Thursday Oct, 17 2019 01:37:19 PM

NDBC BIDA BALITA (10.2.19)

NDBC BALITA • 16:15 PM Wed Oct 2, 2019
207
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. COTABATO CITY at buong region 12, nananatiling polio-free.

2. TATLONG drug suspects, arestado sa magkahiwalay na buy-bust operation ng PNP sa Kidapawan City

3. AMA, patay matapos maaksidente habang ihahatid sana ang anak na guro sa isang paaralan sa T’boli, South Cotabato

4. Region 12, polio free pa din, ayon sa DOH

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA…. SUSUNOD’

 

NANANATILING LIGTAS at polio-free pa rin ang Cotabato city.

Sinabi ni City Health Officer Dr. Meyasser Patadon na ito ay sa kabila ng napabalitang may tatlong buwang gulang na sanggol sa lungsod na ngayon ay nasa ospital matapos makitaan ng mga sintomas ng poliomylitis gaya ng lagnat at pagka-paralisa ng binti nito.

Giit ni Patadon, wala pang resulta ang isinagawang laboratory test sa specimen na mula sa sanggol kaya hindi pa nito masasabi na polio nga ang sakit ng bata.

Ayon kay Patadon, walang gamot sa polio virus pero maiiwasan ito sa pamamagitan ng pagpapabakuna.

Kaya panawagan ng city health officer sa mga magulang na huwag mabahala at sa halip ay agad na magtungo sa pinakamalapit na ospital o health center para sa oral polio vaccine sa mga bata na may edad limang taon pababa.

Samantala, nakatakda namang magsasagawa ng mass immunization ang city health office sa lungsod sa mga susunod na araw.

 

-0-

 

Buong rehiyon 12, wala pang naitalang kaso ng polio – ayon sa Department of Health Kinumpirma ng Department of Health o DOH na polio free ang mga lugar sa region 12.

Sa naging panayam kay DOH 12 Regional Manager ng National Immunization program Jane Montañer, sinabi nitong mas pinapalakas pa ngayon ng ahensya ang kanilang kampanya hinggil sa pagpapabakuna ng mga magulang sa kanilang anak na limang taong gulang pababa. Bagama’t wala pang kumpirmadong kaso ng polio sa buong region 12 ay umapela itong huwag pakampante at tangkilikin ang bakuna laban sa sakit na polio.

Ayon sa report ng DOH, peligroso ang vaccine-derived polio virus o virus na galing sa bakuna na idinumi ng isang bata. Anya, dapat ay tatlong beses mapabakunahan kontra polio ang isang bata sa kanyang unang anim na linggo, pangalawa ay sa ika-sampung linggo at ika-labing apat na linggo ng isang sanggol.

Sinabi niya, nasa 62 percent lamang sa kabuuang bilang ng mga bata sa region 12 ang kumpletong napabakunahan at ito ay mababa kumpara sa 95 percent na target ng ahensya. Isa sa mga dahilan ng pagbaba ng bilang ng mga magulang na nagpapabakuna ay ang isyu ng dengvaxia vaccine. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Local………………..

SINAMPAHAN NA ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Drugs Act of 2002 ang dalawang mga magsasakang nadakip sa ikinasang anti-illegal drugs operation ng mga otoridad sa Pigcawayan, North Cotabato.

Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Aladin Makuyag Aron, 37 years old, may-asawa, at taga Brgy. Ulas, Sultan Kudarat, Maguindanao at Mohamad Aloden Roma, 34, may-asawa, at taga Brgy. Tabuan, Parang, Maguindanao.

Sa report ng Pigcawayan PNP, nadakip ang dalawa sa Barangay Balacayon, Pigcawayan habang nagroronda ang mga opisyal ng barangay pasado alas dose ng tanghali kamakalawa.

Nakuha mula sa mga suspek ang tatlong sachets ng shabu at motorsiklong ginagamit ng mga ito sa paghahatid umano ng mga iligal na droga sa kanilang mga buyer sa lugar.

Kalaboso na ngayon sa lockup cell ng Pigcawayan PNP ang mga suspek.

