Wednesday Dec, 11 2019 03:21:18 AM

NDBC BIDA BALITA (10.3.19)

NDBC BALITA • 10:00 AM Thu Oct 3, 2019
346
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. MIEMBRO umano ng MILF, patay sa pamamaril sa Cotabato City kagabi.

2. BARANGAY Kagawad at isa pa, arestado sa magkahiwalay na mga lugar sa North Cotabato.

3. COMELEC, kinansela na ang special election para sa first congressional district ng South Cotabato at lone district ng Gensan

4. Massive polio vaccination, prioridad ng Koroandal City govenrment

 

AT NGAYON SA DETALYE NG MGA BALITA 

 

-0-

 

Dead on Arrival sa ospital ang isang miembro umano ng Moro Islamic Liberation Front o MILF matapos na pagbabarilin ng motorcycle-riding tandem suspects sa Purok 8, Spring Site, Barangay Bagua 3, Cotabato City pasado alas siete kagabi.

Sa report ng Police Station 1, nakilala ang biktima na si Amid Asi Andatuan, 24 anyos, may asawa, isang habal-habal driver at taga Purok 6 ng naturang barangay.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nakaupo lamang umano ang biktima sa isang waiting shed sa lugar nang lapitan ng mga suspek at pinagbabaril.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa dibdib si Andatuan na kaagad isinugod sa pagamutan ngunit idineklara na itong dead on arrival ng mga doktor.

Nakuha naman sa crime scene ang tatlong mga basyo ng bala mula sa cal. 45 pistol na pinaniniwalaang ginagamit sa pamamaril sa biktima.

 

-0-

 

ARESTADO sa isang wanted person na may kasong homicide sa harap ng isang klinika, sa Gov. Gutierrez Avenue, Cotabato City pasado alas onse ng umaga kahapon.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Marcos Gampong, 51 years old na taga Brgy. Sapad, Matanog, Maguindanao.

Pinangunahan ni Parang PNP chief Police Lt. Col. Ibrahim Jambiran at Intelligence Operatives ng 1404th Regional Mobile Force Company ang pagdakip kay Gampong sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu ni RTC Branch 14 Judge Bansawan Ibrahim.

Una rito, ARESTADO rin ang isa pang lalaki sa isang checkpoint matapos itong mahulian ng hindi lisensyadong baril sa Brgy. Adaon, Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao pasado alas onse ng umaga kamakalawa.

Kinilala ang suspek na si Boy Sendad Gulam, 40 years old, may asawa at taga barangay Poblacion, Talayan.

Sa report ng pulisya, naharang umano ang suspek sakay ng kanyang motorsiklo matapos mapansin ng mga pulis ang kahina-hinalang ikinikilos nito.

Nang sitahin at kinapkapan ay nakuha mula kay Gulam ang isang cal. 22 revolver na walang serial number, at may apat na mga bala.

 

-0-

 

 

SUGATAN ang isang sundalo matapos na subukang awatin ang nagawawalang estudyante sa Indanan, Sulu.

Kinilala ni Joint Task Force Sulu commander Maj. Gen. Corleto Vinluan Jr. ang suspek na si Fersaudi Arabani, 2nd year college student na kumukuha ng  kursong Bachelor of Science in Information Technology sa Mindanao State University at taga barangay Asturias, Jolo.

Ayon kay Vinluan, umatake ang suspek pasado alas dose ng tanghali sa detachment ng barangay Kajatian, sa Indanan, Sulu habang sumisigaw ng allahu akbar o takbir.

Isang sundalo naman ang sugatan sa insidente na miyembro ng Army’s 35th infantry battalion.

Pinigilan kasi ng mga sunadalong naka-duty ang suspek habang nagwawala hanggang mabaril ito at mapatay.

Nakuha mula sa mga gamit ng suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu at isang bolo.

 

-0-

 

-0-

NABULABOG ang mga residente ng Oblate Drive, sa barangay Rosary Heights Mother matapos na magliyab ang isang kotse pasado alas kwatro ng hapon kahapon. 

Sa report ng Police Station 2, nakita na lamang ng mga residente sa lugar na nagmamadali umanong lumabas sa kotse ang tatlo katao kabilang ang isang bata at kasunod nito ay biglang nagliyab ang sasakyan.

