin na ang kanilang mga license plates. 

 Ito panawagan ni Land Transportation Office o LTO 12 Regional Director Macario Gonzaga sa mga may ari ng mga sasakyan na na-register mula July 2016 hanggang September 2018. 

 Ipinahayag ito ni Gonzaga matapos kumpirmahin na abot sa mahigit 60,000 na mga license plate ang handa nang ipamigay ng LTO 12 Office sa Koronadal City. Nilinaw ni Gonzaga na ang mga ito ay para lamang sa mga car o four-wheeled vehicles. 

 Nabatid na hinaharangan ngayon ng mga law enforcers ang mga sasakyang may temporary license plate. Ito ay para mabeperibika at mapayuhan ang mga may ari na dumulog sa LTO para matingnan kung dumating na ang kanilang license plate. 

 Ipinahayag ni Gonzaga na nagpapatuloy pa rin ang production ng mga license plate, kalakip dito ang mga pampalit at motorcycle plate mula 2015. Kampante naman si Gonzaga na maipamimigay na nila ang lahat na mga license plate sa unang quarter ng 2010. 

 Ayon kay Gonzaga mayroon na kasi ngayong sariling plate-making machine ang LTO. 

-0-

Magsasaka patay sa pananaga ng pamangkin sa Lake Sebu, South Cotabato 

 Dead on the spot ang isang magsasaka sa umano’y pananaga ng sariling pamangkin sa Lake Sebu, South Cotabato. 

 Kinilala ni Lake Sebu PNP OIC, Police Major Nathaniel Panaguiton ang biktima na si Jesus Talundata, 35 anyos at nakatira sa Sitio El-Dolog, Barangay Ned, Lake Sebu. 

 Ang biktimang si Talundata ay tinaga umano ng pamangkin na si John Rey Talundata, 35 years old isa ring magsasaka at nakatira din sa nasabing lugar. Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng mga pulis na matagal nang may alitan ang magtiyuhin. 

 Kaya nang magkita nataga ng suspek na si John Rey ang kanyang tyuhin. 

 Ang biktimang tyuhin ay agad na binawian ng buhay sanhi ng mga taga sa tiyan at likod. Habang ang tumakas na pamangkin ay naaresto sa follow up operation ng mga pulis at sundalo. 

 Nakuha sa kanya ng mga otoridad ang itak na umano’y ginamit sa krimen. Inihahanda na ng Lake Sebu PNP ang kasong pagpatay laban suspek na pumaslang umano sa sariling tiyuhin.

-0-

Nai-turn over na ng Department of Social Welfare and Development o DSWD 12 ang women center na kanilang ipinatayo sa malayong Barangay ng Aflek sa T’boli, South Cotabato. 

 Ang pasilidad ay magiging sentro ng livelihood, training , recreational, at counseling acitivities ng mga kababaihan. Makikinabang din sa proyekto ang mga kababaihan sa karatig barangay ng Aflek. 

 Ang mga ito ay ang mga barangay ng Maan, Mongokayo, Basag, Malubong, Talcon, Datalbob, at Lambangan. Ito ay ayon kay DSWD 12 Division Chief for Promotion Camelia Taha. 

 Nabatid na ang P2 million pesos na proyekto ay pinondohan sa pamamagitan ng Bottom-Up Budgeting o BUP Program ng gobyerno sa tulong ng United Nations Development Program. Samantala hindi na rin mamomroblema sa malinis na supply ng tubig ang mahigit 600 mga mamamayan sa barangay Kalamongog, Lebak, Sultan Kudarat. 

 Ito ay matapos mapagtayuan ng P1.4 million na potable water system. Ang proyekto ay naipatayo sa pagtutulungan ng mga mamamayan, lokal na pamahalaan at Kapit Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive Integrated Delivery of Social Services o KALAHI-CIDSS.

Metro Cotabato Water District announces water supply interruption for June 21-22

Water Service Advisory

What: Water Service Interruption

WHY: Repair of leaking 16" steel pipe transmission line along national...

2 patay sa magkahiwalay na pamamaril sa Tacurong City

TACURONG CITY- Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa dalawang kaso ng pamamaril sa Barangay Poblacion, Tacurong City kaninang umaga...

Reforming drug dependents in Malungon bouncing back

SARANGANI --- Thirty reforming drug dependents have completed livelihood skills training facilitated by the Malungon municipal government and the...

Cotabato Light open on June 20 (Araw ng Cotabato)

COTABATO CITY -- The Cotabato Light and Power Company (Cotabato Light) is openm to serve its clients on June 20, Thursday, a special non working...

Lola patay matapos mabundol ng passenger van sa Kidapawan

KIDAPAWAN CITY – Patay ang isang 66-anyos na lola makaraang mabundol ng isang pampasaherong Toyota D4D HiAce van sa national highway, Barangay...