 

-0-

 

IPAGPAPATULOY umano ng bagong upong alkalde ng Sultan Sa Barongis, Maguindanao na si mayor Alfizzar Angas ang mga magagandang proyekto at programa ng kanyang yumaong tiyuhin na si dating Mayor Ramdatu Angas.

Si mayor Afizzar Angas na dating bise alkalde ng bayan ay naitalagang bagong mayor nitong September 16 batay sa rule of succession matapos na mamamatay sa sakit ang uncle nito.

Ayon kay Mayor Alfizzar, tututukan niya ang pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa kanilang mga mamamayan sa pamamagitan ng programang Rural Action for Humanitarian ang Meaningful Assistance o RACHMA.

Isinusulong din ng alkalde ang sports at edukasyon lalo na sa mga out of school youth upang makaiwas ang mga ito sa iligal na droga at hindi mahikayat na sumali sa mga ekstremistang grupo.

Samantala, nagpatawag din ng Municipal Peace and Order Council Meeting si mayor Alfizzar upang malaman ang Peace and Security situation sa bayan katuwang ang AFP, PNP, LGU Officials at iba pang Stakeholders.

 

-0-

 

TINATAYANG umaabot umano sa 350 thousand pesos ang damyos sa paghagupit ng malakas na hangin sa ilang mga bahay sa Tacurong City.

Sinabi ni Tacurong City Disaster Risk Reduction and Management Council Officer Rodrigo Jamorabon na labis na apektado ang barangay Baras sa nasabing lungsod kung saan limang mga bahay ang totally damaged dahil sa insidente.

Nabunot din umano ang apat na malalaking punong-kahoy sa nasabing barangay dahilan para madaganan ang isang bonggo truck at ang pader ng Josue Alcasid Central Elementary School. Gayunman, wala namang nasaktan sa naturang pangyayari.

Tiniyak naman ng Tacurong City LGU na magbibigay ng tulong sa mga apektadong residente.

 

-0-

 

ABOT sa 397 na mga titulo ng lupa ang naipamahagi ng Department of Environment and Natural Resources o DENR sa ilang mg mamamayan ng Isulan, Sultan Kudarat.

Sinabi ni DENR Secretary Roy Cimatu na ito ay bahagi ng “Handog Titulo” program ng kanilang ahensya na isa sa 10-point socio-economic agenda ni P. Duterte.

Ayon kay Cimatu, layunin nitong matiyak na mabibigyan ng pabahay at lupa ang mga mahihirap na mga Pilipino.

Mismong si DENR 12 Assistant Director for Technical Services Ma. Socorro Lanto ang pamamahagi ng mga titulo katuwang ang Land Registration Authority.

Bago ito ay namahagi rin ng 300 land titles ang DENR 12 sa ilang mga residente ng Matalam, North Cotabato.

 

-0-

TIMRA News

ARESTADO ang mataas na opisyal ng New People’s Army o NPA na itinuturing na “top 1 wanted terrorist” sa Agusan Del Sur.

Kinilala ang suspek na si Rachel Cortez Daguman, 44 anyos na kilala rin bilang Alyas Kumander Jasmin, alyas Yude at alyas Raya na nadakip sa isang palengke kahapon.

Si Daguman na tumatayong secretary ng Front Committee 51 ng rebeldeng grupo ay misis ni Kumander Benjie Pahak, isang mataas na lider ng NPA na napatay noong 2005.

Si Daguman ay mayroong warrant of arrest sa kasong robbery with homicide mula sa korte sa Digos City

Nakatakda siyang dalhin sa North Cotabato para isailalim sa paglilitis kaugnay ng kinakaharap na kaso.

Sa iba pang balita, nasabat ng Bureau of Customs o BOC ang 93 mga kahon ng sigarilyo na nagkakahalaga ng 2.4 million pesos na ipinuslit sa Port of Zamboanga.

Katuwang ng BOC sa operasyon ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Task Force Aduana, Naval Intelligence and Security Group Western Mindanao at Naval Special Operations Unit.

Isinagawa ang joint anti-smuggling operation sa karagatang sakop ng Istanbak, Lower Calarian, Zamboanga City.