Agad nagresponde sa lugar ang mga pulis at bomber at mabilis namang naapula ang apoy.

Patuloy na inaalam ng mga otoridad ang sanhi ng pagkasunog ng naturang sasakyan.

Samantala, duguan at walang malay na isinugod sa pagamutan ang isang batang lalaki matapos itong mahulog sa mataas na punong-kahoy sa Sitio Sarakan, Matanog, Maguindanao.

Nakilala ang bata na si NORHAM BALAO, siyam na taong gulang at residente ng nabanggit na lugar.

Kwento pa ng ama ng bata, pasado alas dos ng hapon kahapon nang umakyat si Balao sa puno ng Marang para manguha sana ng mga bunga nang aksidenteng madulas ito sa inapakang sanga at nalaglag.

Nabagok ang ulo ng bata at nabalian ng ilang buto dahilan upang isugod siya sa pagamutan at ngayon ay nasa malubhang kondisyon.

 

-0-

 

 

NAKUHANAN ng isa umanong nakaw na sasakyan o hotcar ang isang isang police official sa Marawi city.

Nabawi mula kay Marawi City Police Deputy Chief, Captain Santos Libres Monares ang isang puting Ford Everest na may temporary license plate at conduction sticker na IK 43400 sa loob ng himpilan ng pulisya sa Marawi City.

Nanguna sa operasyon ang mga tauhan ng Regional Highway Patrol Unit ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o RHPU-BARMM sa pangunguna ni Police Lt. Col. Hersan Mojica katuwang ang Anti-Carnapping Operatives at Regional Intel Division ng PNP-BARMM.

Ayon kay Mojica, matagal na nilang sinusubaybayan si Monares na umano ay gumagamit ng naturang nakaw na sasakyan.

Hindi nakapagpakita ng mga kaukulang dokumento si Monares na magpapatunay na pag-aari nito ang sasakyan kaya’t agad itong kinumpiska ng mga otoridad.

Ayon naman kay Monares, nabili umano niya ang sasakyan sa isang opisyal ng pulisya mula sa PNP-10.

Sinampahan na ng kasong kasong paglabag sa PD No. 1612, section 5 ng RA 10883 sa Marawi City Prosecutors Office si Monares at ang nabawing nakaw na sasakyan ay hawak n ngayon ng Regional Highway Patrol Unit-BARMM at naka-impound sa tanggapan nito sa Cotabato City.

 

-0-

 

INAALAM PA ngayon ng mga otoridad ang motibo sa pagbaril at pagpatayu sa isang dating barangay kagawad sa Brgy. Poblacion, President Quirino, Sultan Kudarat.

Kinilala ang biktima na si Binhan Calido, may asawa at residente ng Brgy. San Jose ng naturang bayan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sinundan umano ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang biktima nang pumasok ito sa isang videoke bar at saka pinagbabaril.

Nabatid na isang drug surenderee sa ilalim ng Oplan Tokhang si Calido.

 

-0-

 

October 3, 2019 P5 Million na halaga na Indigenous People o IP center sa Kidapawan City, pormal nang binuksan

Pinangunahan ni City Mayor Joseph Evangelista ang pagbubukas ng bagong IP hall sa Kidapawan City kamakailan. Ito ay kasabay na rin ng National Indigenous People’s Month ngayong oktubre sa bisa ng Presidential Proclamation No.1906.

Nagkakahalaga ng abot sa limang milyong piso ang naturang gusali na mas kilala bilang IP center, isang complex na makikita sa Kidapawan City plaza. Ayon sa alkalde na ang fully air-conditioned na istruktura ay ang katuparan ng kanyang pangako sa mga miyembro ng IP communities sa 40 barangays ng lungsod.

Nabatid na ang dalawang palapag na gusali ay limampung bahagdan nang tapos at ang second floor ay inaaasahang matatapos sa loob ng taong 2019 o mas maaga sa susunod na taon.

Ang multi- purpose hall ay magsisilbi ding meeting place para sa mga IP's at livelihood training center ng mga kababaihang katutubo. Ang mga tribal costumes at magagandang multi-colored habing tela ay idi-display sa isang maliit na museum kung saan ilalagay sa loob ng center. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Barangay Kagawad at isa pa huli ng PNP matapos isilbi ang warrant of arrest sa magkahiwalay na lugar sa North Cotabato

Arestado ng Magpet PNP ang isang barangay kagawad ng Magpet, North Cotabato matapos isilbi ng mga otoridad ang warrant of arrest mula sa korte bandang 8:30 ng umaga kahapon sa Brgy Noa, Magpet, North Cotabato.

Kinilala ni Magpet PNP Chief Police Captain Rolando Dillera Jr. ang naarestong suspek na si Ernesto " Erning" Bancas Tibayan, 48-anyos, may asawa, residente ng nasabing lugar at siyang incumbent Brgy Kgwd ng Brgy. Noa sa nabanggit ng lugar.

Ang warrant ni Tibayan ay inisyu ni Judge Henelinda Molina Diaz ng RTC 12 Branch 61 Kidapawan City, na may criminal case numbers 4333-2017 at 43337-2017 dahil sa 5counts ng kasong attempted murder. Katuwang ng PNP sa pagsilbi ng warrant of arrest ang Regional Intelligence Division 12 at 72nd Infantry Battalion ng Philippine Army.

Samantala, huli rin Kidapawan City PNP ang isang Ronilo Satera Nuñez, 30-anyos, walang asawa na residente ng New Bohol, Kidapawan City, alas 10:50 ng umaga kahapon.

Ang warrant of arrest ni Nuñez ay inisyu ni Judge Henelinda Molina Diaz ng RTC 12 Branch 61 Kidapawan City, na may criminal case number 4693-2018 dahil sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act na may petsang Januray 9, 2019. Kulong na ngayon ang dalawa sa custodial facility ng PNP at hinihintay na lamang ang commitment order sa korte. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Tatlong mga establisyemento sa Kidapawan City, kinandado ng BIR dahil sa paglabag sa Tax Code

Pinangunahan ng Bureau of Internal Revenue o BIR Kandado Team sa ilalim sa RDO 108 ang pagpapasara ng tatlong mga establisyemento sa Kidapawan City bandang alas-10 ng umaga kahapon para ihain ang isang closure order.

Ito ay ang Jervoso's Place na isang kainan, Jervoso's Bakeshoppe at Ukay-ukay store nasa national highway ng lungsod. Ang nasabing establisyemento ay pag-aari ni Evangaline Morala at siya mismong nakatanggap ng closure order mula sa nasabing ahensya.

Ayon kay BIR Legal Officer Atty. Joseph Arguelles, nakitaan ng paglabag ang nasabing establisyimento sa section 115 ng tax code kung saan mahigit sa 30% ng kanilang mga sales ay hindi deklarado. Isa din sa naging grounds kung bakit inihain ang temporary closure ay ang hindi pag-issue ng resibo ng nasabing tindahan.

Ayon pa sa BIR na bago pa inisyu ang temporary closure order ay dumaan muna ito sa proseso sa pamamagitan ng dalawang linggong surveillance. Binibigyan din sila ng 48 oras para ipaliwanag ang kanilang mga violations at 5 day VAT Compliance Notice para i-comply at ituwid ang kanilang tax payment.

Ang nasabing closure order ay pirmado ni Deputy Commisioner-Operations Arnel Guballa. Kaugnay nito nagpaalala naman ang BIR sa lahat ng mga negosyante na palaging mag-isyu ng resibo kapag may bumibili. Maliban sa nasabing establisyemento, may ilang pang mga business establishment sa lungsod na posible ring ipapakandado ng BIR kung makitaan ng mga paglabag. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Ekta-ektaryang palayan at ilang pamilya mula sa bayan ng Kabacan, North Cotabato, apektado ng pagbaha

Apektado ang mga palay farmers sa bayan ng Kabacan dahil sa naranasang pag-ulan sa probinsya ng North Cotabato martes ng gabi.

Ayon kay Muncipal Disaster Risk and Reduction o MDRRM officer David Don Saure, ekta-ektaryang palayan ang nasira mula sa ibat-ibang Barangay ng bayan resulta sa pag-apaw ng Kabacan at Pulangi rivers sa lugar. Bukod sa mga palay ay lubos ding naapektuhan ang mga pananim na gulay ng mga residente at hindi na mapapakinabangan.

Dahil sa patuloy na pag-ulan sa lugar ay pumasok na din sa ilang mga bahay na abot hanggang tuhod ang tubig baha.