Sinabi ni BOC-Zamboanga District Collector Atty. Segundo Sigmundfreud Barte Jr. na nakatanggap sila ng impormasyon ukol sa smuggled na mga sigarilyong sakay ng MJ Champion, isang bangkang gawa sa kahoy na kilala sa tawag na “Jungkung” na galing sa Jolo, Sulu at papuntang Magay at Sta. Cruz Public Market sa Zamboanga City.

Naglabas ng Warrant of Seizure and Detention laban sa mga puslit na sigarilyo para sa paglabag ng Executive Order No. 245 o Customs Modernization and Tariff Act.

Parehong hakbang ang isinagawa laban sa bangkang MJ Champion dahil sa pag-transport ng smuggled cigarettes.

Ayon sa otoridad, maaaring galing sa Malaysia at Indonesia ang mga kontrabando.

 

-0-

 

Pagsunod sa drug-clearing program ng gobyerno iniutos sa mga barangay officials ng gobernador ng South Cotabato

Tiyakin na drug-cleared ang kanilang mga lugar bago pa man ang deadline sa October 17. Ito ang utos ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. sa mga barangay officials ng lalawigan.

Sinabi ito ni Tamayo matapos mabatid sa 3rd Quarter ng Joint meeting ng Provicial at Municipal Anti Drug Abuse Council na marami pa ring mga barangay sa South Cotabato ang bigo sa kanilang anti-illegal drug campaign.

Ayon sa datus ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12, 57 sa 199 na mga barangay sa South Cotabato ang apektado pa rin ng iligal na droga. Ayon kay PDEA 12 Regional Director Naravy Duquiatan, 42 sa mga ito ay slightly affected, at 15 naman ang moderately affected.

Igniit ni Duquiatan na seryoso sa kanilang drug-clearing program ang PDEA. Ito ay dahil naging consistent winner sa Seal of Good Local Governance o SGLG Award ang mga bayan ng Tupi at Surallah. Paliwanag ni Duquiatan makaapekto kasi sa function ng isang Anti Drug Abuse Council o ADAC ang hindi pagtalima ng ilang barangay sa drug clearing program.

Ayon PDEA 12, lima sa mga brangay na bigong makapagsumite ng kanilang drug clearing folders ay nasa Koronadal City, tatlo sa Polomolok, 11 sa T’boli, apat sa Banga,lima sa Lake sebu, anim sa Norala, apat sa Sto. Nino, at 13 sa Tupi.

Ayon kay Duquiatan bagamat kumpleto ang drug clearing folders sa mga bayan ng Tantangan, Tampakan at Surallah, kulang naman ang mga ito sa iba pang mga requirement.

Bilang head ng PADAC ininutos ni Tamayo sa konseho ang maigting na monitoring sa drug clearing program sa nasabing mga LGU.

 

-0-

 

Pondo para sa rice procurement program aprubado na ng Sangguniang Panlalawigan ng South Cotabato.

Kinatigan ng mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan ang paglalaan ng P10 million para pambili sa produkto ng mga magsasaka sa South Cotabato na idinadaing ang mababang presyo ng palay. Kinumpirma ito ni South Cotabato Vice Governor at SP Presideng Officer Vicente De Jesus.

Pero ayyon kay South Cotabato Provincial Agriculture Officer Justina Navarete kulang pa rin ang nasabing pondo. Ang mahalaga ayon kay Navarete ay masisimulan ang rice procurement program ng pamahalaang panlalawigan.

Dinagdag nito na isusulong nila ang P20 million pesos na budget para sa nasabing programa sa susunod na taon.

Sinanabi ni Navarete na abot lamang sa mahigit 500 metrikong toneladang palay ang kayang bilhin ng nasabing halaga sa presyong P19 per kilogram. Ito ay mas mababa sa inaasahan nilang mahigit sa 117 thousand metric tons na aanihin ng mga magsasaka ngayong taon.

Sinabi ni Navarete na ang produktong palay ng mga magsasaka ay bibilhin ng partner cooperative ng provincial government na BINTICO sa bayan ng Surallah. Dinagdag din nio na magkakaroon din sila ng massive listing mga magsasaka sa lalawigan na maaring makinabang sa rice procurement program. Kailangan lamang ng mga magsasakang kumuha ng sertipikasyon sa kanilang mga municipal agriculture office.