Sinuspinde rin ang klase ng mga mag-aaral kahapon sa Kabacan, Pilot Central School upang masigurong ligtas ang mga mag-aaral dahil abot tuhod na rin ang tubig at pumasok sa mga silid at kabilang na dito ang mga aklat at ilan pang mga reading materials ng mga estudyante at guro.

Samantala, patuloy naman ang monitoring ng tanggapan lalo na sa mga lugar na madalas binabaha at umaapaw ang tubig. Pinayuhan din nito ang mga mamamayan na maging alerto at agad na lumikas sa ligtas na lugar kung makakaranas pa ng patuloy na pag-ulan.

Hiling din nito sa mga Barangay Officials na agad magreport at makipag-ugnayan sa MDRRM council kung kailangan ng lumikas ang mga pamilyang apektado ng pagbaha.

Sa ngayon ay patuloy pa ang validation ng lokal na pamahalaan kung magkano ang iniwang danyos ng nasirang produkto dulot ng pagbaha. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

Lalaki, nakuhanan ng di lisensyadong armas sa Kidapawan City

Kasong paglabag sa RA 10591 ang kakaharapin ng isang lalaki matapos itong makuhanan ng baril sa ikinasang operasyon kontra loose firearms Purok Tambis, Alim street kidapawan city alas 5:30 ng hapon kahapon.

Ang operasyon ay magkatuwang na isinaga ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG at Kidapawan City PNP. Kinilalala ang naaresto na si Benny Dugaduga Panibarat na residente ng nasabing lugar.

Ayon sa report, nakatanggap ng reklamo ang PNP hinggil sa pagtatago ng armas ng at isinailalim sa surviellance suspek dahilan para ikasa ang operasyon.

Nakuha mula sa suspek ang isang caliber 45 pistol, isang magazine na may lamang limang mga bala at ang isang motorsiklong ginagamit ng suspek. Sa ngayon ay naka kustodiya na sa Custodial Facility ng CIDG ang suspek at inaantay nalang na maisampa ang kaso laban sa kanya.(Mark Tayco)

 

-0-

 

Comelec kinansela ang special election sa first congressional district ng South Cotabato at lone district ng Gensan

Tuluyang nang kinansela ng Commission on elections o Comelec ang special election para sa bagong hati na unang distrito ng South Cotabato at lone district ng General Santos City sa October 26.

Ayon kay Comelec 12 Spokesperson, Atty. Rafael Dinopol ito ay bilang pagtalima na rin sa desisyon ng korte suprema noong September 10. Ito ay ang pagsasawalang bisa sa pagkilala ng Comelec sa resulta ng eleksyon sa nasabing mga lugar noong Mayo.

Ayon kay Dinopol hindi na nila kukuwestyunin ang ruling ng SC. Sa halip ayon kay Dinopol ay itutuloy nila proklamasyon ni dating Gensan City Vice Mayor Shirlyn Banas-Nograles bilang nanalong representative ng first district ng South Cotabato at Gensan.

Sa memorandum ng Office of the Comelec Secretary noong noong Lunes nakasaad na nagdesisyon ang Comelec en banc na iproklama si Nograles. Kasunod ito ng kanilang pagpupulong noong September 25. Inatasan din nito sina Comelec Executive Director Jose Tolentino Jr at Deputy Executive Director for Operations Bartolome Sinocruz Jr. na paghandaan ang proklamasyon ni Nograles.

Ayon kay Dinopol, sa ngayon ay hinihintay na lamang ng Comelec Central office na mapaso ang 15 araw na palugit para sa filing ng motion for reconsideration. Ipinahayag ni Dinopol na iniatas din ng Supreme Court sa Comelec ang pag-convene ng special board of canvassers para maiproklama si Nograles.

Sinabi ni Dinopol na si Nograles ay maaring iproklama sa Maynila o sa Gensan depende sa guideline ng Comelec. Matatandaan na sinuspinde ng Comelec ang election sa first district ng South Cotabato noong Abril. Ito ay isang buwan matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11243 na maghihiwalay sa Gensan sa unang distrito ng South Cotabato. Itinakda naman ng Comelec ang special election anim na buwan matapos ang May 13 midterm election.

 

0-0

 

Mahigit 1.4 kilograms ng umanoy shabu nakumpisa ng PDEA 12 sa unang siyam na buwan ng 2019

Nakakumpiska ng mahigit 1.4 kilograms ng suspected shabu ang mga kasapi ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12 mula January hanggang October 2,2019. Ito ay ayon kay PDEA 12 Regional Director Naravy Duquiatan.

Bukod dito ayon kay Duquiatan, nakakumpiska din sila ng may 1.6 kilograms na dried marijuana leaves at mahigit 1,000 fully grown marijuana plants. Ang mga ito ayon kay Duquiatan ay nagkakahalaga ng mahigit P9.9 million pesos.

Dinagdag din nito na ang anti illegal drug operation ng PDEA sa nakalipas na mga buwan ay nagresulta din sa pagkaaaresto nila sa 288 na mga drug personalities. Kasunod naman ito sa pinaigting na kampanya kontra illegal drugs ng PDEA 12.

Iginiit ni Duquiatan na seryoso ang PDEA sa kanilang anti-illegal drug campaign.

 

-0-

 

Unang LGU-operated skills training center sa region 12 ipatatayo sa Lambayong, Sultan Kudarat

Pinabibilis ni Lambayong Sultan KUdarat Mayor Ferdinand Agduma ang proseso ng mga papeles para sa skills training center na ipatatayo sa kanilang lugar.

Ayon kay Agduma target kasi nilang maipatayo ang Lambayong Manpower Development Center ngayong 2019. Sinabi ni Agduma na maliban sa mga papeles hinihintay din nila ang pagdating ng mga equipment para sa nasabing pasilidad.

Ayon kay Agduma nais kasi nito na may standard at kumpleto na equipment na magagamit ang mga estudyante na magsasanay sa training center.

Ang nasabing proyekto ay suportado ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA 12

Kaugnay nito, umaasa si TESDA 12 Regional Director Rafael Abrogar II na mapalawak pa ang scholarship program ng lokal na pamahalaan ng Lambayong. Ito ay sa tulong ng kanilang provincial office sa Sultan Kudarat Sinabi ni Abrogar na unang tumugon sa hiling nila sa mga LGU na magtatag ng sariling skills training center ang Lambayong.

Plano ng Lambayong LGU na unang mapagaralan sa pasilidad ang Automotive Servicing at Computer. Ayon kay Abrogar dahil sa lawak at laki nito kayang i-accommodate ng Lambayong Manpower Development Center ang mahigit 100 katao.

 

-0-

 

30 preso sa provincial jail unang makikinabang sa Balay-Silangan Reformatory Center sa Tupi, South Cotabato

Kabilang sa unang makikinabang sa kabubukas pa lamang ng Balay-Silangan Reformatory Center sa bayan ng Tupi ang 30 mga inmate sa provincial jail ng South Cotabato.

Ang mga ito ay kabilang sa 53 mga nakapag-avail ng plea bargaining agreement na nabigyan na ng court order.

Ayon kay OIC Provincial Jail Warden Felicito Gumapac, ang mga ito ay nakatakda na sanang ipadala sa Cagayan de Oro City para doon isailalim sa reformation.

Kaugnay nito, ipinagpasalamat naman ni Gumapac ang pagbubukas ng reformatory center sa Tupi. Sinabi ni Gumapac na dahil dito, hindi na kailangan pa ng mga inmate sa provincial jail na ipadala sa ibang lugar.

Sa ganitong sistema kasi ayon kay Gumapac ay doble ang kanilang nagagastos lalo pa kung kasama din ang pamilya ng mga inmate. Maaring makinabang sa plea bargaining ng korte ang mga hindi pa gaanong malala ang pagkakalulong sa iligal na droga.

Ang Balay-Silangan sa Tupi ay kauna unahan na reformatory center para sa mga drug personalities na pinamamahalaan ng provincial government sa region 12.

 

-0-

 

Health Office magpapatupad ng massive polio vaccination sa Koronadal City

Sisimulan na ng health office ang malawakang polio vaccination sa mga mamamayan ng Koronadal.

Target nito ang mga bata na nasa limang taong gulang pababa. Ito ay ayon kay Koronadal City Health Office OIC Dr. Edito Vego. Sinabi ni Vego na para sa mas maayos na pagpapatupad ng anti polio vaccinationn magkakaroon sila ng iskedyul sa mga health centers.