Ayon kay Navarete sa ilalim ng programa, ang Binhian ng Timog Cotabato BINTICO ay babayaran ng provincial government ng tig P150 sa bawat bigas na kanilang imi-mill. Ang bigas ay ilalaan naman ng provincial government sa mga inmate ng provincial jail.

Kaugnay nito ipinahayag naman ni De Jesus na magkakaroon pa sila ng special session ngayong hapon. Ito ay para talakayin ang Memorandum of Agreement sa sa pagitan ng South Cotabato Provincial Government at BINTIKO para masimulan ang pagpapatupad ng rice procurement program.

 

-0-

 

Grand Sale ng mga commercial establishment mapapakinabangan ng mga mamamayan sa 19th Charter Anniversary at 9th Negosyo Festival ng Koronadal City

Sisimulan bukas ng lokal na pamahalaan ang 19th Charter Anniversary at 9th Negosyo Festival ng Koronadal City sa pamamagitan ng motorcade at Grand Sale 2019 Opening sa KCC mall. Hudyat ito ng pagbibigay ng diskwento ng mga establisemento sa syudad bilang pakikiisa sa nasabing selebrasyon.

Ayon kay Koronadal City Investment and Promotion Center Manager Elric Batilaran bukas ng hapon ay gaganapin ang Opening Program at Interfaith services sa Rotonda Area. Susundan naman ito ng pagsisimula ng October Fest at Fireworks Display sa Rizal Park.

Tampok din sa selebrasyon ang pagpapakita ng ipinagmamalaking produkto ng 27 barangay ng lungsod sa Barangay Travel Mart and Agri Fair at Negosolosyon Regional Trade Expo. Ito ay bubukasan naman sa October 4.

Sa October 5 masasaksihan naman ng publiko ang pagsisimula ng motorcross competition, Dog Fashion Show , Fish Show at Palengke Festival. Ang mga naghahanap ng trabaho ay maari namang mag-apply sa Job Fair sa City Mall. Magtatapos ang selebrasyon sa Anniversary Program sa October 8. Katatampukan naman ito Ist 100 Days Report ni Mayor Eliordo Ogena, at Awarding ng mga nagwagi sa Search for Cleanest and Greenest Barangay 2019.

Tema ng 19th Charter Anniversary at 9th Negosyo Festival ng Koronadal ang “Soaring High for Greater Competitiveness.”

 

-0-

 

Ama patay sa road accident habang ihahatid sana sa pinagtuturuang eskwelahan ang gurong anak sa T’boli, South Cotabato

Kinilala ng T’boli PNP na pinamumunuan ni Police Major Bernie Faldas ang nasawing biktima na si Hasim Salazar 61 years old. Maswerte namang nakaligtas sa vehicular crash ang angkas nito at gurong anak na si Rahima Salazar, 22 years old. Ang mag-amang biktimang ay pawang mga nakatira sa barangay Lamba, Banga, South Cotabato.

Lumabas sa inisyal na pagisisyasat ng mga pulis na sumalpok ang minamanehong motorsiklo ng biktimang si Hasem sa kasalubong na Isuzu dump truck. Ito ay matapos mawalan ng control sa pagmamaneho nang masagasahaan ang asong gala na biglang tumawid sa highway sa barangay Sinolon, T’boli.

Dahil sa lakas ng pagkakasalpok ng motorsiklo sa dump truck ang biktimang si Hasim ay nagtamo ng matinding mga sugat na naging sanhi ng kanyang dagliang pagkasawi. Ang anak nito ay agad namang dinala sa isang pribadong ospital sa karatig bayan ng Surallah.

Nabatid na naganap ang vehicular habang hinahatid ng amang biktima ang anak na si Rahima sa pinagtuturuan nitong T’boli National High School. Ang driver ng truck na nabangga ng mga ito na si Joel Pening, 28 years old ay sumuko sa T’boli PNP.