Ito ay bukod pa sa pagiikot mismo sa mga bahay ng mga staff ng city health office.

Tiniyak ni Vego na matagal nang subok at ligtas ang bakuna kontra polio. Magbibigay din ito ng habang buhay na proteksyon laban sa nasabing karamdaman.

Igniit ni Vego na walang gamot sa Polio at maiiwasan lamang ito sa pamamagitan ng pagpapabakuna. Sinabi ni Vego na sa kabila ng pagiging polio-free pa rin ng Koronadal, hindi dapat manging kampante ang mga mamayan ng lungsod.

Bunsod ito ng pagdeklara ng Department of Health o DOH ng polio outbreak sa bansa makalipas ang 19 taon. Nauna nang nanawagan si South Cotabato Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr sa mga magulang na pabakunahan ng polio vaccine ang kanilang mga anak. Ayon kay Aturdido libre ang polio vaccination sa mga health centers.

 

-0-

 

National news

NAKIPAGPULONG si P. Duterte kay Prime Minister Dmitry Medvedev bilang bahagi ng official visit ng pangulo sa Russia.

 

Ipinarating ng pangulo ang kanyang kagalakan na muli silang nagkita ng Russian prime minister.

 

Tinanggap ni Medvedev si P. Duterte sa gusali na tinatawag ding “White House”.

 

Nagpasalamat naman ang pangulo sa mainit na pagtanggap at hospitality sa delegasyon ng Pilipinas.

 

Ayon sa pangulo, dapat mapanatili ang magandang ugnayan ng Pilipinas at Russia.

 

Tiniyak ni Medvedev na interesado ang Russia na matupad ang iba’t ibang proyekto sa Pilipinas sa larangan ng transportasyon, enerhiya at agrikultura.

 

Sa iba pang balita, sumalang na sa public interview ng Judicial and Bar Council ang apat na mga mahistrado na na balak maging susunod na Chief Justice.

 

Kahapon ng umaga ay sumailalim sa interview sina Associate Justices Diosdado Peralta at Jose Reyes, Jr. at hapon naman sina Associate Justices Andres Reyes, Jr. at Estela Perlas-Bernabe.

 

Ang public interview ng JBC ay isinagawa ilang araw bago ang nakatakdang pagreretiro ni Chief Justice Lucas Bersamin sa October 18.

 

 

Sa kabilang dako pa, isinusulong ngayon sa Kamara ang resolusyong imbestigahan ang posibleng pagmamanipula sa presyo ng mga produktong petrolyo ng mga kumpanya ng langis.

 

Sa House Resolution 390 na inihain ni Marikina City Rep. Stella Quimbo, nais nitong ungkatin ang dahilan ng biglang pagsipa ng presyo ng langis nuong nakaraang linggo.

Sinabi ni Quimbo na noong September 23 ay inihayag ng oil companies sa Senate Committee on Energy na sapat ang kanilang suplay at handa ring bumili ng langis sa ibang bansa maliban sa Gitnang Silangan upang hindi maapektuhan ng drone attack sa oil facility ng Saudia Arabia ang presyuhan nito.

Isa rin sa tinukoy ni Quimbo na dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis sa bansa ay ang hindi tamang paggamit ng pricing formula ng DOE.

 

 

 

 

 

 

P34 million worth of shabu seized in Tawi-Tawi bust

COTABATO CITY - Authorities seized P34 million worth of shabu from three drug traffickers who fell in an entrapment operation Tuesday in Bongao...

Mayor Sayadi wants ML to stay, saying it helped improved city peace and order

COTABATO CITY – If she had her way, Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi prefers that Martial Law in Mindanao stays.

...

Cartoon characters in SoCot Christmas festival wow public

KORONADAL CITY - Cartoons are not just for kids anymore.

The South Cotabato Provincial government understands that all...

Performance management training for BTA staff held

COTABATO CITY – The Office of the Parliament Speaker organized a three-day ‘Total Performance Management (TPM)’ training for Bangsamoro...

Explosives, war materiel seized by gov't troops in Zambo Norte

ZAMBOANGA CITY - Operating troops from the Bravo Company of the 97th Infantry Battalion recovered explosives and war materiel after a clash in...