 

-0-

 

Pagpapaigting ng Biosecurity measures para labanan ang African Swine Fever Disease ipinagutos ng Veterinary Quarantine Officer ng DA sa mga may ari ng Pig Farms sa region 12

Paigtingin pang lalo ang biosecurity measures Ito ang utos ni Department of Agricuture Regional Veterinary Quarantine Officer Castor Leo Ejercito sa mga Commercial at small scale pig farms sa region 12. Layon nito na maprotektahan laban sa pinangangambahang African Swine Fever o ASF ang swine industry sa region 12.

Maliban dito, umapela din si Ejercito sa mga nasa swine industry na ipagbawal muna ang swill feeding at pagdadala ng pagkain ng meat products sa kanilang pig farms. Ayon kay Ejercito, dapat na ma-disinfect din ang mga sasakyan na papasok at palabas ng pig farms.

Kailangan din ng mga pig farm owners na maglaan ng tootbrush at handwash area sa gate ng mga personnel. Pinayuhan din ni Ejercito ang mga piggery owners na agad na ireport sa mga kinauukulan ang pagkakasakit at pagakamatay ng kanilang mga alagang baboy.

Ang utos na ito ni Ejercito sa mga backyard at commercial swine raisers sa region 12 ay kasunod ng ASF outbreak sa mga lalawigan ng Rizal, Bulacan at iba pang bahagi ng Luzon.

 

-0-

 

10,000 na cash, tinangay sa tindahan ng isang negosyante sa bayan ng Kabacan, North Cotabato

Pinasok ng mga magnanakaw ang tindahan ng isang negosyante sa Rizal Avenue, Kabacan, North Cotabato kahapon.

Personal na dumulog sa estasyon ng pulisya ang may-ari na si Edward John Pajo, 37 anyos, isang businessman at nakatira sa Senamar 1, Barangay Poblacion Kabacan, North Cotabato.

Kwento ng biktima, pwersahang giniba ng mga magnanakaw ang likurang bahagi ng kanyang tindahan na Queenzy Tuna Products at alas 8:00 na kinaumagahan nang magbubukas na sana sila ay dito na napag-alamang pinasok ang kanilang pwesto ng di pa nakikilalang magnanakaw.

Kabilang sa tinangay ng suspek ang 10,000 pesos na cash na nakalagay sa isang drawer. Nabatid na alas 6:00 ng gabi noong lunes niya isinara ang kanyang tindahan at posibleng gabi ng lunes o madaling araw kahapon ito pinasok ng mga magnanakaw. Sa ngayon, nirereview na ng PNP ang mga Closed circuit television o CCTV camera sa mga kalapit na establisyemento upang makilala at mahuli ang responsable sa pagtangay ng pera ng negosyante. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Ilang mga Brgy Chairman sa North Cotabato iisa ang opinyon hinggil sa pagbabalitan ng Local Election sa bansa

Kung ang mga barangay chairman sa North Cotabato ang tatanungin, malaki aniya ang maitutulong ng pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election sa May 2020.

Ayon kay Brgy Poblacion, Kidapawan City, Chairman Arnold Sumbiling, mas mahaba aniya ang panahon ng mga barangay officials upang maipatupad ang kanilang mga ninanais na proyekto at mas pabor din ito sa mga bagohang opisyales para maipakita ang kanilang mga programa sa mga mamamayan.

Malaki ang paniniwala ni Sumbiling na isa itong pagkakataon upang madagdagan pa ang kaniyang proyekto at mga plano para sa ika-uunlad ng barangay. Sa nasabing usapin, parehong opinyon rin ang ipinahayag sa Radyo Bida ni Brgy Kapitunan Chairman Ricardo Reforial.

Ayon sa kaniya, mas mahabang panahon din ang maipaglilingkod nito sa barangay dahil sa pagpapaliban ng eleksyon. Dagdag pa ni Reforial na ang dagdag na dalawang taon ay pagkakataon sa mga bagohang opisyal na ipakita ang kanilang istilo sa paglilingkod bayan.

Ito rin ang naging opinyon ni Brgy Kinarom, Magpet Chairman Ruben Lanaja. POTS-KAPITAN Nabatid na aprubado na ng Senado ang panukalang ipagpaliban ang nakatakadang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election sa 2020.

Lahat ng 21 senador na dumalo sa plenaryo ang bumoto pabor sa Senate bill number 1043 kaya agad itong nakalusot sa 3 at huling pagbasa. Oras na maisabatas, ipagpapaliban sa December 2022 ang Barangay at SK elections o 5 buwan matapos ang Presidential elections sa Mayo ng kaparehong taon. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Tatlong mga drug suspects, arestado sa magkahiwalay na buy-bust operation ng PNP sa Kidapawan City

Arestado ang tatlong mga drug suspects kabilang ang isang estudyante at dalawang babae sa magkahiwalay na anti-illegal drug operation ng PNP sa Kidapawan City kahapon ng hapon.

Unang nahuli ang isang estudyante na kinilalang si Mark John Pama Villaruz, 21 anyos at nakatira sa Purok 4, Barangay Bual, Tulunan, North Cotabato.

Ang operasyon ay isinagawa ng Regional Police Drugs Enforcement Unit 12 at PNP sa harap ng isang paaralan kung saan nakumpiska ang apat na mga sachets ng suspected shabu at mga drug paraphernalia.

Samantala, naaresto rin ang dalawang mga babaeng drug suspek matapos ikasa ang buy bust operation sa isang lodging house sa Barangay Poblacion, Kidapawan City kahapon.

Nakilala ang mga naaresto na sina Marjorie Filomeno Roa, 25 anyos ng Barangay Birada at Jennyve Albiso Goling, 20 anyos, na taga Purok 1, Barangay San isidro kung saan nakuha naman ang isang sachet ng iligal na droga. Kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng tatlong mga drug suspects na kulong na ngayon sa custodial facility ng PNP. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Bagong Grupo na tututok sa issue ng climate change binuo ng Diocese of Kidapawan.

Sa layuning maipaintindi pa sa mga mamamayan ang mga epekto ng climate change at ano ang mga hakbang na dapat gawin upang hindi pa ito lumala ay magsasagawa ng climate change summit ang bagong buong grupo sa North Cotabato.

Tinawag na Kidapawan Local Initiative Multi-Sectoral Action for the Environment o KLIMA ang naturang grupo. Ang pagbuo ng grupo ay inisiyatiba ng Diocese ng Kidapawan. Kasali rin dito ang Civil Society organization at ang Government Sector.

Ayon kay Fr Paul Paracha ng Diocese of Kidapawan, isa sa mga malaking hamon na hinaharap ngayon aniya ay ang global warming kung saan resulta nito ay ang climat change na ramdan na ng buong mundo. Kahit sa mga maliliit na bagay na ginagawa ng tao na makakasira sa kalikasan ay may malaking epekto aniya na ngayon ay bumabalik na sa tao.

Sa naturang summit ay inaasahang mabigyan pa ng dagdga na kaalaman ang mga partisipante hinggil sa epekto ng climate change at paanu makakatalong ang sektor kahit sa kaunting paraan upang maiwasang tuluyan aniya itong lumala.

Ang summit ay gagawin ngayong october 25 pero bago nito ngayong sabado ay magsasagawa ng Bawas plastic Drive bilang bahagi ng Earth Day Celebration sa buong Diocese ng Kidapawan. Kaya inaanyayahan ang lahat lalong lalo na ang bawat Parokya ng Diocese at iba pang sektor na makiisa sa naturang aktibidad.

 

NDBD BIDA BALITA (10.17.19)

HEADLINES:

1. LIMA katao, nasawi matapos ng naranasang malakas na lindol kagabi sa iba’t ibang mga lugar sa...

Cotabato Light power distribution normal despite Magnitude 6.3 quake

COTABATO CITY - The Cotabato Light and Power Company announces today that its power distribution capacity remains normal despite the quake that...

Large-scale shabu peddler arrested in Malabang

COTABATO CITY  --- Anti-narcotics agents seized more than P900,000 worth of shabu from a  trafficker who fell in an entrapment in Malabang...

PDEA-BARMM, Marines seize P3.4-M worth of shabu, nab peddler in Lanao

COTABATO CITY – At least P3.4 million worth of suspected shabu were seized from a big time drug peddler during joint law enforcement...

More images of Gaisano Mall of GenSan fire

GEN. SANTOS CITY - Fire fighters from this city, nearby towns and from as far as Davao City are still fighting the blaze the engulfed the Gaisano...